Ang Bibliya—Aklat ng Mapananaligang mga Hula—Bahagi 5
Mabuting Balita Para sa Lahat ng Tao
Sa seryeng ito na may walong bahagi, tatalakayin ng “Gumising!” ang isang kahanga-hangang katangian ng Bibliya—ang mga hula nito, o prediksiyon. Tutulungan ka ng mga artikulong ito na masagot ang sumusunod na mga tanong: Ang mga hula ba ng Bibliya ay inimbento lang ng matatalinong tao? O ang mga ito ay nagmula sa Diyos? Inaanyayahan ka naming suriin ang katibayan.
ANG mensahe ng Diyos para sa sangkatauhan ay nasa Bibliya, at ang mensaheng iyon ay mabuting balita. Kaya naman ginamit ni Jesu-Kristo ang kaniyang panahon at lakas sa paghahayag ng “mabuting balita ng kaharian.” (Lucas 4:43) Ipinakikita ng Bibliya na ang Kahariang ito ay gobyerno ng Diyos at na aalisin nito ang mapaniil na pamamahala ng tao, paiiralin ang kapayapaan, at wawakasan ang lahat ng sanhi ng pagdurusa ng tao. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Talaga ngang mabuting balita!
Yamang ito’y mabuting balita, dapat lang na masabi ito sa pinakamaraming tao hangga’t maaari. Gayunman, noong patayin si Jesus, kakaunti pa lang ang mga tagasunod niya. Mapalalaganap kaya ang mensahe? Ayon sa hula ng Bibliya, oo. Inihula nito ang sumusunod: (1) Ang mabuting balita ay lalaganap sa buong mundo. (2) Magpapatuloy ito sa kabila ng matinding pagsalansang. (3) May lilitaw na huwad o nag-aangking mga Kristiyano at ililigaw nila ang marami. Talakayin natin ang mga hulang ito.
Ipahahayag sa Lahat ng Bansa ang Mabuting Balita
Mga hula:
“Sa lahat ng mga bansa ay kailangang ipangaral muna ang mabuting balita.” (Marcos 13:10) “Kayo ay magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8.
Katuparan: Di-nagtagal pagkamatay ni Jesus noong 33 C.E., inihayag ng kaniyang mga alagad sa buong Jerusalem ang mensahe ng Kaharian. Nangaral sila sa buong Judea at sa kalapit na Samaria, at bago matapos ang 15 taon, nakapagpadala sila ng mga misyonerong Kristiyano sa iba pang bahagi ng Imperyo ng Roma. Pagsapit ng taóng 61 C.E., masasabing ang mabuting balita ay naipangaral na sa ‘malalayong’ bahagi ng lupa.
Ang ipinakikita ng kasaysayan:
- Pinatutunayan ng di-Biblikal na mga akda mula sa ikalawang siglo ang napakabilis na paglaganap ng orihinal na Kristiyanismo. Ipinahiwatig ng Romanong istoryador na si Suetonius na marami nang mga Kristiyano sa Roma noon pa mang 49 C.E. Sa isang liham kay Emperador Trajan noong mga 112 C.E. na galing kay Pliny na Nakababata, na gobernador ng Bitinia (na nasa Turkey ngayon), tinukoy ang Kristiyanismo na parang isang “salot” na “kumalat hindi lang sa malayang mga bayan, kundi pati sa mga nayon at kabukiran.” Matapos suriin ang ebidensiya, sinabi ng isang istoryador: “Wala pang sandaang taon pagkaraan ng panahong apostoliko, mayroon nang mga dako ng pagsamba ang mga Kristiyano sa pangunahing mga lunsod ng Imperyo.”
- Sa aklat na The Early Church, sinabi ni Propesor Henry Chadwick: “Ang paglago ng simbahan ay parang imposibleng mangyari. Hinding-hindi iisipin ninuman na ito’y magtatagumpay.”
Sasalansangin ang Mabuting Balita
Hula:
“Ibibigay kayo ng mga tao sa mga lokal na hukuman, at hahampasin kayo sa mga sinagoga at patatayuin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila.”—Marcos 13:9.
Katuparan: Ang mga Kristiyano ay pinag-usig ng mga Judio at mga Romano. Sila’y inaresto, ibinilanggo, pinagpapalo, at pinatay.
Ang ipinakikita ng kasaysayan:
- Ayon kay Flavius Josephus, isang Judiong istoryador noong unang siglo, ang kapatid ni Jesus na si Santiago ay pinatay ng mga Judiong lider ng relihiyon. Iniulat naman ng Bibliya na si Gamaliel, isang iginagalang na miyembro ng mataas na hukumang Judio, ay nagpayo sa kaniyang mga kasamahan na huwag magpadalus-dalos sa paghatol sa mga alagad ni Jesus. (Gawa 5:34-39) Pinatutunayan ng mga akda ng mga iskolar na talagang umiral si Gamaliel at na isa siyang makatuwirang tao.
- Sinasabi ng mga istoryador na pasimula kay Emperador Nero noong 64 C.E., pinag-usig ng mga emperador ng Roma ang mga Kristiyano. Sa mga liham sa pagitan nina Emperador Trajan at Pliny na Nakababata, pinag-usapan nila ang mga parusa sa mga Kristiyanong ayaw tumalikod sa kanilang pananampalataya.
- “Sa halip na maging palihim ang gawain ng mga Kristiyano dahil sa pag-uusig, kabaligtaran ang naging epekto,” ang sabi ni Propesor Chadwick. Sa kanilang paglikas, dala nila ang kanilang mensahe sa bagong mga teritoryo. (Gawa 8:1) Nakapagbata sila, kahit itinakwil sila ng kanilang pamilya at mga kaibigan. Kahanga-hanga ito dahil ang mga tagasunod ni Jesus ay “mga taong walang pinag-aralan at pangkaraniwan” at wala ring impluwensiya sa pulitika. (Gawa 4:13) Sinasabi ng maraming istoryador na “sa mga tindero at mangangalakal, . . . ang Ebanghelyo ay mabilis na lumaganap.”
Manghang-mangha ang mga iskolar kung paanong ang Kristiyanismo ay napakabilis na naipalaganap ng isang maliit na grupo sa kabila ng matinding pagsalansang. Gayunman, ang mga pangyayaring iyon na parang malayong magkatotoo ay inihula na ni Jesus bago pa man iyon maganap. Inihula rin ng Kasulatan na ang pangangaral na ito ay pansamantalang matitigil.
Lilitaw ang Huwad na mga Kristiyano
Mga hula:
“Papasok sa gitna ninyo ang mapaniil na mga lobo at hindi makikitungo nang magiliw sa kawan, at mula sa inyo mismo ay may mga taong babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.” (Gawa 20:29, 30) “Magkakaroon din ng mga bulaang guro sa gitna ninyo. Ang mga ito ay tahimik na magpapasok ng mapanirang mga sekta . . . , at dahil sa mga ito ay pagsasalitaan nang may pang-aabuso ang daan ng katotohanan.”—2 Pedro 2:1, 2.
Katuparan: Ang kongregasyong Kristiyano ay pinarumi ng malupit, mapandaya, at ambisyosong mga indibiduwal.
Ang ipinakikita ng kasaysayan:
- Lalo na pagkamatay ng unang mga tagasunod ni Jesus, ang tunay na Kristiyanismo ay unti-unting naimpluwensiyahan ng prominenteng mga lalaki sa gitna nila na nagpasok ng pilosopiyang Griego sa kongregasyon. Nagkaroon ng uring klero na naghari-harian sa kongregasyon. Ayon sa mga istoryador, nang ang “Kristiyanismo” ay maging opisyal na relihiyon ng Roma, ibang-iba na ito sa kongregasyon noong unang siglo.
- Sa paglipas ng mga siglo, ang huwad na Kristiyanismong ito ay nag-iwan ng rekord ng karahasan at kasakiman. Sa halip na patunayang sila’y mga tagasunod ni Jesus, pinag-usig ng klero ang mga tumulad sa paraan ng pangangaral ni Jesus at ang mga nagsikap na mailathala ang Bibliya sa wika na ginagamit ng mga tao.
Noong mga panahong malakas ang impluwensiya ng huwad na Kristiyanismo, parang tuluyan nang naglaho ang mabuting balita. Pero sinabi ni Jesus na iyon ay muling ipangangaral sa mga huling araw. Ikinumpara niya ang yugtong ito sa isang pag-aani kung saan ang huwad na mga Kristiyano, na inilalarawan ng panirang-damo, ay ihihiwalay sa tunay na mga Kristiyano, na inilalarawan naman ng trigo. (Mateo 13:24-30, 36-43) Sa panahong iyon, ang hula tungkol sa pangangaral ng mabuting balita ay lubusang matutupad. (Mateo 24:14) Tatalakayin sa susunod na isyu ang kapana-panabik na hulang iyan.