Isang Pagbisita sa mga Zoo
TATLONG libong taon na ang nakalilipas, isang emperador na Tsino ang gumawa ng isang parke na tinawag niyang Hardin ng Kaalaman. Iyon ay may lawak na 607 ektarya at maraming hayop doon na puwedeng makita ng mga tao. Noon, bihira lang ang gayong parke.
Pero ngayon, milyun-milyon ang nakakapamasyal sa mga zoo. “Sa isang daigdig na nasisira na ang mga likas na kapaligiran at maraming lugar ang ginagawang lunsod, ang pinakamadaling puntahan ng tao para pagmasdan ang mga hayop ay ang mga zoo,” ang sabi ng aklat na Zoos in the 21st Century.
Ang Makikita sa mga Zoo Ngayon
Sa mga zoo, puwedeng makita ng mga tao ang marami sa pinakamagaganda at pinakakahanga-hangang hayop sa isang lugar na kahawig ng likas na tirahan ng mga ito. Makakakita ka ng makukulay na paruparo na lilipad-lipad sa isang tropikal na hardin o mga penguin na naliligo sa yelo sa isang malawak na kulungan na tila isang lugar sa nagyeyelong Antartiko.
Puwede ka ring maglakad-lakad sa isang mistulang kagubatan sa ekwador at makakita ng mga hayop at ibon na nagmula sa gayong kapaligiran. O maaari kang pumasok sa isang madilim na kuweba para obserbahan ang mga hayop na aktibo lang kung gabi. Sa ibang mga zoo, makakapanood ka ng mga eksibisyon ng mga ibong maninila o mga dolphin na nagpapasirku-sirko sa ere. Ang mababangis na hayop na dating nasa maliliit na kulungan ay mapagmamasdan na ngayon sa malalawak na lugar na napalilibutan ng tubig para nakahiwalay ang mga ito sa mga tao.
Ang Kontrobersiya
Kinukuwestiyon ng ilang aktibistang nagtataguyod ng karapatan ng mga hayop kung dapat bang kunin ang mga hayop mula sa kanilang likas na tirahan at ikulong sa mga zoo. Ikinakatuwiran nila na sa mga zoo, hindi nakakakilos nang malaya ang mga hayop at nakakaapekto ito sa kanilang likas na paggawi.
Pero ayon naman sa mga zookeeper, nakakatulong ang ginagawa nila para sa konserbasyon at edukasyon. “Ang tunguhin namin ay turuan ang mga tao na irespeto ang mga hayop,” ang sabi ni Jaime Rull, na taga-Faunia, sa Madrid, Spain. “Gusto naming ipadama sa mga bumibisita sa zoo na makakatulong sila sa pangangalaga sa likas na tirahan ng mga hayop, na kailangang ingatan para hindi maubos ang mga hayop.” Ipinakikita ng ilang surbey na dahil sa magagandang eksibit sa zoo, nalalaman ng mga tao na kailangang protektahan ang mga papaubos na species.
Ang ilang di-pangkaraniwang species—gaya ng giant panda—ay paborito ng marami. “Gustong makita ng lahat ng bumibisita rito ang aming dalawang panda,” ang sabi ni Noelia Benito ng Zoo Aquarium ng Madrid. “Ang sikát na hayop na ito ang naging simbolo ng pagsisikap naming iligtas ang mga papaubos na species. Umaasa kami na ang dalawang panda ay magkakaanak, bagaman napakapihikan nila sa pagpili ng kapareha.”
Di-gaya ng mga panda, maraming hayop ang mabilis na nakapagpaparami sa mga zoo dahil mas mahusay na ang mga kalagayan doon at naaalagaan pa sila ng mga beterinaryo. Dahil sa tagumpay ng mga programa sa pagpaparami, nasagot ang reklamo ng mga kritiko na hindi raw dapat masangkot ang mga zoo sa pagbili o pagbebenta ng mga papaubos na species. Bukod sa pag-aalaga ng mga hayop para sa kanilang mga eksibit, maraming zoo ang nagpaparami rin ng papaubos na mga hayop para maibalik ang mga ito sa likas na kapaligiran.
Ang isang pangunahing dahilan ng pagkaubos ng mga hayop ay ang pagkasira ng kapaligiran. Kaya naman aktibo ang mga zoo sa paglalaan ng pondo para sa mga programa sa pangangalaga sa kapaligiran, partikular na yaong nasa tropikal na mga bansa. *
Pagmamasid sa Kalikasan
Palibhasa’y tuwang-tuwa sa mga hayop ang mga bata, matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa mga lalang ng Diyos kapag bumibisita sila sa zoo sa dulong sanlinggo o sa panahon ng bakasyon. Mapagmamasdan nila nang sama-sama ang kalikasan.
Malaon nang interesado ang tao sa mga hayop. Maganda kung matuturuan ang mga bata na maging interesado sa mga hayop dahil makakatulong ito para malaman nila ang mga katangian ng Maylalang. Ang pagbisita sa zoo ay magpapalalim din ng ating respeto at kaalaman sa kahanga-hangang mga nilalang na nakatira sa ating magandang planeta.
^ par. 12 Mukhang matagumpay ang pagsisikap ng mga zoo na protektahan ang mga tigre sa Asia, mga lemur sa Madagascar, at mga primate sa Aprika.