Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

“Ang halos kalahati ng mga kanser na nada-diagnose sa [United Kingdom] taun-taon​—mahigit 130,000 lahat-lahat​—ay resulta ng mga gawaing puwede sanang iwasan gaya ng paninigarilyo, pag-inom, at pagkain ng di-nakapagpapalusog na pagkain.”​—BBC NEWS, BRITAIN.

“Isang napakasopistikadong ilegal na pagbebenta ng mga parte ng katawan ng hayop ang kontrolado ng malalaking sindikato at nagiging dahilan ng pagkaubos ng mga species na minamahal ng tao . . . sa lawak na hindi pa nangyari kailanman.”​—WILDLIFE CONSERVATION SOCIETY, E.U.A.

Ang mga taong nanonood ng TV nang mga anim na oras bawat araw ay malamang na mas umikli ang buhay nang 4.8 taon kumpara sa mga hindi nanonood ng TV. Ibig sabihin, sa bawat oras ng panonood ng TV, ang buhay ng isang di-aktibong adulto ay umiikli nang mga 22 minuto.​—BRITISH JOURNAL OF SPORTS MEDICINE, BRITAIN.

Sa Germany, mahigit 90 porsiyento ng mga babaing ang ipinagbubuntis na sanggol ay na-diagnose na may Down syndrome ang nagpapasiyang ipalaglag ito.​—DER TAGESSPIEGEL, GERMANY.

Nakaka-stress ang Buhay sa Lunsod

Ipinakikita ng pananaliksik na “mas matindi ang reaksiyon sa stress ng mga tagalunsod kaysa sa mga nakatira sa maliliit na bayan,” ang sabi ng magasing Przekrój ng Poland. “Napakaraming umaagaw ng pansin sa lunsod,” ang paliwanag ng psychotherapist na si Mieczysław Jaskulski ng Psychoeducation Laboratory ng Warsaw. “Ang posibilidad na makaranas ng anxiety attack ang mga tagalunsod ay mas mataas nang 21 porsiyento kumpara sa mga tagalalawigan, at ang posibilidad naman na makaranas sila ng mood disorder ay mas mataas nang 39 na porsiyento.” Ano ang puwedeng gawin ng mga tagalunsod? “Huwag ikagalit ang mga bagay na hindi mo kontrolado,” “huwag iuwi sa bahay ang mga álalahanín sa trabaho,” “maglakad-lakad,” at “magbakasyon kung kailangan,” ang payo ng Przekrój.

Gaano Karaming Impormasyon ang Isine-save ng Facebook?

Gustong malaman ng isang Austrianong estudyante ng abogasya kung gaano karaming impormasyon tungkol sa kaniya ang nai-save ng pinakamalaking social network sa tatlong-taóng pagiging miyembro niya, kaya humiling siya ng kopya nito. Pinadalhan siya ng Facebook ng isang CD na naglalaman ng 1,222 pahina ng impormasyon. Ayon sa diyaryong Der Tagesspiegel ng Germany, sinabi ng estudyante: “Lahat ay naka-save​—bawat message, bawat chat, pati kompidensiyal na impormasyon tungkol sa mga kaibigan ko.” Kasama roon pati ang impormasyon na nakatitiyak siyang na-delete na niya!