Ang Common Loon—Ibong May Kakaibang mga Huni
ANG malungkot at nakakatakot na huni ng common loon ay hindi madaling malimutan. * Ang huning ito ay naririnig sa malalayong tubig-tabang na lawa at ilog sa Canada, Europa, at hilagang Estados Unidos, anupat nagpapadama ng kalungkutan sa ilang.
Ang magandang ibong ito na marunong lumangoy ang napiling ibon ng estado ng Minnesota, E.U.A., at makikita rin ito sa dolyar na barya ng Canada—ang loonie. Ito ay ibong nandarayuhan, at madalas itong nagpapalipas ng taglamig sa mga baybayin sa timog. Bakit kakaiba ang mga huni ng common loon?
Ang Iba’t Ibang Huni ng Loon
Kahanga-hanga ang mga huni ng loon. Ang kaniyang malungkot na huni, o wail, ay maririnig sa gabi kahit milya-milya ang layo. Ang banayad na huni naman nito, o hoot, ay ginagamit para makipagtalastasan sa kaniyang kapareha, mga inakáy, at iba pang loon sa lawa. May huni rin ito na nagbababala, ang tremolo. Ito’y sinasabing parang “tawa ng baliw” at ang tanging huni ng loon kapag lumilipad.
Ang yodel ay huni ng lalaking loon at “waring ginagamit sa pagtatanggol sa kaniyang teritoryo,” ang sabi ng magasing BirdWatch Canada. “Bawat lalaking loon ay may sariling yodel,” at “miyentras mas mabigat ang loon, mas mababa ang tono nito.” Bukod diyan, kapag ang lalaking loon ay “lumilipat ng teritoryo, binabago niya ang kaniyang yodel,” at “hangga’t maaari, iniiba niya ito sa yodel ng dating nakatira doon,” ang sabi ng magasin.
Maganda, Mabilis, at Asiwa
Ang ulo ng loon ay maitim, medyo berde, at makintab. Ang mata nito ay mapula at ang tuka nito ay mahaba, matulis, at kulay itim. Ang balahibo nito ay nagbabago depende sa panahon.
Ang mga paa ng loon ay hawig ng sa bibi at napakahusay nitong manila, lumangoy, at sumisid. Sa katunayan, nakakasisid sila sa lalim na 60 metro at nakapananatiling nakalubog nang ilang minuto!
Pero ang loon ay asiwang mag-take-off at mag-landing! Dahil sa bigat nito, kailangan niya ng “runway” para makabuwelo, at maaari itong kumampay at tumakbo sa tubig nang daan-daang metro bago makalipad. Kaya naman mas gusto ng mga loon ang malalawak na ilog at lawa. Mabilis itong mag-landing habang nakaunat sa likuran ang mga paa, pero para itong eroplanong hindi nakalabas ang mga gulong. Kaya ang tiyan nito ang tumatama at sumasadsad sa tubig hanggang sa huminto.
Ang malalaking paa ng loon ay tamang-tama sa paglangoy, pero dahil ang mga ito ay nasa hulihan ng kaniyang katawan, asiwa ito sa paglalakad—at kahit nga sa pagtayo. Kaya gumagawa sila ng mga pugad malapit sa tubig para madali silang makabalik dito.
Ang tatay at nanay na loon ay naghahalinhinan sa paglimlim sa kulay-olibo at batik-batik na mga itlog, na karaniwa’y dalawa. Napipisa ang mga ito pagkalipas ng mga 29 na araw. Pagkaraan ng dalawang araw, nakakalangoy na ang mga inakáy at nakakasisid pa nga nang ilang sandali. Kapag kailangan nilang magpahinga, sumasakay sila sa likod ng kanilang tatay o nanay. Pagkalipas ng dalawa o tatlong buwan, kapag kaya na nilang lumipad, iniiwan na nila ang kanilang mga magulang.
Kasama sa mga kaaway ng loon ang mga agila, golondrina, raccoon, at—ang pinakamatindi sa lahat—mga tao. Ang mga ibong ito ay nalalason ng mga tinggang pabigat sa pain sa isda at ng mga tumagas na langis. Nababawasan din ang mga isdang kinakain ng loon dahil sa kemikal na polusyong dala ng acid rain. Inaabot ng tubig ang kanilang mga pugad kapag may dumaraang mga bangka. At nawawalan sila ng pamumugaran kapag dinedebelop ang mga lupaing malapit sa lawa.
Pero marami pa rin namang loon. Kaya ang magandang ibong ito na kakaiba ang mga huni at nakakatuwa ang kilos ay patuloy na magpapasaya sa mga mahilig sa ibon sa darating na mga taon.
^ par. 2 Tinatawag ding great northern diver at great northern loon.