Ang Bibliya—Aklat ng Mapananaligang mga Hula—Bahagi 7
“Darating ang Wakas”
Sa seryeng ito na may walong bahagi, tatalakayin ng “Gumising!” ang isang kahanga-hangang katangian ng Bibliya—ang mga hula nito, o prediksiyon. Tutulungan ka ng mga artikulong ito na masagot ang sumusunod na mga tanong: Ang mga hula ba ng Bibliya ay inimbento lang ng matatalinong tao? O ang mga ito ay nagmula sa Diyos? Inaanyayahan ka naming suriin ang katibayan.
NAGNGINGITNGIT ka ba kapag inaapi at inaabuso ng tiwaling mga gobyerno ang kanilang mamamayan? O kapag lalo pang yumayaman ang mayayaman dahil sa malalaking negosyo samantalang patuloy na nagdurusa ang mahihirap? Nagagalit ka ba kapag ang mga lider ng relihiyon ay nanghuhuthot sa kanilang mga miyembro at nagtuturo ng mga kasinungalingan? Kung oo, matutuwa kang malaman na kinokondena rin ng Bibliya ang kasamaan. Ang artikulong ito ay tatalakay sa (1) mga hula ng Bibliya tungkol sa wakas ng lahat ng kasamaan at ng masasamang tao at (2) dahilan kung bakit lubos tayong makapagtitiwala sa mga hulang ito.
Ang Wakas ng Kasamaan
Tinalakay sa sinundang artikulo ng seryeng ito ang iba’t ibang bahagi ng tanda na ibinigay ni Jesus, na nagpapakitang malapit na ang wakas ng kasalukuyang sistema. Kasama sa tanda ang pambuong-daigdig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos—ang gobyerno ng Diyos na malapit nang mamahala sa buong lupa. (Daniel 2:44; Mateo 24:3, 14) Kapag natapos na ang pangangaral na iyon, “darating ang wakas,” ang sabi ni Jesus. Baka magulat kang malaman na ang unang aalisin ng Diyos ay ang huwad na relihiyon, na hindi nagtuturo ng katotohanan tungkol sa kaniya. Sa Bibliya, ang huwad na relihiyon ay isinasagisag ng isang patutot na tinatawag na “Babilonyang Dakila.”—Apocalipsis 17:1, 5; tingnan ang kahong “Ipinakikilala ang Babilonyang Dakila,” sa pahina 13.
Hula 1:
“Darating ang . . . mga salot [ng Babilonyang Dakila], kamatayan at pagdadalamhati at taggutom, at lubusan siyang susunugin sa apoy, sapagkat ang Diyos na Jehova, na humatol sa kaniya, ay malakas.”—Apocalipsis 18:2, 8.
Katuparan: Ipinakikita ng Bibliya na sa takdang panahon ng Diyos, uudyukan niya ang pulitikal na mga kapangyarihan sa daigdig na balingan at wasakin ang Babilonyang Dakila. “Gagawin [nila] siyang wasak at hubad” at “uubusin ang kaniyang mga kalamnan.” (Apocalipsis 17:16) Ibig sabihin, ilalantad nila ang kaniyang kahiya-hiyang mga gawain at sasamsamin ang kaniyang pagkarami-raming kayamanan. Ang pagkawasak niya ay magiging mabilis at lubus-lubusan anupat walang matitira sa kaniya ni bakas man.—Apocalipsis 18:21.
Maaaring akalain ng mga pulitikal na tagapamahala na sila ang nakaisip na gawin iyon. Pero ang katuparan ng kamangha-manghang hulang ito ang magpapatunay na ang pagkawasak ng Babilonyang Dakila ay gawa ng Diyos. ‘Ilalagay niya iyon sa kanilang mga puso upang isakatuparan ang kaniyang kaisipan.’—Apocalipsis 17:17.
Hula 2:
“Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian. . . . Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito [na itinatag ng tao], at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”—Daniel 2:44.
Katuparan: Matapos alisin ang huwad na relihiyon, babalingan naman ng Diyos ang ibang mga organisasyon—ang pulitika at ang komersiyo—pati na ang masasamang tao. (Kawikaan 2:22; Apocalipsis 19:17, 18) Gaya ng may-ari ng bahay na nagpapalayas sa perhuwisyong mga nakikitira dito, ‘ipapahamak ng Diyos yaong mga nagpapahamak sa lupa.’ Lilipulin niya ang lahat ng nagsasagawa ng karahasan at seksuwal na imoralidad.—Apocalipsis 11:18; Roma 1:18, 26-29.
Sino ang maliligtas? Ang sagot ng Bibliya: “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11; 72:7.
Makapagtitiwala ba tayo sa mga hula ng Bibliya? Talaga bang wawakasan ng Diyos ang kasamaan at pagdurusa at ililigtas ang mga matuwid? Oo!
Mapagkakatiwalaan ang mga Hula ng Bibliya
Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang Diyos na Jehova ang Awtor ng Bibliya at na gagawin niya ang lahat ng ipinangako niya. (2 Timoteo 3:16) Makatuwiran bang paniwalaan ito?
Kung mayroon kang matagal nang kaibigan na talagang nagmamahal sa iyo at hindi kailanman nagsinungaling sa iyo, paniniwalaan mo ba siya kung mangako siya sa iyo ng isang mabuting bagay na kaya naman niyang gawin? Tiyak na oo. Ang Diyos ay mas maibigin kaysa sa sinumang taong kaibigan natin. Ang Diyos ay “hindi marunong magsinungaling.”—Tito 1:2, Magandang Balita Biblia.
Oo, wawakasan ng Maylalang ang huwad na relihiyon, ang mapang-aping mga tagapamahala, at ang sakim na komersiyo. Gusto mo bang malaman kung ano pa ang magaganap pagkatapos ng mga pangyayaring ito? Tatalakayin iyan sa susunod na isyu ng Gumising! sa huling artikulo ng seryeng ito.