Magtakda ng Mabubuting Pamantayang Moral
“Dati, hindi pa ako sumusunod sa pamantayan ng Bibliya kaya nahihirapan akong turuan ang mga anak ko. Pero mas madali na ngayon dahil malaking tulong sa akin ang Bibliya.”—ELIZABETH, SOUTH AFRICA.
Ang hamon.
Napakalakas ng impluwensiya sa pamilya ng panggigipit ng mga kaeskuwela at ng pagbaba ng moralidad. Para mapaglabanan ito, kailangan ng mga anak ang mabubuting pamantayan. Kung wala ito, malamang na hindi sila lálakíng responsable, may prinsipyo, at may mabuting pag-uugali.
Mga mungkahi.
Maraming nagsosolong magulang, kasali na ang mga binanggit sa serye ng mga artikulong ito, ang umaasa sa patnubay ng Bibliya dahil alam nilang naglalaman ito ng di-mapapantayang karunungan mula sa Diyos. Kuning halimbawa ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa pinakamahalagang simulain—ang tunay na pag-ibig.
“Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, ito ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala. Hindi ito nagsasaya sa kalikuan, kundi nakikipagsaya sa katotohanan. Tinitiis nito ang lahat ng bagay, . . . inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”—1 Corinto 13:4-8.
Kapag ipinakikita ng mga magulang ang ganiyang uri ng pag-ibig, lumalaking mahusay ang mga anak. Ganito ang isinulat ng taga-France na si Colette, na binanggit sa pahina 7: “Lagi kong sinasabi sa mga anak ko na mahal ko sila. Sinasabi ko rin na sila’y regalo mula sa Diyos kaya dapat ko silang alagaang mabuti. Sila naman ay dapat na maging magalang at masunurin sa akin at pati sa kanilang ama [na hindi na namin kasama ngayon]. Nakatulong ang mga simulaing ito para magkaroon kami ng tiwala at respeto sa isa’t isa.”—Awit 127:3.
Si Anna, na taga-Poland, ay sumulat: “Kapag nag-aaway ang mga anak ko, ipinapaalala ko sa kanila ang sinabi ni Jesus na kung ano ang gusto nating gawin sa atin ng iba, iyon ang dapat nating gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Nararanasan ni Roberto, na binanggit sa pahina 7, ang isang karaniwang problema ng mga nagsosolong magulang. Sinabi niya: “Ang mga anak ay napapaharap sa dalawang pamantayan—ang sa iyo at ang sa dati mong asawa. Kapag ipinapasunod ko ang mga pamantayan ng Bibliya, alam kong iisipin nilang mas mabait ang nanay nila kesa sa ’kin.” Sinabi pa niya: “Maaaring magregalo sa mga bata ang dati mong asawa para kunin ang loob nila. Gustung-gusto ’yon ng mga bata, kaya mahalaga ang mahusay na komunikasyon sa kanila.”
Hindi ganoon kadaling mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya, pero sulit ito! Ganito ang sabi ni Sarah, isang nagsosolong ina na taga-South Africa: “Natutuwa ako na lumalaki ang aking mga anak sa patnubay ni Jehova. Totoo, maraming hamon sa amin, pero hindi kami pinababayaan ng Diyos.”