Ang Caucasus—Isang “Bundok ng mga Wika”
ISIPIN na ikaw ay nasa isang bulubunduking rehiyon na mga sinlaki ng Spain. Nagulat ka nang malaman mong napakarami palang etnikong grupo roon, na ang bawat isa ay may sariling wika. Sa ilang lugar, kahit nga ang mga nakatira sa magkakatabing nayon ay magkakaiba ng wika! Tiyak na ikinagulat din ito ng mga heograpo noong Edad Medya anupat inilarawan ng isa sa kanila ang rehiyong ito—ang Caucasus—bilang “isang bundok ng mga wika.”
Ang rehiyong ito ay nasa Kabundukan ng Caucasus sa pagitan ng Dagat na Itim at Dagat Caspian. Dahil ang lokasyon nito ay nasa salubungan ng mga kontinente at sibilisasyon, makulay ang kasaysayan at kultura nito. Ang mga nakatira sa rehiyon ay kilaláng magalang sa matatanda, mahilig magsayaw, at mapagpatuloy. Pero ang mas nakaiintriga sa maraming dumadalaw sa Caucasus ay ang napakaraming etnikong grupo at mga wika rito—sa katunayan, mas maraming wika kaysa sa iba pang mga rehiyon sa Europa na sinlaki nito.
Kamangha-manghang Pagkakasari-sari
Noong ikalimang siglo B.C.E., iniulat na ng Griegong istoryador na si Herodotus: “Maraming iba’t ibang lahi ang matatagpuan sa Caucasus.” Noong pasimula ng unang siglo C.E., isa pang Griegong istoryador, si Strabo, ang sumulat na may 70 tribo sa rehiyong iyon. Ang bawat tribo ay may sariling wika at nakikipagkalakalan sa Dioscurias, ngayo’y lokasyon ng modernong lunsod ng Sukhumi, na nasa Dagat na Itim. Pagkaraan ng ilang dekada, isinulat ni Pliny na Nakatatanda, isang Romanong iskolar, na kinailangan ng mga Romano ang 130 interpreter para sa kanilang mga transaksiyon sa Dioscurias.
Sa ngayon, mahigit 50 etnikong grupo pa rin ang nakatira sa Caucasus. Ang bawat isa ay may kani-kaniyang kaugalian at kadalasa’y pati sining, arkitektura, at istilo ng pananamit. Di-kukulangin sa 37 katutubong wika ang ginagamit doon—ang ilan ay ginagamit ng milyun-milyon samantalang ang iba ay ginagamit lang sa ilang nayon. Ang lugar na may pinakamaraming wika sa rehiyong ito ay ang Dagestan Republic ng Russia, na may mga 30 katutubong etnikong grupo. Hanggang ngayon, hindi pa rin alam ang eksaktong kaugnayan ng lahat ng wikang ito sa isa’t isa at sa iba pang mga grupo ng wika.
Gusto mo bang makita kung ano ang hitsura ng sulat ng mga wika sa Caucasus? Makikita sa opisyal na Web site ng mga Saksi ni Jehova, ang www.pr418.com, ang kanilang mga publikasyon sa mahigit 400 wika. Kabilang dito ang ilang wika na ginagamit sa Caucasus, ang kahanga-hangang rehiyon na angkop tawaging isang “bundok ng mga wika.”