Ang Diksyunaryong Ginawa sa Loob ng 90 Taon
NOONG 1621, natuklasan ng isang Italyanong manggagalugad sa mga guho ng Persepolis, isang sinaunang lunsod sa Persia, ang isang di-pamilyar na istilo ng pagsulat. Noong 1800’s, nakahukay ang mga arkeologo sa Iraq ng maraming katulad na inskripsiyon sa mga tapyas na luwad at mga pader ng palasyo. Nakasulat ito sa mga wika sa Mesopotamia na ginamit ng mga haring gaya nina Sargon II, Hammurabi, at Nabucodonosor II. Ang mga inskripsiyon, na binubuo ng hugis-tatsulok na mga guhit, ay tinawag na cuneiform.
Ang istilong ito ng pagsulat ay mahalaga para maunawaan ang mga sibilisasyon ng sinaunang Mesopotamia. Nakita ng mga iskolar na nagsuri sa mga dokumentong ito na kailangan nila ng isang komprehensibong diksyunaryo sa Akkadiano, isang wikang malapit sa mga wikang Asiryano at Babilonyo.
Ang mahirap na proyektong ito ay sinimulan ng Oriental Institute ng University of Chicago, E.U.A., noong 1921, at natapos ito pagkaraan ng 90 taon, noong 2011. Nabuo ang natatanging Assyrian Dictionary na may 26 na tomo at mahigit 9,700 pahina. Saklaw nito ang mga wika at diyalektong ginamit sa Iran, Iraq, Sirya, at Turkey mula noong ikatlong milenyo B.C.E. hanggang 100 C.E.
Ang Assyrian Dictionary na may 26 na tomo ay may mahigit 9,700 pahina!
Bakit napakalawak ng saklaw na impormasyon ng diksyunaryong ito? Bakit napakatagal nitong natapos? At sino ang magiging interesadong gumamit nito?
Ang Nilalaman ng Diksyunaryo
“Ang diksyunaryo ay hindi lang basta listahan ng mga salita,” ang paliwanag ni Gil Stein, direktor ng Oriental Institute sa Chicago. Sa halip, “dahil may mga detalye ito ng pinagmulan at iba’t ibang gamit ng bawat salita, ang natatanging tomong ito ay parang isang ensayklopidiya ng kasaysayan, lipunan, literatura, batas, at relihiyon ng Mesopotamia. Malaking tulong ito sa lahat ng iskolar na gustong magsuri sa nasusulat na rekord ng sibilisasyon sa Mesopotamia.”
Sa simula pa lang, naisip na ng mga editor na “para matiyak ang kahulugan ng isang salita, dapat tipunin ang lahat ng pinaggamitan nito, at hindi ito dapat tipunin bilang mga salita lang, kundi may kasamang mga pananalita na makakatulong para malaman ang kahulugan nito sa isang konteksto o paggamit.” Kaya ang diksyunaryo ay naging isang koleksiyon ng mga pagsipi at salin ng orihinal na pananalitang cuneiform kung saan lumitaw ang salitang binibigyang-kahulugan.
Milyun-milyong tekstong cuneiform ang natuklasan nitong nakalipas na dalawang siglo, at saklaw nito ang napakaraming paksa. Ang wikang Asiro-Babilonyo, o Akkadiano, ang internasyonal na wika sa sinaunang Gitnang Silangan. Pero ang mga tao sa rehiyong ito ay may sariling literatura; nakipagkalakalan; nag-aral ng matematika, astronomiya, at mahika; gumawa ng mga batas; nagkaroon ng mga propesyon; at nagtaguyod ng relihiyon. Kaya ang mga isinulat nila hinggil sa mga ito at sa iba pang paksa ay nagbibigay ng napakaraming impormasyon.
Hindi naiibang sibilisasyon ang inilalarawan sa mga tekstong cuneiform na ito. “Karamihan ng makikita mo ay napakaordinaryo—mga taong natatakot at nagagalit, nagpapakita ng pagmamahal, humihiling ng pagmamahal,” ang sabi ni Matthew Stolper, propesor ng Assyriology sa University of Chicago na paminsan-minsang nagtatrabaho sa proyekto sa loob ng 30 taon. “May mga inskripsiyon mula sa mga hari na nagsasabi kung gaano sila kadakila,” ang dagdag niya, “at may mga inskripsiyon din mula sa iba na nagsasabing hindi naman talaga sila ganoon kadakila.” At ang mga teksto mula sa Nuzi, sa modernong Iraq, ay naglalahad ng mga kasong iniharap 3,500 taon na ang nakalipas, gaya ng tungkol sa mana ng isang balo, isang bukid na may irigasyon, at isang hiniram na buriko.
Tapós Na ba Talaga?
Ang mga Asiryologo mula sa iba’t ibang panig ng daigdig ay tumulong sa proyekto. Gumugol ng ilang dekada ang staff ng institute para makagawa ng halos 2,000,000 index card na nagpapakita ng gamit ng mga salita. Ang unang tomo ay inimprenta noong 1956. Mula noon, ang 25 iba pang tomo ay inilalathala sa tuwing matatapos ang bawat tomo. Ang buong set ay nagkakahalaga ng $2,000 (U.S.), pero ang lahat ng impormasyon ay puwedeng mabasa sa Internet nang walang bayad.
Inabot ng 90 taon bago natapos ang diksyunaryo. Gayunman, alam ng mga nagtrabaho sa napakalaking proyektong ito ang mga limitasyon nito. Ganito ang sabi ng isang artikulo tungkol sa diksyunaryo: “Hindi pa rin nila alam ang kahulugan ng ibang salita, at dahil laging may bagong natutuklasan, ito ay . . . patuloy pang ginagawa.”