“Huwag Kang Magpapakagat sa Surot!”
NOONG kalagitnaan ng ika-20 siglo, halos nasugpo na ng mga tao ang surot. Naririnig na lang ng ibang tao ang tungkol sa surot sa lumang tulang pambata na nagsasabing “huwag kang magpapakagat sa surot.” Pero noong dekada ’70, maraming bansa ang nagpasiyang ipagbawal ang paggamit ng DDT—isang pangunahing pamatay sa surot—dahil ito’y nakalalason at nakapipinsala sa kapaligiran.
Nang maglaon, ang mga surot ay hindi na kayang patayin ng ibang mga kemikal. Mas madalas na ring naglalakbay ang mga tao at walang kamalay-malay na nakapag-uuwi sila ng surot. Ang resulta? “Sa nakalipas na 12 taon,” ang sabi ng isang report noong 2012 tungkol sa pagkontrol sa surot, “iniuulat na bumabalik na naman ang mga surot sa Estados Unidos, Canada, Gitnang Silangan, ilang bansa sa Europa, Australia, at ilang bahagi ng Aprika.”
Sa Moscow, Russia, iniulat kamakailan na dumami nang 10 porsiyento ang mga reklamo tungkol sa surot. Sa kabilang panig naman ng mundo, sa Australia, tumaas nang mga 5,000 porsiyento ang salot ng surot mula noong 1999!
Ang ilan ay di-sinasadyang nakapag-uuwi ng surot mula sa mga tindahan, sinehan, o hotel. “Siguradong magkakaproblema ka sa surot,” ang sabi ng isang manedyer ng hotel sa Estados Unidos. “Isang malaking gastos ng mga negosyante sa ngayon ang pagkontrol sa surot.” Bakit napakahirap sugpuin ng mga surot? Paano mo mapoprotektahan ang sarili mo? Sakaling magkasurot sa bahay ninyo, anong mga hakbang ang puwede mong gawin para masugpo ang mga ito at huwag nang bumalik?
Pagkaliliit Pero Mahirap Sugpuin
Dahil ang mga surot ay sinlaki lang ng buto ng mansanas at may flat na katawan, makapagtatago sila kahit saan. Puwede silang mamahay sa iyong kutson, muwebles, saksakan ng kuryente, o kahit sa telepono. Karaniwan na, tatlo hanggang anim na metro lang ang layo ng mga ito sa mga higaan at mga upuan. Bakit? Para malapit sila sa mapagkukunan nila ng pagkain—ikaw. *
Kadalasan, nangangagat ang mga surot habang natutulog ang kanilang biktima. Pero hindi nararamdaman ng karamihan ang kagat ng surot dahil ang una nitong inilalabas pagkagat ay pampamanhid para makapanipsip ito ng dugo nang tuluy-tuloy hanggang sampung minuto. At kahit maaari silang kumain nang minsan sa isang linggo, mabubuhay pa rin sila kahit hindi kumain sa loob ng maraming buwan.
Totoo, di-gaya ng mga lamok at ilan pang insekto, ang mga surot ay hindi nagkakalat ng nakahahawang sakit. Pero ang kanilang kagat ay maaaring mangati at magpantal, at nakaaapekto ito sa maraming tao sa emosyonal na paraan. Ang mga biktima ng kagat ng surot ay puwedeng magkainsomniya, mahiya, at magkaroon ng pakiramdam na kinakagat pa rin sila ng mga surot kahit wala na ang mga ito. Isang report mula sa Sierra Leone ang nagsabing ang mga surot ay “sanhi ng pagkairita at di-pagkakatulog sa gabi” at nagbabala hinggil sa “kahihiyang dulot ng mga surot.”
Sugpuin ang mga Surot
Puwedeng magkasurot kahit saan. Mas madaling makokontrol ang sitwasyon kung maagang madedetek ang problema. Kaya tingnan kung may indikasyon na may surot sa inyong bahay at sa mga lugar na pinupuntahan mo. Inspeksiyunin ang iyong mga muwebles, baseboard, at maleta kung may maliliit na itlog doon na halos sinlaki ng linga at kung may mga mantsa ng dugo. Gumamit ng flashlight para mas madali mong makita ang mga iyon.
Tiyaking walang gaanong mapagtataguan ang mga surot. Lagyan ng sealant ang mga bitak at butas sa mga dingding at hamba ng pinto. Bagaman hindi ang pagiging marumi ang dahilan kung bakit nagkakasurot, mas madali silang makita at makontrol kung walang maraming kalat at kung regular kang magba-vacuum. Kapag nasa hotel ka, mababawasan ang tsansang makapag-uwi ka ng surot kung hindi mo ilalapag sa sahig at kama ang iyong maleta.
Kung Magkasurot sa Inyong Bahay
Kung makakita ka ng mga surot sa inyong bahay o kuwarto sa hotel, baka mag-alala ka at mahiya pa nga. Sa kanilang bakasyon, si Dave at ang asawa niya ay nakagat ng mga surot. “Nakakahiya,” ang sabi ni Dave. “Ano na lang ang sasabihin namin sa aming mga kaibigan at kapamilya pag-uwi namin? Kapag nangati sila o nagkaroon ng iritasyon sa balat, iisipin kaya nila na nakuha nila iyon sa bahay namin?” Normal lang ang ganitong reaksiyon, pero huwag namang dahil sa hiya ay hindi na kayo hihingi ng tulong. Tinitiyak ng New York City Department of Health and Mental Hygiene: “Mahirap sugpuin ang mga surot, pero hindi ito imposibleng gawin.”
Mag-inspeksiyon para sa mga indikasyon ng surot, at gum awa ng mga hakbang para hindi sila makapagtago sa inyong bahay
Gayunman, huwag isiping napakadali lang sugpuin ang mga surot. Kung makakita ka ng mga surot sa inyong bahay, malamang na matutulungan ka ng isang lisensiyadong pest controller. Bagaman hindi na ginagamit ang mga kemikal na nabanggit sa pasimula, ang mga pest controller ngayon ay gumagamit ng iba’t ibang epektibong paraan ng pagpatay sa surot. Sinabi rin ng entomologong si Dini M. Miller: “Para masugpo ang surot, kailangan ang pagtutulungan ng mga residente ng gusali, ng nangangasiwa rito, at ng pest control company.” Kaya sundin ang mga instruksiyon ng teknisyan at gawin ang kaukulang pag-iingat para huwag kang makagat ng surot!
^ par. 7 Ayon sa mga entomologo, ang surot ay naninipsip ng dugo ng tao at iba pang mamalya, kasali na ang mga alagang hayop sa bahay.