Puwedeng Maging Problema ang Kawalan ng Pasensiya
PAG-ISIPAN ang eksenang ito: Isang lalaki ang nagmamaneho sa isang kalsada kung saan bawal mag-overtake. Katamtaman lang ang takbo ng babaing nagmamaneho sa unahan niya. Para sa mainiping lalaki, parang napakabagal nito kaya binuntutan niya ito nang husto. Nang maubusan na siya ng pasensiya, pinaharurot niya ang kaniyang sasakyan at nag-overtake sa babae. Nilabag niya ang batas trapiko anupat isinapanganib ang kanilang buhay.
Kumusta naman ang babaing walang pasensiya sa mga kaopisina na hindi niya kasintalino o kasimbilis magtrabaho? O ang lalaking inip na inip sa pagdating ng elevator kaya pindot nang pindot sa call button? Nawawalan ka rin ba ng pasensiya sa mga magulang mong matatanda na? O isa ka bang magulang na nawawalan agad ng pasensiya sa maliliit mong anak? Madali ka bang mainis kapag nagkamali ang iba?
Lahat tayo ay posibleng mawalan ng pasensiya paminsan-minsan. Pero kung nangyayari iyon araw-araw, baka magdulot ito ng di-magagandang resulta.
Problema sa kalusugan:
Ang kawalan ng pasensiya ay kaugnay ng pagkadismaya, pagkairita, at maging ng galit. Ang gayong mga emosyon ay posibleng magpatindi ng stress level, na makasásamâ naman sa ating kalusugan. Ayon sa isang pag-aaral kamakailan na inilathala ng American Medical Association, ang kawalan ng pasensiya ay posibleng maging sanhi ng alta presyon, kahit sa mga kabataang adulto.
May iba pang mga problema sa kalusugan na kaugnay ng kawalan ng pasensiya. Ayon sa isang pag-aaral kamakailan, ito ay iniuugnay sa labis na katabaan. “Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga taong mainipin ay mas malamang na maging sobrang taba kaysa sa mga taong marunong maghintay,” ang ulat ng The Washington Post. Sa ilang lugar, makabibili ng murang pagkain sa mga fast food na restawran anumang oras, at gustung-gusto ito ng mga taong laging nag-aapura.
Pagpapaliban-liban:
Ayon sa pag-aaral na ginawa ng Centre for Economic Policy Research sa London, ang mga taong mainipin ay malamang na laging nagpapaliban ng kanilang gagawin. Posible kayang ipinagpapaliban nila ang mga trabahong matagal gawin dahil wala silang tiyagang tapusin ang mga iyon? Anuman ang dahilan, ang tendensiyang magpaliban-liban ay puwedeng makapinsala sa indibiduwal at sa ekonomiya ng bansa. Ayon sa diyaryong The Telegraph ng Britain, sinabi ng mananaliksik na si Ernesto Reuben na “ang pagpapaliban-liban ay may masamang epekto sa pagtatrabaho at puwedeng malugi nang malaki ang mga tao dahil laging ipinagpapaliban [ng mga mainipin] ang trabaho sa opisina.”
Pag-abuso sa alak at karahasan:
Ayon sa diyaryong South Wales Echo ng Britain, “ang mga taong hindi mapagpasensiya ay mas malamang na masangkot sa karahasang kaugnay ng paglalasing sa gabi.” Napansin ito ng mga mananaliksik sa Cardiff University matapos pag-aralan ang daan-daang lalaki’t babae. Ayon sa Echo, ipinakikita ng pag-aaral na “ang mga taong walang pasensiya ay mas malamang na magpakalabis sa alak at masangkot sa away.”
Maling mga pasiya:
Natuklasan ng isang grupo ng mga mananaliksik sa Pew Research Center sa Washington, D.C., na ang mga taong walang pasensiya ay “madalas na nagpapasiya nang padalus-dalos.” Ganiyan din ang konklusyon ni Dr. Ilango Ponnuswami, propesor at head ng Department of Social Work sa Bharathidasan University sa India. Sinabi niya: “Malaki ang mawawala sa iyo kapag wala kang pasensiya. Puwede kang mawalan ng pera at mga kaibigan, magdusa o dumanas ng iba pang problema dahil ang kawalan ng pasensiya ay madalas na sinusundan ng maling mga pasiya.”
Problema sa pera:
Ang kawalan ng pasensiya ay puwedeng maging sanhi ng “mas malaking pagkakautang,” ang sabi ng Research Review, na inilalathala ng Federal Reserve Bank ng Boston, E.U.A. Baka gusto ng mga bagong kasal na makumpleto agad ang gamit nila kahit hindi kaya ng badyet nila. Kaya bibili sila ng bahay, mga muwebles, kotse, at kung anu-ano pa—pero utang. Puwede itong makaapekto sa pagsasama ng mag-asawa. Sinabi ng mga mananaliksik sa University of Arkansas, E.U.A., na “ang mga bagong kasal na maraming utang ay hindi kasinsaya ng mga mag-asawang walang utang o kaunti lang ang utang.”
Ang pagbagsak ng ekonomiya kamakailan sa Estados Unidos ay isinisisi ng ilan sa kawalan ng pasensiya. Sinabi ng Forbes, isang magasin tungkol sa pananalapi, na “ang kalagayan ng ekonomiya sa ngayon ay resulta ng labis na kawalan ng pasensiya at sobrang kasakiman. Dahil sa kawalan ng pagpipigil, libu-libo ang bumibili ng mga ari-arian na mas malaki ang halaga kaysa kaya nilang bilhin. Kaya nangungutang sila ng malalaking halaga na hindi nila mababayaran sa loob ng maraming taon—at baka nga hindi na talaga nila mabayaran.”
Pagkawala ng mga kaibigan:
Ang kawalan ng pasensiya ay puwedeng makasira sa kakayahan nating makipagtalastasan. Kung ang isang tao ay mainipin kapag nakikipag-usap sa iba, posibleng makapagsalita siya nang hindi muna nag-iisip. Baka naiinis din siya kapag nagsasalita ang iba. Baka hindi niya mahintay na tapusin ng kausap niya ang gusto nitong sabihin. Kaya ang walang tiyagang makinig ay may tendensiyang madaliin ang kausap niya anupat siya na ang tumatapos sa sasabihin nito o humahanap siya ng paraan para tapusin agad ang pag-uusap.
Ang gayong kawalan ng pasensiya ay maaaring sumira sa pagkakaibigan. Ganito ang sinabi ni Dr. Jennifer Hartstein, isang mental-health professional na sinipi sa sinundang artikulo: “Sino ba naman ang gustong may kasama na panay ang tuktok ng paa [o] tingin nang tingin sa relo?” Oo, ang kawalan ng pasensiya ay hindi magandang katangian. Lalayuan ka ng mga kaibigan mo dahil dito.
Ilan lang ito sa masasamang resulta ng kawalan ng pasensiya. Tatalakayin sa kasunod na artikulo kung paano ka matututong maging mapagpasensiya.