Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA

Kung Paano Maiiwasan ang Pagtatalo

Kung Paano Maiiwasan ang Pagtatalo

ANG HAMON

Ikaw ba at ang iyong asawa ay hindi makapag-usap nang mahinahon? Pakiramdam mo ba’y para kang naglalakad sa isang lugar na may nakatanim na mga bomba, anupat ingat na ingat ka sa pakikipag-usap dahil puwede itong mauwi sa mainitang pagtatalo anumang oras?

Kung oo, puwede itong mabago. Pero dapat mo munang alamin kung bakit madalas kayong magtalo.

ANG DAHILAN

Di-pagkakaunawaan.

Ganito ang inamin ng may-asawang si Jillian: * “Kung minsan, may nasasabi ako sa mister ko na iba sa talagang gusto kong sabihin. O sigurado ako na may sinabi ako sa kaniya, pero napanaginipan ko lang pala iyon. Talagang nangyari iyon!”

Pagkakaiba.

Gaanuman kayo magkabagay na mag-asawa, may panahon na magkákaiba pa rin kayo ng pananaw sa ilang bagay. Bakit? Dahil walang dalawang tao ang magkaparehung-magkapareho​—isang bagay na puwedeng magdagdag ng kulay o magdulot ng tensiyon sa inyong pagsasama. Sa maraming mag-asawa, nagdudulot ito ng tensiyon.

Walang mabuting huwaran.

“Laging nagtatalo ang mga magulang ko at pinipintasan nila ang isa’t isa,” ang sabi ng misis na si Rachel, “kaya nang mag-asawa ako, ang paraan ng pakikipag-usap ko sa mister ko ay kagaya ng ginagawa ng nanay ko sa tatay ko. Hindi rin ako marunong rumespeto.”

Mas malalim na dahilan.

Kadalasan, ang isang mainit na pagtatalo ay may mas malalim na dahilan. Halimbawa, ang isang pagtatalo na nagsimula sa pagsasabi ng “Lagi ka na lang late!” ay baka hindi naman talaga tungkol sa pagiging nasa oras, kundi dahil nadarama ng asawa na parang binabale-wala siya.

Anuman ang dahilan, ang madalas na pagtatalo ay puwedeng makasamâ sa kalusugan at puwede pa ngang mauwi sa diborsiyo. Kaya paano ninyo maiiwasan ang pagtatalo?

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Para maiwasan ang pagtatalo, alamin ang pinakaugat nito. Kapag pareho kayong kalmado, gawin ang sumusunod.

1. Kumuha ng tig-isang papel at isulat kung ano ang huling pinagtalunan ninyo. Halimbawa, maaaring isulat ng asawang lalaki, “Maghapon mong kasama ang mga kaibigan mo at hindi mo man lang ako tinawagan.” Puwede namang isulat ng asawang babae, “Nagalit ka dahil binigyan ko ng panahon ang mga kaibigan ko.”

2. Maging makatuwiran habang pinag-uusapan ang mga sumusunod: Malaking bagay ba talaga ang pinagtatalunan ninyo? O puwedeng palampasin na lang? Kung minsan, alang-alang sa kapayapaan, baka mas mabuting tanggapin na magkaiba kayo ng pananaw at takpan na lang iyon ng pag-ibig.​—Simulain ng Bibliya: Kawikaan 17:9.

Kapag nakita ninyong maliit na bagay lang pala ang pinagtatalunan ninyo, magsori sa isa’t isa at kalimutan na iyon.​—Simulain ng Bibliya: Colosas 3:13, 14.

Pero kung para sa inyo o sa isa sa inyo ay seryosong bagay iyon, gawin ang susunod na hakbang.

3. Isulat kung ano ang nadama mo noong nagtatalo kayo, at ganoon din ang ipagawa sa iyong asawa. Halimbawa, puwedeng isulat ng asawang lalaki, “Pakiramdam ko, mas gusto mong kasama ang mga kaibigan mo kaysa sa ’kin.” Puwede namang isulat ng asawang babae, “Pakiramdam ko, tinatrato mo akong parang bata na kailangang laging magpaalam sa tatay niya.”

4. Magpalitan kayo ng papel at basahin ang isinulat ninyo. Ano ang mas malalim na dahilan ng pagkainis ng asawa mo? Pag-usapan kung ano sana ang ginawa ninyo para ayusin ang problema nang hindi nagtatalo.​—Simulain ng Bibliya: Kawikaan 29:11.

5. Pag-usapan ang natutuhan ninyo sa aktibidad na ito. Paano ninyo magagamit ang natutuhan ninyo para malutas o maiwasang maulit ang isang pagtatalo?

^ par. 7 Binago ang ilang pangalan.