Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Ang Mahihirap

Ang Mahihirap

Nagmamalasakit ba ang Diyos sa mahihirap?

“Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay . . . Sapagkat . . . sinabi [ng Diyos]: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’”​—Hebreo 13:5.

KUNG PAANO NAGMAMALASAKIT ANG DIYOS

Kapag dumaranas ng paghihirap ang isang mananamba ng Diyos na Jehova, makikita ang malasakit ng Diyos sa iba’t ibang paraan. Isa rito ang maibiging suporta ng mga kapuwa Kristiyano. * Sinasabi sa Santiago 1:27: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.”

Ang unang mga Kristiyano ay nagtulungan sa isa’t isa. Halimbawa, nang ihula na magkakaroon ng matinding taggutom sa Judea, ang mga Kristiyano sa lunsod ng Antioquia sa Sirya ay nagpasiyang “magpadala ng tulong bilang paglilingkod sa mga kapatid na nakatira sa Judea.” (Gawa 11:28-30) Dahil dito, natugunan ang mga pangangailangan ng mahihirap na Kristiyano. Sa kusang-loob na pagbibigay na ito, ipinakita ng mga Kristiyano ang kanilang pag-ibig.​—1 Juan 3:18.

Ano ang puwedeng gawin ng mahihirap para bumuti ang kalagayan nila?

“Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka.”​—Isaias 48:17, 18.

TINUTULUNGAN TAYO NG DIYOS NA TULUNGAN ANG ATING SARILI

Gaya ng naranasan ng milyun-milyong tao, ang karunungan mula sa Bibliya ay praktikal at di-mapapantayan. Sinasabi sa Kawikaan 2:6, 7: “Si Jehova ay nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig ay nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan. At para sa mga matuwid ay mag-iimbak siya ng praktikal na karunungan.” Kapag namumuhay ang mga tao kaayon ng karunungang iyan, nakikinabang sila.

Halimbawa, iniiwasan nila ang nakapipinsala at magastos na mga bisyo, gaya ng pag-abuso sa droga at alak. (2 Corinto 7:1) Sinisikap din nilang maging tapat at mas masikap at responsable, kaya naman mas madali silang makahanap ng trabaho o mas pinahahalagahan sila bilang mga empleado. Ayon sa Efeso 4:28: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi sa halip ay magtrabaho siya nang masikap, . . . upang may maipamahagi siya sa sinumang nangangailangan.”

Talaga bang nakakatulong sa mahihirap ang karunungan mula sa Bibliya?

“Ang karunungan ng Diyos ay pinatutunayang matuwid ng mga bunga nito.”​—Mateo 11:19, The New English Bible.

MABUBUTING RESULTA

Si Wilson, na taga-Ghana, ay contractual lang sa trabaho at malapit na itong matapos. Noong huling araw niya sa trabaho, habang naglilinis ng kotse ng managing director, nakakita ng pera si Wilson sa kompartment ng kotse. Sinabi sa kaniya ng superbisor na sa kaniya na lang ang pera. Pero tumanggi si Wilson. Isa siyang Saksi ni Jehova at hindi niya magagawang magnakaw. Sa halip, isinauli niya ang pera sa may-ari. Imbes na matanggal si Wilson sa trabaho, naging permanente siya at nang maglao’y binigyan ng mas mataas na posisyon.

Sa France, natanggal si Géraldine sa trabaho dahil ayaw ng amo niya sa mga Saksi ni Jehova. Pero sinabi ng nanay ng amo niya sa anak nito na maling-mali ang desisyon niya. Sinabi niya, “Kung gusto mo ng empleadong mapagkakatiwalaan at seryoso sa trabaho, Saksi ni Jehova ang kunin mo.” Inalam ng amo ang tungkol sa mga Saksi, at ibinalik si Géraldine sa kaniyang trabaho.

Nang maghirap si Sarah, isang nagsosolong ina sa South Africa, nadama niya ang pag-ibig ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano. Naglaan sila ng pagkain at transportasyon sa kanilang mag-iina. Nang maglaon, sinabi ng mga anak niya, “Ang dami naming magulang sa kongregasyon.”

Marami pang ibang karanasan na tulad nito. Ipinaaalaala nito sa atin ang sinasabi sa Kawikaan 1:33: “Kung tungkol sa sinumang nakikinig sa akin [kay Jehova], tatahan siya nang tiwasay.” Totoong-totoo ito!

^ par. 5 Sa ilang lupain, ang gobyerno ay nagbibigay ng tulong sa mahihirap. Kung wala nito, ang pangunahing dapat tumulong sa mahihirap ay ang kanilang mga kamag-anak.​—1 Timoteo 5:3, 4, 16.