Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA

Kung Paano Magiging Isang Mabuting Ama

Kung Paano Magiging Isang Mabuting Ama

“Saan ako nagkamali?” Iyan ang tanong na bumabagabag kay Michael, * na taga-South Africa. Nagsikap siya nang husto para maging isang mabuting ama, pero sa tuwing maaalala niya ang kaniyang 19-anyos na anak na lalaki na nagrebelde sa kaniya, naiisip niya kung talaga bang naging mabuti siyang ama.

Si Terry naman na taga-Spain ay tila matagumpay sa pagpapalaki ng anak. Ganito ang sinabi ng anak niyang si Andrew: “Naaalala ko noong bata ako, binabasahan ako ni Daddy, naglalaro kami, at ipinapasyal niya ako para magkasáma kaming dalawa. Dahil sa kaniya, nag-enjoy akong matuto ng mga bagay-bagay.”

Totoo, hindi madaling maging mabuting ama. Pero may mga saligang simulain na makatutulong. Nakita ng maraming ama na nakikinabang sila at ang kanilang pamilya kapag sinusunod nila ang karunungang nasa Bibliya. Tingnan natin ang ilang praktikal na payo ng Bibliya na makatutulong sa mga ama.

 1. Magkaroon ng Panahon sa Pamilya

Bilang isang ama, paano mo ipinakikita sa iyong mga anak na mahalaga sila sa iyo? Tiyak na marami kang ginagawa para sa iyong mga anak, kasali na ang iyong mga pagsasakripisyo para paglaanan sila ng pagkain at maayos na tirahan. Hindi mo gagawin ang mga iyan kung hindi sila mahalaga sa iyo. Pero kung wala ka namang sapat na panahon para sa kanila, maaari nilang isipin na mas mahalaga sa iyo ang ibang mga bagay, gaya ng iyong trabaho, mga kaibigan, o libangan.

Kailan dapat magsimulang magbigay ng panahon ang isang ama sa kaniyang mga anak? Ang isang ina ay nakabubuo na ng ugnayan sa kaniyang anak habang nasa sinapupunan pa ito. Mga 16 na linggo matapos maipaglihi, puwede nang makarinig ang isang sanggol. Sa panahong ito, kahit ang ama ay puwede na ring bumuo ng ugnayan sa kaniyang di-pa-naisisilang na anak. Puwede niyang pakinggan ang tibok ng puso nito, damhin ang pagsipa nito, kausapin ito, at kantahan ito.

Simulain ng Bibliya: Noong panahon ng Bibliya, ang mga ama ay nagtuturo sa kanilang mga anak. Hinihimok ang mga ama na laging magbigay ng panahon sa kanilang mga anak, gaya ng ipinakikita ng Bibliya sa Deuteronomio 6:6, 7: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.”

2. Maging Mabuting Tagapakinig

Makinig nang mahinahon at huwag manghuhusga

Para maging mahusay sa pakikipag-usap sa iyong mga anak, dapat marunong kang makinig. Kailangan mong matutuhang makinig nang hindi nagagalit agad.

Kung iniisip ng mga anak mo na magagalit ka agad at manghuhusga, hindi sila magkakalakas ng loob na sabihin ang kanilang niloloob. Pero kung pakikinggan mo sila nang mahinahon, maipakikita mong talagang may malasakit ka sa kanila. At mas malamang na magkuwento sila sa iyo ng kanilang iniisip at nadarama.

Simulain ng Bibliya: Ang praktikal na karunungan mula sa Bibliya ay napatunayang kapaki-pakinabang sa iba’t ibang aspekto ng buhay. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Kapag sinusunod ng mga ama ang simulaing ito ng Bibliya, nagiging mas mahusay sila sa pakikipag-usap sa kanilang mga anak.

 3. Magbigay ng Maibiging Disiplina at Komendasyon

Kahit nadidismaya ka o nagagalit, kailangan pa ring madama ng anak mo na mahal mo siya at gusto mo siyang mapabuti kaya mo siya dinidisiplina. Kasali sa disiplina ang pagpapayo, pagtutuwid, pagtuturo, at pagpaparusa kung kailangan.

Bukod diyan, mas epektibo ang disiplina kapag laging pinapupurihan ng ama ang kaniyang mga anak. Ayon sa isang kawikaan: “Gaya ng mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak ang salitang binigkas sa tamang panahon.” (Kawikaan 25:11) Ang pagbibigay ng komendasyon ay tumutulong sa anak na makapaglinang ng mabuting personalidad. Nagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili ang mga anak kapag pinahahalagahan sila. Kapag ang ama ay humahanap ng mga pagkakataon para magbigay ng komendasyon, tutulong ito sa mga anak na magkaroon ng kumpiyansa at magsikap na gawin lagi kung ano ang tama.

Simulain ng Bibliya: “Kayong mga ama, huwag ninyong yamutin ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.”Colosas 3:21.

4. Ibigin at Igalang ang Asawa

Ang pakikitungo ng ama sa kaniyang asawa ay tiyak na may epekto sa mga anak. Ganito ang sabi ng isang grupo ng mga eksperto tungkol sa pagpapalaki ng mga anak: “Ang isa sa pinakamagandang magagawa ng ama para sa kaniyang mga anak ay ang igalang ang kanilang ina. . . . Kung may paggalang sa isa’t isa ang ama at ina at nakikita ito ng mga anak, nagiging maligaya at panatag ang mga anak.”—The Importance of Fathers in the Healthy Development of Children. *

Simulain ng Bibliya: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae . . . Ibigin din ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili.”Efeso 5:25, 33.

 5. Sundin ang mga Payo ng Bibliya

Ang mga ama na may taimtim na pag-ibig sa Diyos ay makapagbibigay ng napakahalagang pamana sa kanilang mga anak—isang malapít na kaugnayan sa kanilang makalangit na Ama.

Matapos ang ilang dekada ng pagpapagal para mapalaki ang anim na anak, nakatanggap si Antonio, na isang Saksi ni Jehova, ng isang maikling liham mula sa isa niyang anak na babae: “Mahal kong Daddy, gusto ko po kayong pasalamatan dahil tinuruan n’yo akong mahalin ang Diyos na Jehova, ang aking kapuwa, at ang sarili ko—oo, maging isang mabuting tao. Ipinakita n’yo po sa akin na mahal n’yo si Jehova at na talagang nagmamalasakit kayo sa akin. Salamat, Daddy, dahil pangunahin si Jehova sa iyong buhay at itinuturing mo kaming mga anak mo na regalo mula sa Diyos!”

Simulain ng Bibliya: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong lakas. At ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso.”Deuteronomio 6:5, 6.

Bukod sa limang puntong nabanggit, tiyak na higit pa ang nasasangkot sa pagiging isang ama. At ang totoo, kahit na ginagawa mo ang buong makakaya mo para maging isang mabuting ama, hindi ka pa rin magiging perpektong ama. Pero hangga’t sinusunod mo ang mga simulaing ito nang may pag-ibig at pagkamakatuwiran, maaari kang maging isang mabuting ama. *

^ par. 3 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

^ par. 19 Kahit hindi na asawa ng ama ang ina ng kaniyang mga anak, makabubuti sa relasyon ng mga anak sa kanilang ina kung pakikitunguhan siya ng ama nang may paggalang at dignidad.

^ par. 25 Para sa higit pang payo tungkol sa buhay pampamilya, tingnan ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, na makikita sa Web site na www.pr418.com/tl.