TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK
Pagtatakda ng mga Patakaran Para sa Iyong Anak na Tin-edyer
ANG HAMON
Ang sabi ng anak mong tin-edyer, napakaistrikto mo. Pero para sa iyo, pinoprotektahan mo lang siya. ‘Kung hindi ako maghihigpit,’ ang naiisip mo, ‘mapapahamak lang siya!’
Puwede kang magtakda ng makatuwirang mga patakaran para sa iyong anak na tin-edyer. Pero kailangan mo munang maunawaan kung bakit siya naiinis sa mga patakarang ginawa mo.
KUNG BAKIT ITO NANGYAYARI
Maling akala: Ang lahat ng tin-edyer ay sumusuway sa mga patakaran; bahagi ito ng pagiging tin-edyer.
Ang totoo: Malayong magrebelde ang isang tin-edyer kung ang mga magulang ay magtatakda ng makatuwirang mga patakaran at ipakikipag-usap ang mga ito sa kaniya.
Bagaman may ilang dahilan kung bakit nagrerebelde ang anak, baka masisisi rin ang magulang kapag ang mga patakarang ibinibigay nila ay hindi makatuwiran o hindi na angkop sa edad ng kanilang anak. Isaalang-alang ang sumusunod:
- Hindi makatuwiran. Kapag basta na lang gumagawa ng patakaran ang mga magulang nang hindi ito ipinakikipag-usap sa anak, ang mga patakaran ay nagiging paghihigpit sa halip na proteksiyon. Ang resulta? Baka palihim siyang gumawa ng mga bagay na ipinagbabawal ng kaniyang mga magulang.
- Hindi na angkop sa edad. Sa isang bata, sapat na ang sabihing “dahil ’yon ang sinabi ko,” pero ang mga kabataan ay humihingi na ng paliwanag. Tutal, darating ang panahon na ang anak mong tin-edyer ay magsasarili at gagawa ng mabibigat na desisyon. Mabuting ngayon pa lang, habang nasa poder mo pa siya, ay matuto na siyang makipagkatuwiranan at magpasiya nang tama.
Pero ano ang gagawin mo kung lagi na lang naiinis ang iyong anak na tin-edyer sa mga patakarang ibinibigay mo?
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Una, tandaan na kailangan ng mga tin-edyer ng limitasyon, at gusto nila iyon, hindi man nila aminin. Kaya magtakda ng mga patakaran, at tiyaking naiintindihan iyon ng anak mong tin-edyer. “Kapag malinaw sa mga kabataan ang ibinigay na limitasyon at alam nilang kailangan nila ng patnubay ng magulang, mas malamang na hindi sila gagawa ng mali,” ang sabi ng aklat na Letting Go With Love and Confidence. Pero kapag walang itinatakdang patakaran ang mga magulang, iisipin ng mga anak na wala silang malasakit. Kung ganiyan ang sitwasyon, tiyak na magrerebelde ang mga anak.—Simulain ng Bibliya: Kawikaan 29:15.
Kung gayon, paano mo maipakikita na makatuwiran ka? Hayaan mong sabihin ng iyong anak na tin-edyer ang nadarama niya tungkol sa ginawa mong patakaran. Halimbawa, kung hilingin niya sa iyo na i-adjust ang kaniyang curfew, makinig habang sinasabi niya sa iyo ang kaniyang dahilan. Kapag nadarama ng isang tin-edyer na pinakikinggan siya, mas malamang na igalang niya at sundin ang ginawa mong patakaran—kahit pa nga hindi siya sang-ayon dito.—Simulain ng Bibliya: Santiago 1:19.
Pero bago ipatupad ang isang patakaran, tandaan ito: Kung ang gusto ng mga tin-edyer ay higit na kalayaan, mas gusto naman ng mga magulang na maghigpit. Kaya pag-isipang mabuti ang hinihiling ng iyong anak. Naipakita na ba niya sa iyo na responsable siya? Puwede mo bang i-adjust ang iyong patakaran? Magpakita ng konsiderasyon kung puwede naman.—Simulain ng Bibliya: Genesis 19:17-22.
Bukod sa pagsasaalang-alang sa kaniyang damdamin, tiyakin ding sabihin sa iyong anak na tin-edyer ang iyong ikinababahala. Matuturuan mo siyang isaalang-alang hindi lang ang mga kagustuhan niya kundi pati ang nadarama ng iba.—Simulain ng Bibliya: 1 Corinto 10:24.
Panghuli, magdesisyon at ipaliwanag kung bakit iyon ang naging pasiya mo. Kahit hindi ikatuwa ng iyong anak ang ginawa mong pasiya, matutuwa naman siyang magkaroon ng mga magulang na nakikinig sa kaniya at interesado sa nadarama niya. Tandaan, tinuturuan mo ang iyong anak na tin-edyer na kumilos gaya ng isang adulto. Kapag nagtatakda ka ng makatuwirang mga patakaran at ipinakikipag-usap ito sa kaniya, tinutulungan mo siyang maging isang responsableng adulto.—Simulain ng Bibliya: Kawikaan 22:6.