ANG PANGMALAS NG BIBLIYA
Pornograpya
Hinahatulan ba ng Bibliya ang pornograpya?
“Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.”—Mateo 5:28.
KUNG BAKIT ITO MAHALAGANG ISAALANG-ALANG
Sa ngayon, napakalaganap ng pornograpya at makakakita ka nito kahit saan. Kung gusto mong palugdan ang Diyos at maging mas maligaya, dapat mong malaman kung ano ang pangmalas ng Diyos sa pornograpya.
ANG SABI NG BIBLIYA
Hindi espesipikong binabanggit ng Bibliya ang salitang pornograpya. Pero hindi ito kaayon ng maraming simulain sa Bibliya.
Halimbawa, malinaw na nagbababala ang Bibliya na kapag ang isang lalaking may asawa ay “patuloy na tumitingin sa isang babae” na hindi niya asawa, anupat nagnanasang makipagtalik sa kaniya, maaari itong mauwi sa pangangalunya. Ang simulain dito ay kapit sa sinuman, may asawa man o wala, na “patuloy na tumitingin” sa malalaswang larawan taglay ang pagnanasang gumawa ng seksuwal na imoralidad. Ang ganitong paggawi ay kasuklam-suklam sa Diyos.
Masama pa rin ba ang pornograpya kung hindi naman ito hahantong sa pakikiapid?
“Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan . . . may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan.”—Colosas 3:5.
ANG SINASABI NG MGA TAO
Nag-aalinlangan ang mga mananaliksik kung talaga bang magkaugnay ang pornograpya at ang aktuwal na malalaswang seksuwal na paggawi. Ang pagtingin ba sa pornograpya ay maituturing nang imoral na paggawi?
ANG SABI NG BIBLIYA
Sinasabi ng Bibliya na ang “malaswang pagbibiro” ay hindi kalugud-lugod sa Diyos. (Efeso 5:3, 4) Kaya paano magiging katanggap-tanggap ang pornograpya? Sa ngayon, karaniwan nang kasama sa pornograpya ang pagbi-video ng aktuwal na pangangalunya, imoral na paggawi ng mga bakla o tomboy, at iba pang anyo ng pakikiapid. Tiyak na ang panonood ng gayong malalaswang imoral na paggawi ay mas kasuklam-suklam sa Diyos kaysa sa malalaswang pananalita.
Pinagtatalunan pa rin ng mga mananaliksik kung posible ba talagang isagawa ng mga tao ang mga pantasyang nalikha sa kanila ng pornograpya. Pero malinaw na ipinakikita ng Bibliya na ang pagtingin pa lang sa pornograpya ay nakasisira na sa espirituwalidad ng isa at talagang kasuklam-suklam sa Diyos. Ganito ang babala ng Bibliya: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan . . . may kinalaman sa pakikiapid [at] pita sa sekso.” (Colosas 3:5) Mismong kabaligtaran nito ang ginagawa ng mga tumitingin sa pornograpya—sa halip na patayin ang gayong mga pagnanasa, pinasisidhi nila ito.
Ano ang makatutulong sa iyo na umiwas sa pornograpya?
“Hanapin ninyo ang kabutihan, at hindi ang kasamaan . . . Kapootan ninyo ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan.”—Amos 5:14, 15.
ANG SABI NG BIBLIYA
May binabanggit ang Bibliya na mga taong mahilig sa seksuwal na imoralidad, lasenggo, at magnanakaw, na huminto sa kanilang masamang paggawi. (1 Corinto 6:9-11) Paano nila nagawa iyon? Sa pagsunod sa karunungang itinuturo ng Salita ng Diyos, natutuhan nilang kamuhian ang masama.
Posibleng matutuhang kamuhian ang pornograpya sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa napakasamang resulta ng nakapipinsalang bisyong ito. Isang pag-aaral kamakailan na inilathala ng Utah State University ang nagpapakita na ang ilang tumitingin sa pornograpya ay “nadedepres, gustong laging mapag-isa, nasisira ang kaugnayan sa iba,” at dumaranas ng iba pang problema. At dahil ang pagtingin sa pornograpya ay kasuklam-suklam sa Diyos, gaya ng ipinaliwanag kanina, may mas masaklap pa itong resulta. Sinisira nito ang kaugnayan ng mga tao sa kanilang Maylalang.
Makatutulong sa atin ang Bibliya para matutuhan nating ibigin ang mabuti. Miyentras binabasa natin ang Bibliya, mas lumalalim ang pag-ibig natin sa mga moral na pamantayan nito. Ang pag-ibig na iyan ang tutulong sa atin na umiwas sa pornograpya at madama ang gaya ng nadama ng salmista na sumulat: “Hindi ako maglalagay sa harap ng aking mga mata ng anumang walang-kabuluhang bagay.”—Awit 101:3.