Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA

Kung Paano Iiwasang Magsalita Nang Nakasasakit

Kung Paano Iiwasang Magsalita Nang Nakasasakit

ANG HAMON

Tuwing may di-pagkakaunawaan kayong mag-asawa, kung anu-anong pintas ang nasasabi ninyo sa isa’t isa. Naging karaniwan na lang sa inyo ang magbitiw ng masasakit na salita anupat ito na ang inyong “normal” na paraan ng pag-uusap.

Kung ganiyan ang nangyayari sa inyo, puwede mo itong baguhin. Pero isaalang-alang mo muna ang mga dahilan at kung bakit makikinabang kayo kapag gumawa kayo ng mga pagbabago.

ANG DAHILAN

Kinalakhang pamilya. Maraming asawang lalaki at babae ang lumaki sa mga tahanang karaniwan na lang ang masasakit na salita. Baka madala nila ang ugaling ito na nakita nila sa kanilang mga magulang.

Impluwensiya ng media. Sa ilang pelikula at palabas sa telebisyon, ginagawang katatawanan ang magaspang na pananalita kaya puwedeng isipin ng mga mánonoód na ayos lang ito—o nakakatawa pa nga.

Kultura. Sa ilang lipunan, itinuturo na ang “tunay na lalaki” ay dapat na dominante o na ang mga babae ay kailangang maging agresibo para hindi sila magmukhang mahina. Kung ganiyan ang pananaw ng mga may asawa, baka kapag nagkaroon sila ng di-pagkakasundo, isipin nilang magkaaway sila sa halip na magkakampi at magsalita sila ng nakasasakit sa halip na nakapagpapatibay.

Anuman ang dahilan, ang nakasasakit na pananalita ay maaaring mauwi sa paghihiwalay o sa ilang problema sa kalusugan. Sinasabi pa nga ng ilan na mas makasasakit ang salita kaysa sa suntok. Halimbawa, ganito ang sinabi ng isang babae na nakaranas ng berbal at pisikal na pananakit mula sa kaniyang asawa: “Mas matitiis ko pa ang bugbog kaysa sa mga insulto. Mas gugustuhin ko pang pagbuhatan niya ako ng kamay kaysa sabihan ng masasakit na salita.”

Ano ang puwede ninyong gawin kung nagiging karaniwan na lang sa inyong mag-asawa ang magsalita nang nakasasakit sa isa’t isa at naaapektuhan na nito ang inyong pagsasama?

 ANG PUWEDE MONG GAWIN

Magpakita ng empatiya. Ilagay ang iyong sarili sa katayuan ng asawa mo at sikaping unawain kung ano ang epekto sa kaniya ng mga sinasabi mo. Umisip ng isang espesipikong sitwasyon kung saan nasaktan ang asawa mo sa sinabi mo. Huwag magpokus sa mga sinabi mo kundi sa nadama ng asawa mo sa iyong mga sinabi. May naiisip ka bang paraan kung saan mababait na salita sana ang nasabi mo sa halip na nakasasakit? Ang sabi ng Bibliya: “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit, ngunit ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.”Kawikaan 15:1.

Matuto mula sa mga mag-asawang magalang sa isa’t isa. Kung nahirati ka nang magsalita nang nakasasakit dahil sa di-magandang impluwensiya ng iba, maghanap ng mabubuting halimbawa. Gayahin ang mga mag-asawang huwaran sa kanilang pananalita.Simulain ng Bibliya: Filipos 3:17.

Buhayin ang damdaming dati ninyong nadarama sa isa’t isa. Kadalasan na, problema ng puso at hindi ng dila kung kaya nakapagsasalita ng masakit ang isa. Kaya sikaping magkaroon ng positibong kaisipan at saloobin tungkol sa iyong asawa. Alalahanin ang mga ginagawa ninyo noon nang magkasama. Tingnan ang mga litrato ninyo noon. Ano ang nagpatawa sa inyo? Anong mga katangian ang nagustuhan ninyo sa isa’t isa?Simulain ng Bibliya: Lucas 6:45.

Sabihin ang nadama mo sa halip na manisi. Sa halip na pagsalitaan ng masasakit ang asawa mo, sabihin ang iyong ikinababahala ayon sa nadama mo. Halimbawa, ang pagsasabi ng “Pakiramdam ko hindi mahalaga ang opinyon ko kapag nagpaplano ka nang hindi ako tinatanong” ay mas mabuti kaysa sabihing “Ganiyan ka palagi—nagpaplano nang hindi ako tinatanong!”Simulain ng Bibliya: Colosas 4:6.

Alamin kung kailan tatahimik. Kung nagiging tensiyonado na ang sitwasyon at nakapagsasalita na kayo ng masasakit, mas makabubuting ipagpaliban muna ninyo ang pag-uusap. Kadalasan na, hindi naman masamang umiwas sa mainitang pagtatalo at maghintay hanggang sa puwede na kayong mag-usap nang kalmado.—Simulain ng Bibliya: Kawikaan 17:14.

Kadalasan na, problema ng puso at hindi ng dila kung kaya nakapagsasalita ng masakit ang isa