INTERBYU | BRETT SCHENCK
“Kumbinsido Akong ang Buhay ay Dinisenyo ng Diyos”
Si Brett Schenck ay isang retiradong environmental consultant sa Estados Unidos. Pinag-aralan niya ang kaugnayan ng halaman, hayop, at kapaligiran sa isa’t isa. Bakit siya naniniwala na may isang Maylalang? Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang espesyalisasyon at paniniwala.
Kuwentuhan mo kami ng ilang bagay tungkol sa iyo.
Mechanical engineer ang tatay ko. Ang sigla-sigla niya sa tuwing magkukuwento siya sa akin tungkol sa matematika at siyensiya. Noong bata ako, tuwang-tuwa ako sa mga halaman at hayop sa mga sapa at lawa malapit sa bahay namin sa New Paris, Ohio, E.U.A. Kaya nag-aral ako ng ekolohiya sa Purdue University.
Naging interesado ka ba sa relihiyon?
Oo. Hinimok ako ng tatay ko na pag-aralan ang aming relihiyong Luterano. Nag-aral ako ng Koine (karaniwang) Greek, isa sa mga wika kung saan orihinal na isinulat ang Bibliya. Kaya naman malaki ang naging paggalang ko sa Bibliya.
Ano ang pananaw mo sa teoriya ng ebolusyon?
Sang-ayon dito ang simbahan namin. Naniniwala rito ang mga kasamahan ko. Kaya wala akong tutol dito. Pero naniniwala rin ako sa Diyos. Akala ko, magkaayon ang dalawang paniniwalang ito. Bagaman iginagalang ko ang Bibliya, hindi ko iniisip na galing ito sa Diyos.
Bakit nagbago ang pananaw mo sa Bibliya?
Dalawang Saksi ni Jehova, sina Steve at Sandy, ang dumalaw sa akin at sa asawa kong si Debbie. Ipinakita nila sa amin na kahit hindi aklat sa siyensiya ang Bibliya, tama ang sinasabi nito tungkol sa siyensiya. Halimbawa, sinasabi nito tungkol sa Diyos: “May Isa na tumatahan sa ibabaw ng bilog ng lupa.” (Isaias 40:22) Sinasabi rin nito: “Ibinibitin [niya] ang lupa sa wala.” (Job 26:7) Nang mga panahong iyon, gumagamit ako ng mga larawang kuha ng satelayt sa pag-aaral ko ng ekolohiya, kaya humanga ako sa mga tekstong ito. Isinulat ang mga salitang ito matagal na panahon na bago pa nakunan ng litrato na bilog ang lupa at nakabitin sa wala. Sa pakikipag-aral namin ng Bibliya kina Steve at Sandy, nalaman ko ang tungkol sa mga natupad na hula, mahuhusay na payo, at makatuwirang mga paliwanag. Unti-unti, nakumbinsi akong ang Bibliya ay Salita ng Diyos.
Kailan nagbago ang pananaw mo tungkol sa pinagmulan ng buhay?
Ipinakita sa akin ni Steve ang malinaw na sinasabi ng Bibliya: “Pinasimulang anyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa.” (Genesis 2:7) Nakaulat sa Bibliya ang kasaysayan ng buhay ng unang tao. Kaya ang tanong: Ang Bibliya ba ay kaayon ng siyensiya? Sinabihan ako ni Steve na magsaliksik, kaya iyon ang ginawa ko.
Ano ang natutuhan mo tungkol sa ebolusyon?
Marami. Isa na rito ang teoriya ng ebolusyon tungkol sa pinagmulan ng mga species. Ang lahat ng nabubuhay na bagay ay may mahuhusay na organ, gaya ng puso, baga, at mata. At kapag sinuri ang mga selula, makikita sa loob ng mga ito ang mga ‘makina’ na kamangha-mangha ang pagkakadisenyo. Saan nagmula ang disenyo ng mga ito? Ayon sa mga ebolusyonista, ang pinakamahuhusay na mekanismo ay awtomatikong napipili dahil ang mga nabubuhay na nilalang na mayroon nito ay mas nakapananatiling buháy. Pero hindi sinasagot ng ideyang ito ang tanong na: Saan nagmula ang mga mekanismong iyon? Nalaman ko na marami palang siyentipiko ang hindi naniniwalang sinasagot ng teoriya ng ebolusyon ang tanong na iyan. Inamin sa akin ng isang propesor ng zoology na hindi siya naniniwala sa anumang teoriya ng ebolusyon. Pero hindi niya ito sinasabi dahil baka mawalan siya ng trabaho.
Ang kaalaman mo ba sa ekolohiya ay nagpatibay ng pananampalataya mo sa Diyos?
Oo. Kasama sa trabaho ko ang pag-aralan kung paano umaasa sa isa’t isa ang mga bagay na may buhay. Dito sa lupa, ang lahat ng bagay na may buhay ay nakadepende sa iba. Kuning halimbawa ang mga bulaklak at bubuyog. Ang kulay, bango, nektar, at kayarian ng mga bulaklak ay dinisenyo para makaakit ng mga bubuyog at budburan ang mga ito ng polen. Dinisenyo naman ang mga bubuyog para sumipsip ng nektar at magdala ng polen sa ibang halaman para mapertilisa ito. Talagang dinisenyo ang mga bulaklak at bubuyog para matugunan ang pangangailangan ng isa’t isa.
‘Dahil sa kakayahang maka-recover ng buong sistema ng buhay sa lupa, kumbinsido akong ang buhay ay dinisenyo ng Diyos’
Sa isang ekosistema, kitang-kita kung paano umaasa sa isa’t isa ang mga bagay na may buhay. Ang ekosistema ay isang kapaligiran na binubuo ng marahil libu-libong uri ng hayop, halaman, baktirya, at fungus. Ang lahat ng hayop ay umaasa sa mga halaman para sa pagkain at oksiheno, at karamihan naman sa namumulaklak na mga halaman ay umaasa sa mga hayop. Bagaman ang mga ekosistema ay lubhang masalimuot at ang mga organismo roon ay maselan, puwedeng mabuhay ang mga ito nang libu-libong taon. Masira man ng polusyon ang isang masalimuot na ekosistema, kapag nawala na ang sanhi ng polusyon, unti-unti na itong makaka-recover. Kapag iniisip ko ang kakayahang maka-recover ng buong sistema ng buhay sa lupa, kumbinsido akong ang buhay ay dinisenyo ng Diyos.
Bakit ka naging isang Saksi ni Jehova?
Nalulungkot ako dahil sinisira ng mga tao ang kapaligiran. Alam ko na kahit kayang maka-recover ng mga ekosistema, puwede pa ring masira ang mga ito. Natutuhan ko sa mga Saksi ni Jehova na, ayon sa Bibliya, ‘ipapahamak ng Diyos yaong mga nagpapahamak sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Napakahalaga para sa akin ng mga salitang iyan. Sa patuloy kong pag-aaral ng Bibliya, unti-unti kong naunawaan na ang pag-asang ibinibigay nito ay tiyak na matutupad.
Gustung-gusto kong sabihin sa iba ang aking mga paniniwala. Tinulungan ko rin ang ilang siyentipiko na mag-aral ng Bibliya. Sa edad na 55, nagretiro na ako para mas marami akong panahon sa pagtulong sa mga tao na maunawaan ang Maylalang ng buhay at ang layunin niya para sa ating kamangha-manghang lupa.