Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Estados Unidos

Sa New York City, malaki ang ibinaba ng bilang ng mga pagpatay, pag-atake, at mga robbery noong linggo ng Oktubre 29, 2012 kaysa sa limang araw ng linggong iyon noong 2011. Dahil ito sa Bagyong Sandy na sumalanta sa Silangang Baybayin ng Estados Unidos, na nagdulot ng brown-out sa maraming lugar. “Pagkatapos ng isang kalamidad o malaking sakuna gaya ng [pag-atake ng terorista noong Setyembre 11, 2001], bumababa ang bilang ng karaniwang krimen,” ang sabi ng tagapagsalita ng New York Police Department na si Paul Browne. Pero tumaas naman ang bilang ng mga nakawan dahil sa mga pandarambong, na hindi ikinagulat ni Browne. “Marami kasing lugar ang walang kuryente,” ang sabi niya.

Antartiko

Nababahala ang mga siyentipiko na baka mabago ang likas na kapaligiran ng Antartiko dahil sa dumaraming species mula sa ibang lugar na nadadala roon. Tinatayang taun-taon, libu-libong turista sa kontinente ang di-sinasadyang nakapagdadala ng halos tigsasampung binhi ng halaman na karaniwan nang nadidikit sa kanilang mga sapatos o bag. Maraming species ng halaman mula sa ibang lugar ang nakita na sa Kanlurang Peninsula ng Antartiko.

Netherlands

Isang 83-anyos na babae ang kauna-unahang tumanggap ng artipisyal na pangang yari sa titanium na binuo gamit ang isang 3-D laser printer. Nasira ang panga ng pasyente dahil sa impeksiyon sa buto. Pero ngayon, nakakakain, nakakahinga, at nakakapagsalita na siya nang normal. Unti-unting binuo ng laser printer ang mga partikula ng titanium para makagawa ng panga, saka ito ikinabit sa pasyente sa pamamagitan ng operasyon.

Germany

Sa loob ng isang taon ng bahagyang pagbabawal sa paninigarilyo sa ilang pampublikong lugar sa Germany, nakita sa pag-aaral na ginawa sa isang grupo na ang bilang ng naospital dahil sa angina pectoris ay bumaba nang 13.3 porsiyento at sa atake sa puso naman ay 8.6 porsiyento.