Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang “Nakakakitang” Skeleton ng Brittle Star

Ang “Nakakakitang” Skeleton ng Brittle Star

ANG brittle star na nakatira sa mga bahura ay may kamangha-manghang uri ng proteksiyon sa ibabaw ng katawan nito. Ang bahaging ito ng kaniyang skeleton ay punô ng napakaliliit na lente na nagsisilbing mata ng brittle star.

Ang sinlinaw-ng-kristal na mga umbok sa skeleton ay nagsisilbing napakaliliit na lenteng de-kalidad

Pag-isipan ito: Nang suriin ng mga siyentipiko ang skeletal plate ng brittle star, nakakita sila ng “kakaibang disenyo ng masinsin at sinlinaw-ng-kristal na mga umbok, na bawat isa’y mas manipis sa buhok ng tao,” ang sabi ng magasing Natural History. Ang mga umbok na ito na calcium carbonate (calcite) ay de-kalidad na mga lente na nagpopokus ng liwanag sa waring sensitibo-sa-liwanag na mga nerbiyo sa ilalim ng mga skeletal plate. Bukod diyan, tamang-tama ang hugis ng mga lenteng ito para makabuo ng malinaw na larawan.

Ayon sa kimiko na si Joanna Aizenberg, ang shell ng brittle star na may dalawang pinaggagamitan ay “nagpapakita ng isang mahalagang simulain: sa biyolohiya, ang mga materyales ay karaniwang magagamit sa maraming paraan.”

Mula sa natutuhan ng mga mananaliksik sa kayarian ng brittle star, nakaisip sila ng simple at di-magastos na paraan ng paggawa ng mga hanay ng napakaliliit na lenteng gawa sa calcium carbonate. Kabilang sa maraming mapaggagamitan ng mga lenteng ito ang telekomunikasyon, kung saan magagamit ang mga ito para magtawid ng mga signal ng liwanag sa mga optical fiber.

Ano sa palagay mo? Ang “nakakakitang” skeleton ba ng brittle star ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?