TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA
Kung Paano Maiiwasan ang Di-pagkikibuan
ANG HAMON
Bakit nagagawa ng dalawang taong nangakong magmamahalan na hindi magkibuan nang ilang oras—o ilang araw pa nga? ‘At least hindi na kami nag-aaway,’ ang naiisip nila. Pero nandoon pa rin ang problema, at pareho silang hindi masaya.
ANG DAHILAN
Para makaganti. Ang ilan ay nananahimik para makaganti sa kanilang asawa. Ipagpalagay nang isang asawang lalaki ang gumawa ng plano para sa dulong sanlinggo nang hindi kinokonsulta ang asawa niya. Nang malaman ito ng misis niya, nagalit ito at sinabing wala siyang konsiderasyon. Tinawag naman niyang maramdamin ang misis niya. Galít na umalis ang asawang babae at hindi na kinibo ang asawa niya. Parang sinasabi niyang “Sinaktan mo ako, kaya sasaktan din kita.”
Para makapagmanipula. Nananahimik naman ang ilan para makuha ang gusto nila. Halimbawa, ipagpalagay nang isang mag-asawa ang nagplanong mamasyal at gustong isama ng asawang babae ang mga magulang niya. Pero ayaw ng mister niya. “Ako ang pinakasalan mo at hindi ang mga magulang mo,” ang sabi nito. Pagkatapos, hindi na kikibuin ng mister ang asawa niya hangga’t hindi ito pumapayag sa gusto niya.
Kung minsan, kapag mainit na ang ulo ng mag-asawa, hindi naman masamang manahimik sandali para kumalma silang pareho. Nakakatulong ang ganiyang pananahimik. Sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtahimik.” (Eclesiastes 3:7) Pero kung mananahimik ang isa para makaganti o makapagmanipula, mas tatagal ang pag-aaway at masisira ang respeto ng mag-asawa sa isa’t isa. Paano ninyo iyan maiiwasan?
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Kailangan mo munang tanggapin na ang di-pagkikibuan ay hindi naman talaga solusyon sa problema. Totoo, baka makaganti ka sa asawa mo o mapapayag siya sa gusto mo kung hindi mo siya kikibuin. Pero ganiyan mo ba talaga gustong tratuhin ang isang taong pinangakuan mong mamahalin? May mas mahuhusay na paraan para malutas ang di-pagkakasundo.
Maging maunawain. Sinasabi ng Bibliya na ang pag-ibig ay “hindi napupukaw sa galit.” (1 Corinto 13:4, 5) Kaya huwag masyadong mag-react kapag pagalit na sinabi ng asawa mo, “Hindi ka talaga nakikinig” o “Lagi ka na lang late.” Sa halip, unawain kung ano talaga ang ibig niyang sabihin. Halimbawa, baka ang “Hindi ka talaga nakikinig” ay nangangahulugang “Parang binabale-wala mo naman ang opinyon ko.”—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 14:29.
Ituring ang iyong asawa na kakampi sa halip na kalaban
Huwag magtaas ng boses. Kadalasan na, miyentras nagpapatuloy ang isang pagtatalo, lalo itong tumitindi. Pero may magagawa ka para huwag na itong lumala. Ano iyon? Sinasabi ng aklat na Fighting for Your Marriage: “Ang pagsasalita nang mahinahon at pakikinig sa pananaw ng iyong asawa ay mahalaga para maalis ang tensiyon at maiwasang lumala ang sitwasyon. Kadalasan, iyon lang ang kailangan.”—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 26:20.
Isipin ang kapakanan ninyong dalawa sa halip na ang sa iyo lang. Ang sabi ng Bibliya: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.” (1 Corinto 10:24) Kung ituturing mo ang iyong asawa na kakampi sa halip na kalaban, mas malamang na hindi ka magalit, makipagtalo, at tumangging makipag-usap sa iyong asawa.—Simulain sa Bibliya: Eclesiastes 7:9.
Ang di-pagkikibuan ay hindi kaayon ng sinasabi ng Bibliya: “Ibigin din ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili; sa kabilang dako naman, ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:33) Bakit hindi ninyo pagkasunduang mag-asawa na bawal sa inyo ang di-pagkikibuan?