Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Daigdig

Ayon sa World Health Organization, ang paglanghap ng usok mula sa mga makinang diesel “ay iniuugnay sa mas malaking panganib na magkaroon ng kanser sa baga” at maaaring pati na ng kanser sa pantog.

Antarctica

Ang mga fosil ng mga polen at espora na natagpuan sa sahig ng dagat ay nagpapakita na dating tumutubo sa Antartiko ang mga palma at iba pang puno na nabubuhay lang ngayon malapit sa tropiko. Marami ang naniniwala na milyun-milyong taon na ang nakararaan, katamtaman lang ang taglamig sa lugar na iyon at “hindi nagyeyelo.” Hindi rin nagkakalayo ang temperatura sa mga polo at sa ekwador.

Ireland

Ayon sa isang report na inilathala noong 2012 ng Association of Catholic Priests ng Ireland, 87 porsiyento ng mga Katolikong sinurbey roon ang naniniwalang dapat payagang mag-asawa ang mga pari; 77 porsiyento naman ang naniniwalang dapat pahintulutang magpari ang mga babae.

Timugang Bahagi ng Aprika at Timog-Silangang Asia

Nang suriin ang mga gamot para sa malarya, natuklasan na sa ilang lugar, ang mga gamot ay kadalasan nang mababa ang kalidad o peke, kung kaya hindi gaanong epektibo o talagang walang bisa. Sa Timog-Silangang Asia, 36 na porsiyento sa sinuring mga sampol ng gamot ang napatunayang peke, at 20 porsiyento naman ang sa timugang bahagi ng Aprika.

El Salvador

Noong kalagitnaan ng Abril 2012, inihayag ng mga opisyal ng pamahalaan sa El Salvador ang kauna-unahang araw na walang naganap na pagpatay sa loob ng halos tatlong taon. Palibhasa’y laganap sa bansang ito ang karahasang kaugnay ng droga, ang bilang ng pagpatay noong 2011 ay umabot nang 69 sa bawat 100,000—isa sa pinakamalala sa mundo.