Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Nag-a-adjust na Utak ng Arctic Ground Squirrel

Ang Nag-a-adjust na Utak ng Arctic Ground Squirrel

KAPAG nagsimula ang hibernation (mahabang pagtulog sa panahon ng taglamig) ng mga hayop, bumababa ang temperatura ng katawan nila. Gaano kababa? Lumilitaw na nakagawa ng rekord ang isang dosenang arctic ground squirrel nang bumaba sa -2.9 digri Celsius ang temperatura ng katawan nila! Sa temperaturang iyon, dapat sana’y nagyelo na ang kanilang mga utak. Paano iyon nakakayanan ng arctic ground squirrel?

Pag-isipan ito: Tuwing dalawa o tatlong linggo habang nagha-hibernate, ang katawan ng arctic ground squirrel ay nangangatog at bumabalik sa normal na temperatura nito na 36.4 digri Celsius at saka lang uli lalamig makalipas ang mga 12 hanggang 15 oras. Sinasabi ng mga mananaliksik na ang yugtong ito ng pag-init ng katawan ng squirrel, bagaman maikli, ay mahalaga para hindi magyelo ang utak nito. Bukod diyan, sa panahon ng hibernation, waring nananatiling mas mainit nang bahagya ang temperatura ng ulo nito kaysa sa katawan. Sa panahon ng pagsusuri, ang temperatura ng leeg ng mga squirrel na ito ay hindi kailanman bumaba sa 0.7 digri Celsius.

Mga dalawang oras pagkatapos ng hibernation, ang utak ng arctic ground squirrel ay bumabalik na sa normal. Sa katunayan, ipinahihiwatig ng isang pag-aaral na mas mahusay pang gumana ang utak ng squirrel pagkatapos ng hibernation! Palaisipan sa mga eksperto ang kahanga-hangang kakayahan ng utak nito na makabawi. Inihahalintulad nila ito sa pagsibol ng bagong halaman mula sa natupok na lupa sa kagubatan ilang araw matapos magkaroon ng sunog.

Umaasa ang mga mananaliksik na ang pag-aaral nila sa arctic ground squirrel ay tutulong sa kanila na mas maunawaan ang kakayahan ng utak ng tao. Tunguhin nilang alamin kung paano maiiwasan o maaayos pa nga ang pinsala sa selula na dulot ng mga sakit sa utak na gaya ng Alzheimer’s.

Ano sa palagay mo? Ang nag-a-adjust na utak ba ng arctic ground squirrel ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?