Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kawalang-Katarungan Saanman Ako Tumingin

Kawalang-Katarungan Saanman Ako Tumingin

ISINILANG ako noong 1965 sa isang mahirap na pamilya sa Northern Ireland. Lumaki ako sa County Derry noong panahon ng “Troubles,” ang marahas na alitan sa pagitan ng mga Katoliko at mga Protestante na tumagal nang mahigit 30 taon. Nakadama ng diskriminasyon ang minoryang Katoliko mula sa mayoryang Protestante, anupat inakusahan ang mga ito ng di-patas na pakikitungo pagdating sa eleksiyon, mga patakaran, trabaho, at pabahay.

Saanman ako tumingin, may kawalang-katarungan at di-patas na pakikitungo. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong binugbog, hinatak papalabas ng kotse at tinutukan ng baril, o pinagtatanong at kinapkapan ng pulis o mga sundalo. Masyado akong naagrabyado, at naisip ko, ‘Puwede kong palampasin na lang ito, o puwede akong lumaban!’

Sumali ako sa mga Bloody Sunday march, na gumugunita sa 14 kataong binaril at napatay ng mga sundalong Britano noong 1972, at sa mga hunger strike march, na parangal sa mga bilanggong republikano na nag-hunger strike at namatay noong 1981. Nagsasabit ako ng watawat ng Northern Ireland na ipinagbabawal noon, at nagsusulat  kung saan-saan ng graffiti laban sa mga Britano. Parang hindi matapus-tapos ang kalupitan o pamamaslang sa mga Katoliko, na dahilan para magprotesta. Kadalasan, ang nagsisimula bilang parada o martsa ay nauuwi sa malaking riot.

Sa unibersidad, sumali ako sa mga kilos-protesta ng mga estudyante para sa kalikasan. Noong lumipat ako sa London, sumali naman ako sa mga socialist march laban sa mga patakaran ng gobyerno na tila pabor sa mayayaman at kontra sa mahihirap. Sumali ako sa welga ng mga unyon laban sa bawas-suweldo, at sumama rin ako sa poll tax march noong 1990, na nagdulot ng matinding pinsala sa Trafalgar Square.

Pero nang maglaon, nadismaya ako. Sa halip na makatulong ang mga kilos-protesta para makuha ang mga ipinaglalaban namin, madalas na ginagatungan nito ang pagkakapootan.

Maganda man ang intensiyon ng mga tao, hindi sila makapagdudulot ng katarungan at pagkakapantay-pantay

Nang panahong iyon, ipinakilala ako ng kaibigan ko sa mga Saksi ni Jehova. Gamit ang Bibliya, itinuro nila sa akin na nakikita ng Diyos ang ating mga pagdurusa at na aalisin niya ang lahat ng pinsalang dulot ng tao. (Isaias 65:17; Apocalipsis 21:3, 4) Maganda man ang intensiyon ng mga tao, hindi sila makapagdudulot ng katarungan at pagkakapantay-pantay. Bukod sa patnubay ng Diyos, kailangan din natin ang kapangyarihan niya, na siyang mag-aalis sa di-nakikitang mga puwersa na dahilan ng mga problema sa daigdig.Jeremias 10:23; Efeso 6:12.

Sa ngayon, nakita kong ang aking pagpoprotesta laban sa kawalang-katarungan ay gaya ng pag-aayos ng mga upuan sa isang lumulubog na barko. Nakatutuwang malaman na mawawala na ang kawalang-katarungan, at magiging pantay-pantay na ang lahat ng tao.

Itinuturo ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ay “maibigin sa katarungan.” (Awit 37:28) Kaya makatitiyak tayong paiiralin niya ang katarungan sa paraang hindi magagawa ng pamahalaan ng tao. (Daniel 2:44) Kung gusto mong makaalam pa nang higit, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o magpunta sa aming Web site na www.pr418.com/tl.