TAMPOK NA PAKSA
Solusyon ba ang mga Kilos-Protesta?
Ang mga Saksi ni Jehova, na tagapaglathala ng magasing ito, ay neutral sa pulitika. (Juan 17:16; 18:36) Kaya bagaman ang artikulong ito ay nag-uulat ng espesipikong mga halimbawa ng kaguluhang sibil, wala itong itinataguyod na bansa at hindi ito pumapanig sa anumang isyu sa pulitika.
NOONG Disyembre 17, 2010, naubos na ang pasensiya ni Mohamed Bouazizi, isang 26-anyos na street vendor sa Tunisia. Wala na siyang pag-asang makakita pa ng mas magandang trabaho. Alam din niyang nanghihingi ng lagay ang tiwaling mga opisyal. Nang umagang iyon, kinumpiska ng mga inspektor ang mga peras, saging, at mansanas na itinitinda ni Mohamed. Nang kunin nila ang timbangan niya, nanlaban siya; at ayon sa ilang testigo, sinampal siya ng isang babaing pulis.
Palibhasa’y napahiya at nagalit, pumunta si Mohamed sa kalapít na opisina ng gobyerno para magreklamo, pero hindi siya pinansin. Sa harap ng gusali, iniulat na sumigaw siya, “Ano pa ang ikabubuhay namin?” Matapos niyang buhusan ng gasolina ang sarili, nagsindi siya ng posporo. Wala pang tatlong linggo pagkatapos nito, namatay si Mohamed.
Ang ginawang ito ni Mohamed Bouazizi ay nakaantig sa mga tao sa Tunisia at sa ibang lugar. Ipinapalagay ng marami na ito ang nagsilbing mitsa ng pag-aalsa na nagpabagsak sa rehimeng namamahala sa Tunisia. At di-nagtagal, kumalat na rin ang mga kilos-protesta sa iba pang bansang Arabe. Noong 2011, iginawad ng European Parliament kay Bouazizi at sa apat na iba pa ang Sakharov Prize for Freedom of Thought, at kinilala siya ng The Times ng London bilang person of the year.
Gaya ng ipinakikita ng halimbawang iyan, makapangyarihan ang mga kilos-protesta. Pero ano ang nasa likod ng dumaraming kilos-protesta sa ngayon? May iba pa bang solusyon?
Bakit Dumarami ang mga Kilos-Protesta?
Maraming kilos-protesta ang sumiklab dahil sa mga sumusunod:
Pagkadismaya sa pamamalakad sa lipunan. Kapag naniniwala ang taong-bayan na natutugunan ng lokal na pamahalaan at ekonomiya ang kanilang pangangailangan, hindi nila naiisip magprotesta. Nakikipagtulungan sila sa pamahalaan sa paglutas ng kanilang mga problema. Pero kapag nakikita ng mga tao na tiwali at di-makatarungan ang pamamalakad, malamang na sumiklab ang kaguluhan sa lipunan.
Isang mitsa. Kadalasan nang isang pangyayari ang nag-uudyok sa mga tao na kumilos. Sa halip na magsawalang-kibo, nadarama nilang dapat na silang gumawa ng aksiyon. Halimbawa, ang nangyari kay Mohamed Bouazizi ay nagbunsod ng malawakang protesta sa Tunisia. Sa India, nang mag-hunger strike ang aktibistang si Anna Hazare laban sa korapsiyon, nagkilos-protesta ang kaniyang mga tagasuporta sa 450 lunsod at bayan.
Gaya ng matagal nang sinabi ng Bibliya, nabubuhay tayo “sa daigdig na itong ang iba’y may kapangyarihan, malulupit at ang maliliit ay api-apihan.” (Mangangaral [o, Eclesiastes] 8:9, Magandang Balita Biblia) Mas laganap ngayon ang korapsiyon at kawalang-katarungan kaysa noon. Mulat na mulat na ang mga tao sa katotohanang sila’y binigo ng mga sistema ng pulitika at ekonomiya. Dahil sa Internet, mga smartphone, at 24-oras na pagbabalita, kahit ang mga pangyayari sa liblib na mga lugar ay nababalitaan ng maraming tao at nagsisilbing mitsa para kumilos sila.
Ano ang naisagawa ng mga kilos-protesta?
Inaangkin ng mga tagapagtaguyod ng kilos-protesta na naisagawa nila ang mga sumusunod:
Natulungan ang mahihirap. Bilang tugon sa tinatawag na mga rent riot sa Chicago, Illinois, E.U.A., na naganap noong Great Depression ng dekada ’30, pinahinto ng mga opisyal ng lunsod ang pagpapalayas sa mga tao sa kanilang tahanan at isinaayos na magkatrabaho ang ilan sa mga nagpoprotesta. Dahil sa katulad na mga kilos-protesta sa New York City, 77,000 pamilya ang pinabalik sa kanilang tahanan.
Nasolusyonan ang kawalan ng hustisya. Dahil sa pagbo-boycott ng mga tao sa mga bus sa Montgomery, Alabama, E.U.A., noong 1955/1956, napawalang-bisa ang mga batas tungkol sa hiwalay na mga upuan para sa mga puti at mga itim.
Napatigil ang mga proyekto sa konstruksiyon. Dahil sa pagkabahala sa polusyon, libu-libo ang nagkilos-protesta noong Disyembre 2011 laban sa itatayong planta ng kuryente na ginagamitan ng karbon malapit sa Hong Kong. Kaya naman, nakansela ang proyekto.
Siyempre pa, hindi laging nakukuha ng mga nagpoprotesta ang gusto nila. Halimbawa, baka maparusahan pa nga sila sa halip na pagbigyan. Kamakailan, ganito ang sinabi ng pangulo ng isang bansa sa Gitnang Silangan tungkol sa kilos-protesta roon: “Kailangan itong gamitan ng kamay na bakal.” Libu-libo ang namatay sa pag-aalsang iyon.
Kahit makuha ng mga nagpoprotesta ang gusto nila, magkakaroon pa rin ng panibagong mga problema. Isang lalaki na tumulong sa pagpapatalsik sa pinuno ng isang bansa sa Aprika ang nagsabi sa magasing Time: “Maganda ang pasimula [ng bagong rehimen] pero bigla itong nauwi sa kaguluhan.”
Mayroon bang mas magandang paraan?
Para sa maraming kilaláng indibiduwal, tungkulin ng mga tao na magprotesta laban sa mapaniil na mga sistema. Halimbawa, noong 1985, ang yumaong si Václav Havel, dating pangulo ng Czech Republic at maraming taóng nabilanggo dahil sa pakikipaglaban para sa mga karapatang pantao, ay sumulat: “Ang tanging maiaalok [ng taong nagpoprotesta], kung mayroon man, ay ang kaniyang sariling buhay
Masasalamin sa mga salita ni Havel ang ginawa ni Mohamed Bouazizi at ng iba pa. Sa isang bansa sa Asia, maraming aktibista ang nagsunog ng sarili kamakailan bilang protesta sa paniniil sa relihiyon at pulitika. Para ilarawan ang damdaming nag-uudyok sa gayong radikal na mga pagkilos, sinabi ng isang lalaki sa magasing Newsweek: “Wala kaming baril. Ayaw naming manakit ng kapuwa. Ano pa ang gagawin [namin]?”
Ang Bibliya ay nagbibigay ng solusyon sa kawalang-katarungan, korapsiyon, at paniniil. Inilalarawan nito ang isang gobyernong itinatag ng Diyos sa langit na papalit sa bigong sistema sa pulitika at ekonomiya na nagiging sanhi ng mga kilos-protesta. Sinasabi ng isang hula tungkol sa Tagapamahala ng gobyernong ito: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan.”
Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa ng sangkatauhan para sa mapayapang daigdig. (Mateo 6:9, 10) Kaya naman, hindi sumasali sa mga kilos-protesta ang mga Saksi ni Jehova. Mahirap bang paniwalaan na kayang alisin ng pamahalaan ng Diyos ang mga dahilan ng pagpoprotesta ng mga tao? Baka nga. Pero marami na ang nagtitiwala sa pamamahala ng Diyos. Bakit hindi mo ito suriin?