TAMPOK NA PAKSA
Gaano Ka Katagal Puwedeng Mabuhay?
NANG mamatay si Harriet noong 2006, siya ay mga 175 taóng gulang na. Pero hindi naman tao si Harriet. Isa siyang Galapagos tortoise, na nasa zoo noon sa Australia. Kung ikukumpara sa atin, napakahaba ng buhay ni Harriet. Pero kung ikukumpara sa ibang nilalang, ordinaryo lang ang haba ng buhay niya. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
Ang freshwater pearl mussel, ayon sa mga mananaliksik sa Finland, ay posibleng mabuhay nang 200 taon.
Ang burrowing clam (ocean quahog) ay karaniwan nang nabubuhay nang mahigit 100 taon at iniulat pa nga na may umabot nang mahigit 400 taon.
Ang mga punungkahoy, gaya ng bristlecone pine, giant sequoia, at ilang uri ng cypress at spruce, ay nabubuhay nang libu-libong taon.
Pero ang mga tao, na itinuturing na pinakamataas na uri ng buhay, ay umaabot lang nang 80 o 90 taon
Ano sa palagay mo
Makatutulong ba ang Siyensiya?
Malaki na ang naitulong ng siyensiya sa kalusugan at medikal na teknolohiya. “Kumakaunti na ang namamatay [sa Estados Unidos] mula sa mga nakakahawang sakit o komplikasyon ng panganganak,” ang sabi ng magasing Scientific American. “Bumaba nang 75 porsiyento ang bilang ng namamatay na sanggol mula noong 1960.” Pero hindi pa rin napapahaba ng siyensiya ang buhay ng tao. “Sa kabila ng maraming dekada ng pagsasaliksik, misteryo pa rin ang pagtanda,” ang sabi ng isa pang edisyon ng Scientific American. Pero “ipinahihiwatig ng mga katibayan na maaaring mangyari ang pagtanda kapag nagkadiperensiya ang mga gene na kumokontrol sa mga selula.” Sinabi pa nito: “Kung ang pagtanda ay pangunahin nang isang proseso ng genetics, dapat sana’y mahahadlangan ito balang-araw.”
“Sa kabila ng maraming dekada ng pagsasaliksik, misteryo pa rin ang pagtanda”
Sa pagsasaliksik ng ilang siyentipiko tungkol sa mga dahilan ng pagtanda, pati na sa mga sakit na kaugnay nito, pinag-aaralan nila ang bagong pagsulong sa larangan ng genetics na tinatawag na epigenetics. Ano ba ito?
Ang mga buháy na selula ay naglalaman ng henetikong impormasyon, na kailangan sa paggawa ng mga bagong selula. Karamihan sa mga impormasyong ito ay matatagpuan sa genome, isang terminong tumutukoy sa lahat ng DNA na nasa loob ng isang selula. Pero kamakailan, sinuri din ng mga siyentipiko ang ibang mekanismo sa loob ng selula
Ibang-iba sa DNA ang hitsura ng mga molekulang bumubuo sa epigenome. Ang DNA ay parang double helix o paikot na hagdan, samantalang ang epigenome naman ay isang sistema ng kemikal na mga marka, o tag, na nakakabit sa DNA. Ano ba ang papel ng epigenome? Gaya ng isang konduktor ng orkestra, ang epigenome ang kumokontrol kung paano gagamitin ang henetikong impormasyong nasa DNA. Ina-activate o dine-deactivate ng molekular na mga tag ang mga set ng gene depende sa pangangailangan ng selula at sa iba pang bagay na gaya ng pagkain, stress, at mga toxin. Dahil sa natuklasang ito tungkol sa epigenome, nagkaroon ng malaking pagbabago sa biological sciences, anupat iniuugnay ang epigenetics sa ilang partikular na sakit at maging sa pagtanda.
“Iniuugnay [sa epigenetics] ang mga sakit, mula sa schizophrenia hanggang sa rheumatoid arthritis, at mula sa kanser hanggang sa di-mawala-walang kirot sa katawan,” ang sabi ng mananaliksik sa epigenetics na si Nessa Carey. At ito ay “tiyak na may bahaging ginagampanan sa pagtanda.” Kaya ang pananaliksik tungkol sa epigenetics ay posibleng umakay sa epektibong mga therapy para mapaganda ang kalusugan, malabanan ang sakit
Pero bakit gayon na lang ang pagsisikap ng mga tao na mapahaba ang buhay nila? Bakit nga ba gustung-gusto nating mabuhay magpakailanman? Itinanong ng pahayagang The Times ng Britain: “Bakit kaya gayon na lang ang pagsisikap ng mga tao sa buong mundo na dayain ang kamatayan, ito man ay sa pamamagitan ng imortalidad, pagkabuhay-muli, kabilang-buhay, o reinkarnasyon?” Ang sagot, gaya ng makikita natin, ay nagbibigay-liwanag sa tunay na dahilan ng pagtanda.
Bakit Natin Gustong Mabuhay Magpakailanman?
Libu-libong taon nang inaalam ng mga tao ang sagot sa tanong na iyan. Mayroon bang makatuwiran at kasiya-siyang paliwanag na kaayon ng ating pisikal na kayarian at ng ating likas na pagnanais na mabuhay magpakailanman? Milyun-milyon ang sasagot ng malakas na oo! Bakit? Dahil natuklasan na nila sa Bibliya ang pinakakasiya-siyang kasagutan tungkol dito.
Sa simula pa lang, sinasabi na ng Bibliya na ang mga tao, bagaman may pagkakatulad sa ibang nilalang, ay talagang naiiba. Halimbawa, sa Genesis 1:27, mababasa natin na nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan. Sa anong diwa? Binigyan niya tayo ng kakayahang magpakita ng pag-ibig, katarungan, at karunungan. At bilang Isa na nabubuhay magpakailanman, inilagay ng Diyos sa atin ang pagnanais na mabuhay magpakailanman. ‘Inilagay rin niya ang kawalang-hanggan sa puso at isip ng mga tao,’ ang sabi ng Eclesiastes 3:11.
Ang isang katibayan na dinisenyo ang tao na mabuhay nang mas matagal ay makikita sa nagagawa ng utak, lalo na sa kakayahan nitong matuto. Sinasabi ng The Encyclopedia of the Brain and Brain Disorders na ang kapasidad ng long-term memory ng utak ng tao ay “halos walang limitasyon.” Bakit may ganitong kapasidad ang utak kung hindi naman ito gagamitin? Oo, nasasalamin sa mga tao ang orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Kung gayon, bakit tayo tumatanda, nagdurusa, at namamatay?
Kung Bakit Tayo Tumatanda at Namamatay
Ang unang lalaki at babae ay may sakdal na katawan at kalayaang magpasiya. Nakalulungkot, ginamit nila sa maling paraan ang kalayaang iyan nang magrebelde sila sa kanilang Maylikha. * (Genesis 2:16, 17; 3:6-11) Dahil sa kanilang pagsuway, o kasalanan, nakadama sila ng matinding pang-uusig ng budhi at kahihiyan. Napinsala rin ang kanilang katawan, anupat dahan-dahan at tuluy-tuloy na humantong sa kamatayan. “Ang tibo na nagbubunga ng kamatayan ay kasalanan,” ang sabi ng 1 Corinto 15:56.
Kaayon ng pisikal na batas ng pagmamana, ang lahat ng supling nina Adan at Eva ay nahawahan ng di-kasakdalan at ng tendensiyang magkasala, o gumawa ng mali. Sinasabi ng Roma 5:12: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”
Kaya ano ang konklusyon natin? Ito: Hinding-hindi makikita sa laboratoryo ang sekreto ng walang-hanggang buhay. Diyos lang ang makapag-aalis ng pinsalang dulot ng kasalanan. Pero gagawin ba niya ito? Muli, isang malakas na oo ang sagot ng Bibliya!
“Lalamunin Niya ang Kamatayan Magpakailanman”
Nakagawa na ang Diyos ng isang napakalaking hakbang para alisin ang kasalanan at kamatayan. Isinugo Niya si Jesu-Kristo para ibigay ang buhay niya alang-alang sa atin. Paano tayo matutulungan ng kamatayan ni Jesus? Si Jesus ay isinilang na sakdal at “hindi siya nakagawa ng kasalanan.” (1 Pedro 2:22) Kaya naman may karapatan siya sa walang-hanggan at sakdal na buhay bilang tao. Ano ang ginawa niya sa kaniyang sakdal na buhay? Kusang-loob niya itong ibinigay bilang kabayaran sa ating mga kasalanan. Oo, ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay “bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Di-magtatagal, lubusang ikakapit ang pantubos na iyan alang-alang sa atin. Ano ang magiging kahulugan niyan para sa iyo? Isaalang-alang ang mga tekstong ito:
“Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
—Juan 3:16. “Lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.”
—Isaias 25:8. “Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay papawiin.”
—1 Corinto 15:26. “Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan . . . At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan.”
—Apocalipsis 21:3, 4.
Gaano ka katagal puwedeng mabuhay? Malinaw ang sagot ng Bibliya: Ang mga tao ay maaaring magkaroon ng pag-asang mabuhay magpakailanman—isang pag-asang matutupad matapos alisin ng Diyos ang lahat ng kasamaan sa lupa. (Awit 37:28, 29) Nasa isip ni Jesus ang napakagandang pag-asang iyan nang sabihin niya sa lalaking nakabayubay sa tabi niya: “Makakasama kita sa Paraiso.”
Oo, likas lang at makatuwirang maghangad ang tao na mabuhay magpakailanman. Ganiyan tayo nilalang ng Diyos! At sasapatan niya ang pagnanasang iyan. (Awit 145:16) Pero mayroon tayong dapat gawin. Halimbawa, kailangan tayong magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan [ang Diyos] nang lubos, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya,” ang sabi ng Hebreo 11:6. Ang gayong pananampalataya ay isang pananalig batay sa tumpak na kaalaman sa Bibliya. (Hebreo 11:1) Kung gusto mong magkaroon ng ganiyang pananampalataya, makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o magpunta sa aming Web site sa www.pr418.com/tl.
^ par. 21 Dahil sa pagrerebelde nina Adan at Eva, bumangon ang malulubhang isyu sa moral may kaugnayan sa Diyos. Ang mga isyung ito, na dahilan kung bakit pansamantalang pinahihintulutan ng Diyos ang kasamaan, ay tinatalakay sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Basahin ito online sa www.pr418.com/tl.