ANG PANGMALAS NG BIBLIYA
Alak
Mali bang uminom ng alak?
“Alak na nagpapaligaya sa puso ng tao, langis na nagpapaningning sa kanyang mukha, at tinapay na nagpapalakas sa kanyang puso.”
—Awit 104:15, “Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.”
ANG SINASABI NG MGA TAO
Sa maraming tahanan, karaniwan nang may alak at isinasabay ito sa pagkain. Pero sa ilang tahanan, hindi ito katanggap-tanggap. Bakit iba-iba ang pananaw ng mga tao sa alak? Dahil naiimpluwensiyahan sila ng mga bagay na tulad ng kultura, kalusugan, at relihiyon.
ANG SABI NG BIBLIYA
Hinahatulan ng Bibliya ang paglalasing at pagmamalabis sa inuming de-alkohol, pero hindi ang katamtamang pag-inom. (1 Corinto 6:9, 10) Sa katunayan, noon pa man, ang mga lingkod ng Diyos, babae man o lalaki, ay umiinom na ng alak, isang inuming binanggit nang mahigit dalawang daang beses sa Bibliya. (Genesis 27:25) “Kainin mo ang iyong pagkain nang may pagsasaya at inumin mo ang iyong alak nang may mabuting puso,” ang sabi sa Eclesiastes 9:7. Dahil ang alak ay nakapagpapasaya, madalas itong isilbi sa mga okasyong gaya ng kasalan. Panahon din ng kasalan nang gawin ni Jesu-Kristo ang kaniyang unang himala
Sinasabi ba ng Bibliya kung gaano lang karami ang puwedeng inumin?
‘Huwag kayong magpaalipin sa maraming alak.’
—Tito 2:3.
BAKIT DAPAT ITONG ISAALANG-ALANG?
Taun-taon, napakaraming pamilya ang nagkakaproblema dahil sa paglalasing ng isa o ng dalawang magulang. Ang sobrang pag-inom ay nagiging sanhi rin ng maraming disgrasya, kasama na ang mga aksidente sa daan. At sa bandang huli, puwede itong makapinsala sa utak, puso, atay, at sikmura.
ANG SABI NG BIBLIYA
Mahalagang kahilingan ng Diyos na tayo’y maging katamtaman sa pagkain at pag-inom. (Kawikaan 23:20; 1 Timoteo 3:2, 3, 8) Hindi niya sinasang-ayunan ang kawalan ng pagpipigil sa sarili. Sinasabi ng Bibliya: “Ang alak ay manunuya, ang nakalalangong inumin ay magulo, at ang sinumang naliligaw dahil dito ay hindi marunong.”
Ang isang paraan kung paano naililigaw ng alak ang di-marunong ay sa pamamagitan ng pagpapahina sa paninindigan niya na gawin ang tama. Sinasabi sa Oseas 4:11: “Alak at matamis na alak ang siyang nag-aalis ng mabuting motibo.” Natutuhan ito ni John sa masaklap na paraan. * Matapos makipagtalo sa asawa niya, pumunta siya sa isang hotel, naglasing, at nakagawa ng imoralidad
Kailan hindi dapat uminom?
“Kung may dumarating na panganib, ang matalino’y nag-iingat, ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya’y napapahamak.”
—Kawikaan 22:3, “Magandang Balita Biblia.”
BAKIT DAPAT ITONG ISAALANG-ALANG?
“Ang alkohol ay isang matapang na droga,” ang sabi ng World Book Encyclopedia. Kaya may mga panahon o pagkakataon na hindi dapat uminom ng inuming de-alkohol, kahit pa katamtaman lang.
ANG SABI NG BIBLIYA
Kadalasan nang “napapahamak” ang mga tao kapag umiinom sila sa di-angkop na panahon. “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon,” ang sabi ng Bibliya, at kasama diyan ang panahon ng pag-iwas sa alak. (Eclesiastes 3:1) Halimbawa, baka ang isa ay wala pa sa legal na edad para uminom, baka dati siyang alkoholiko na nagsisikap magbago, o baka may iniinom siyang gamot na hindi dapat sabayan ng alak. At para sa marami, ang “takdang panahon” para umiwas sa alak ay bago pumasok sa trabaho at habang nagtatrabaho, lalo na kung humahawak sila ng mapanganib na makinarya. Tiyak na itinuturing ng marurunong na tao ang buhay at kalusugan bilang mahahalagang kaloob mula sa Diyos. (Awit 36:9) Maipakikita natin ang pagpapahalaga sa mga kaloob na iyan kung gagawin nating gabay ang mga simulain sa Bibliya pagdating sa pangmalas natin sa alak.
^ par. 11 Binago ang pangalan.