Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 INTERBYU | IRÈNE HOF LAURENCEAU

Ang Paniniwala ng Isang Orthopedic Surgeon

Ang Paniniwala ng Isang Orthopedic Surgeon

Si Dr. Irène Hof Laurenceau ay espesyalista sa orthopedic surgery sa Switzerland. Dati, nag-aalinlangan siya kung may Diyos. Pero pagkaraan ng ilang taon, nakumbinsi siya na may Diyos, na lumikha ng buhay. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang trabaho at pananampalataya.

Paano ka naging interesado sa siyensiya?

Noong bata pa ako, mahilig ako sa kalikasan. Lumaki ako sa Richterswil, isang magandang nayon sa Switzerland sa baybayin ng Lake Zurich. Isinasama ako ng aking mga magulang at nakatatandang kapatid sa paglalakad at ipinaliliwanag sa akin ang tungkol sa mga halaman at iba pang nilalang na nakikita namin sa daan.

Bakit ka nag-aral ng orthopedic surgery?

Sandaling panahong nagtrabaho si Itay bilang attendant sa operating room ng isang ospital sa lugar namin. Dahil sa mga nakita niya, masigla siyang nagkukuwento tungkol sa pag-oopera. Tuwang-tuwa ako sa mga ikinukuwento niya kung kaya nang maglaon, pinili ko ang surgery bilang propesyon. Ipinasiya kong maging espesyalista sa orthopedic surgery dahil gusto ko ang mekanikal na mga aspekto nito. Ang mga orthopedic surgeon ay kailangang mag-isip na gaya ng inhinyero para ma-repair nila ang mga buto, kalamnan, at litid na ginagamit natin sa pagkilos.

Higit sa lahat, natutuwa akong makitang bumubuti ang lagay ng aking mga pasyente. Talagang gustung-gusto kong magtrabaho kasama ng mga tao.

Bakit ka nagduda kung may Diyos?

Nasa kabataan pa ako nang magsimula ang aking pag-aalinlangan, at dalawang bagay ang nakaimpluwensiya sa akin. Una, natuklasan ko na imoral ang ilang nagtuturo ng relihiyon sa simbahan, at talagang nabagabag ako. Pangalawa, ang ilang biology teacher ko sa paaralan ay naniniwala sa ebolusyon—isang turo na tinanggap ko, lalo na nang nasa unibersidad na ako.

Bakit mo tinanggap ang ebolusyon?

Naniwala ako sa mga propesor ko. Isa pa, inakala ko na ang pagkakatulad sa anatomiya ng ilang uri ng hayop ay nagpapahiwatig na iisa lang ang pinagmulan  nila, at na sumusuporta ito sa ideya na ang mga genetic mutation ay nakalilikha ng mga bagong uri.

Pero nagbago ang isip mo. Bakit?

Inanyayahan ako ng isang kaibigan ko sa pulong ng mga Saksi ni Jehova. Humanga ako dahil palakaibigan ang mga nasa kongregasyon at nakapagtuturo ang mga pahayag. Nang maglaon, isang mabait na babae mula sa kongregasyong iyon ang dumalaw sa akin. Tinanong ko siya, “Paano ko matitiyak na totoo ang Bibliya?”

Ipinakita niya sa akin ang mga hula sa Bibliya tungkol sa mga pangyayaring nagaganap na ngayon. Ang isang halimbawa ay ang hula ni Jesus tungkol sa mga huling araw ng daigdig na ito, anupat magkakaroon ng mga digmaan, “malalakas na lindol,” at palasak na “mga salot at mga kakapusan sa pagkain.” * Ipinakita rin niya ang mga hula tungkol sa mga problema sa lipunan at paglaganap ng kasakiman at iba pang kasamaang nakikita natin sa ngayon. * Di-nagtagal, naging masigasig ako sa pag-aaral ng Bibliya at napatunayan ko na laging nagkakatotoo ang mga prediksiyon nito. Sinuri ko ulit ang mga pangmalas ko tungkol sa pinagmulan ng buhay.

Nakatulong ba ang pagsasaliksik mo sa medisina para maunawaan ang pinagmulan ng buhay?

Oo. Nang magsimula akong mag-aral ng Bibliya, nagre-research ako noon tungkol sa pag-oopera sa tuhod. Noong huling bahagi ng dekada ’60, mas naunawaan ng mga siyentipiko ang masalimuot na mekanismo ng tuhod. Natuklasan nila na ang tuhod natin ay hindi parang bisagra na naigagalaw lamang sa iisang direksiyon. Sa halip, ito ay gumugulong at umiikot—isang napakagandang kombinasyon kung kaya marami tayong nagagawa, gaya ng paglalakad, pagsasayaw, pag-i-skate, at marami pang iba.

Sa loob ng mga 40 taon, sinikap ng mga mananaliksik na magdisenyo ng artipisyal na tuhod. Pero nahirapan silang kopyahin ang napakasalimuot na tuhod ng tao. Bukod diyan, kung ikukumpara sa ating tuhod, ang mga artipisyal na produkto ay hindi nagtatagal. Kahit mahuhusay na materyales ang ginagamit ng mga disenyador, masaya na sila kung tatagal nang 20 taon ang kanilang produkto. Pero ang ating tuhod ay binubuo ng buháy na mga selulang patuloy na nagpapalit. Para sa akin, ang tuhod ay ebidensiya, hindi ng ebolusyon, kundi ng karunungan ng Diyos.

Paano naman ang mga mutation at ang pagkakatulad sa anatomiya ng ilang uri ng organismo?

Ang pagkakatulad na iyan ay patotoo na iisa lang ang Disenyador nila. Karagdagan pa, hindi pinabubuti ng mutation ang disenyo ng buháy na mga organismo, ni itinataas man ang uri ng mga ito. Sa halip, sinisira ng mutation ang mga gene. Siyempre pa, ang isang aksidente ay posibleng magdulot ng pakinabang—halimbawa, kapag ang isang tren ay nadiskaril at sumalpok sa isang tulay at winasak ito, anupat naprotektahan ang isang lunsod mula sa pagsalakay ng isang hukbo. Pero hindi pinabuti ng aksidenteng iyon ang sitwasyon ng lunsod. Sa katulad na paraan, hindi bumubuti ang disenyo ng mga organismo dahil sa mutation. At hindi ito kailanman makalilikha ng isang bagay na napakaganda ng pagkakadisenyo na gaya ng tuhod ng tao—bukod pa sa ibang bahagi ng ating katawan.

Ang mga mutation ay hindi kailanman makalilikha ng isang bagay na napakaganda ng pagkakadisenyo na gaya ng tuhod ng tao

Bakit ka naging Saksi ni Jehova?

Nang ikapit ko ang mga simulain ng Bibliya, napabuti nang husto ang aking buhay. At nang dumalo ako sa isang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova noong 2003, nakita ko ang kakaibang pagkakaisa. Kahit noon lang sila nagkita, para silang magkakapamilya. Nagpakita sila ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa, at gusto kong mapabilang sa kanila.