Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Kapag Sinasaktan ng Iyong Anak ang Kaniyang Sarili

Kapag Sinasaktan ng Iyong Anak ang Kaniyang Sarili

ANG HAMON

Natuklasan mong sinasadyang saktan ng iyong anak na tin-edyer ang kaniyang sarili. Baka isipin mo, ‘Ano’ng ibig sabihin nito? Gusto ba niyang magpakamatay?’

Malamang na hindi naman. Pero kung sinasaktan ng iyong anak ang kaniyang sarili, * kailangan niya ng tulong. Paano mo siya matutulungan? Una, alamin ang posibleng dahilan ng kaniyang nakababahalang paggawi.

ANG DAHILAN

Para lang ba makiuso? Totoo, sinasaktan ng ilang kabataan ang kanilang sarili dahil nalaman nilang ginagawa ito ng iba. Pero hindi ganiyan ang dahilan ng karamihan. Bakit? Karaniwan nang inililihim at ikinahihiya ng nananakit sa sarili ang kaniyang ginagawa. “Ayokong malaman ng iba ang ginagawa ko,” ang sabi ng 20-anyos na si Celia. * “Itinatago kong mabuti ang mga sugat ko.”

Para lang ba makakuha ng atensiyon? Baka nga iyan ang dahilan ng iba. Pero ang mga nananakit sa sarili na tinutukoy sa artikulong ito ay karaniwan nang gumagawa nito nang patago at hindi nila ginagamit ang kanilang mga hiwa o pasâ para kumuha ng atensiyon. Gayunman, isang babae na dating nananakit sa sarili ang nagsabi na sana’y may nakapansin sa kaniyang mga sugat para nalantad ang ginagawa niya at natulungan siya agad.

Kung gayon, bakit may mga nananakit sa kanilang sarili? Komplikado ang mga dahilan, pero sa likod nito, ang kabataan ay kadalasan nang nakadarama ng sakit ng kalooban na hindi niya masabi. Ayon sa paglalarawan ng eksperto sa mental health na si Steven Levenkron sa kaniyang aklat na Cutting, ang taong nananakit sa sarili ay “isa na nakatuklas na puwedeng maging lunas sa sakit ng kalooban ang kirot sa pisikal.”

Ang nananakit sa sarili ay kadalasan nang nakadarama ng sakit ng kalooban na hindi niya masabi

Paano kung sinisisi mo ang iyong sarili? Sa halip na isiping baka nagkamali ka sa pagpapalaki sa iyong anak, magpokus sa iyong papel bilang magulang para matulungan siyang maka-recover.

 ANG PUWEDE MONG GAWIN

Himukin ang iyong tin-edyer na sabihin sa iyo kung ano ang bumabagabag sa kaniya. Makatutulong ang sumusunod na mga tip.

Aliwin siya. Kapag sinabi sa iyo ng anak mo na sinasaktan niya ang kaniyang sarili, huwag mong ipahalatang nagulat ka o natakot. Sa halip, magsalita ka nang mahinahon at may pang-aliw.Simulain sa Bibliya: 1 Tesalonica 5:14.

Huwag maging mapanghusga sa pagtatanong. Halimbawa, puwede mong sabihin: “Alam kong hindi laging maganda ang tingin mo sa iyong sarili. Ano ba ang nakapagpapahina ng loob mo?” o “Ano ang maitutulong ko kapag hindi ka mapalagay o nadedepres?” o “Sa palagay mo, ano ang pinakamabuting magagawa ko para maging mas malapít tayo sa isa’t isa?” Pakinggan ang kaniyang mga sagot nang hindi sumasabad.Simulain sa Bibliya: Santiago 1:19.

Tulungan ang iyong anak na makita ang magagandang katangian niya. Yamang ang mga nananakit sa sarili ay kadalasang nagpopokus sa kanilang mga kahinaan, puwede mong tulungan ang iyong tin-edyer na makita ang magagandang katangian niya. Maaari mo pa ngang imungkahi na magsulat siya ng di-kukulangin sa tatlong bagay na gusto niya sa kaniyang sarili. “Nakatulong sa akin ang pagsusulat ng magagandang katangian ko,” ang sabi ng kabataang si Briana. *

Pasiglahin ang iyong anak na manalangin sa Diyos na Jehova. Sinasabi ng Bibliya: “[Ihagis] ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.” (1 Pedro 5:7) “Ipinagtatapat ko sa Diyos na Jehova ang aking nadarama,” ang sabi ni Lorena, 17, “lalo na kapag natutukso akong saktan ang sarili ko. Nakatulong ito sa akin para lalo akong magsikap na huminto.”Simulain sa Bibliya: 1 Tesalonica 5:17.

^ par. 5 Ang pananakit sa sarili ay ang di-mapigilang pamiminsala sa sarili, ito man ay sa pamamagitan ng paghiwa, pagsugat, paghampas, o iba pang paraan.

^ par. 7 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

^ par. 15 Ang pananakit sa sarili ay kadalasan nang sintomas ng depresyon o iba pang sakit. Baka kailangan nang magpatingin sa doktor. Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paraan ng paggamot. Pero dapat tiyakin ng mga Kristiyano na ang anumang paggamot na pipiliin nila ay hindi salungat sa mga simulain ng Bibliya.