MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Matipid-sa-Enerhiyang Paglipad ng Wandering Albatross
MAY mga ibon na kayang pumailanlang at manatili sa ere nang walang kahirap-hirap. Isa rito ang wandering albatross. Ang sukat ng mga nakabukang pakpak nito ay 3.4 metro. Kahit tumitimbang ito nang halos 8.5 kilo, nakalilipad ito nang libu-libong milya gamit lang ang kaunting enerhiya! Ang sekreto? Ang anatomiya at teknik nito sa pagpapailanlang.
Pag-isipan ito: Dahil sa espesyal na mga litid, napananatili ng albatross na nakabuka ang kaniyang mga pakpak habang lumilipad, kaya di-gaanong napapagod ang mga kalamnan niya. May isa pang sekreto ang ibong ito kung kaya nagagawa niyang pumailanlang nang maraming oras
Ang mga albatross ay lumilipad nang pataas, patagilid, at pababa nang tuluy-tuloy at paarko, na nakatutulong para hindi sila bumagal kahit pasalungat sa hangin. Nito lang nadiskubre ng mga siyentipiko kung paano ito nagagawa ng mga albatross. Gamit ang mga high-resolution tracking device at special computer software, natuklasan nilang nakakakuha ng kinakailangang enerhiya ang mga albatross kapag nagpapalit ng direksiyon mula sa pagsalungat sa hangin tungo sa pag-ayon sa hangin kapag nasa gawing itaas na ang mga ito. Sinasabi ng mga siyentipiko na “walang kahirap-hirap at tuluy-tuloy” ang paraang ito ng “pagkuha ng enerhiya” mula sa hangin. Ang resulta? Nakakayanan ng ibon na pumailanlang nang maraming oras kahit hindi ipinapagaspas ang mga pakpak nito!
Ang mga impormasyong ito ay maaaring makatulong sa mga inhinyero sa pagdidisenyo ng mga sasakyang panghimpapawid na mas matipid sa fuel at marahil ay pinaaandar pa nga ng propulsion na hindi ginagamitan ng makina.
Ano sa palagay mo? Ang matipid-sa-enerhiyang paglipad ba ng albatross, pati na ang espesyal na anatomiya nito, ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?