Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA

Ang Katotohanan Tungkol sa Halloween

Ang Katotohanan Tungkol sa Halloween

Ipinagdiriwang ba ang Halloween sa lugar ninyo? Sa Estados Unidos at sa Canada, ang Halloween ay kilalang-kilala at ipinagdiriwang taun-taon tuwing Oktubre 31. Pero makikita rin sa iba pang bahagi ng mundo ang mga kaugaliang may kinalaman sa Halloween. Sa ilang lugar, may mga kapistahan na iba ang tawag pero katulad ng Halloween ang tema: pakikipag-ugnayan sa daigdig ng mga espiritu sa pamamagitan ng espiritu ng mga patay, mga engkantada, mangkukulam, at maging ang diyablo at demonyong mga anghel.—Tingnan ang kahong  “Mga Selebrasyong Tulad ng Halloween sa Buong Daigdig.”

BAKA hindi ka naman naniniwala sa mga espiritu. Marahil iniisip mong ang pagsali sa Halloween at sa katulad na mga selebrasyon ay katuwaan lang at isang paraan para turuan ang iyong mga anak na paganahin ang kanilang imahinasyon. Pero para sa marami, ang mga selebrasyong ito ay mapanganib dahil sa mga sumusunod:

  1. Ang “Halloween,” ayon sa Encyclopedia of American Folklore, “ay pangunahin nang may kinalaman sa posibilidad ng pakikipag-ugnayan sa mga puwersang espiritu, na  karamihan ay nagbabanta o nananakot.” (Tingnan ang kahong  “Kasaysayan ng Halloween.”) Gayundin, maraming selebrasyong gaya ng Halloween ang nagmula sa mga pagano at sa pagsamba sa mga ninuno. At hanggang sa ngayon, ang mga araw na ito ay ginagamit pa rin ng mga tao sa buong daigdig para makipag-ugnayan sa diumano’y mga espiritu ng mga patay.

  2. Bagaman ang Halloween ay pangunahing itinuturing na kapistahan ng mga Amerikano, parami nang parami ang nagdiriwang nito taun-taon sa iba’t ibang bansa. Pero marami sa kanila ang walang kaalam-alam sa paganong pinagmulan ng mga simbolo, dekorasyon, at kaugalian ng Halloween, na karamihan ay may kaugnayan sa mahihiwagang puwersa at espiritu.—Tingnan ang kahong  “Saan Ito Nanggaling?”

  3. Tinatawag pa rin ng libu-libong Wiccan, na sumusunod sa sinaunang mga ritwal ng mga Celt, ang Halloween sa sinaunang pangalan nito na Samhain. At para sa kanila, ito ang pinakasagradong gabi sa buong taon. “‘Walang kamalay-malay [ang mga Kristiyano] na kasama namin silang nagdiriwang ng aming kapistahan. . . . Gusto namin iyon,’” ang  sabi ng pahayagang USA Today bilang pagsipi sa sinabi ng isang nagpakilalang mangkukulam.

  4. Ang mga selebrasyong gaya ng Halloween ay salungat sa mga turo ng Bibliya. Nagbababala ang Bibliya: “Huwag makasusumpong sa inyo ng sinumang . . . nanghuhula o nanggagaway, gumagamit ng mga anting-anting, sumasangguni sa multo o espiritu, o sa mga patay.”—Deuteronomio 18:10, 11, The Jerusalem Bible; tingnan din ang Levitico 19:31; Galacia 5:19-21.

Dahil sa mga nabanggit, makabubuting alamin mo ang madilim na pinagmulan ng Halloween at iba pang katulad na selebrasyon. Kapag lubusan mo itong naunawaan, baka hindi ka na rin magdiwang ng mga kapistahang ito gaya ng maraming iba pa.

“‘Walang kamalay-malay [ang mga Kristiyano] na kasama namin silang nagdiriwang ng aming kapistahan. . . . Gusto namin iyon.’”—Ang pahayagang USA Today, bilang pagsipi sa sinabi ng isang nagpakilalang mangkukulam

^ par. 37 Ang “hallow” ay matandang salitang Ingles na nangangahulugang “santo.” Ang All Hallows’ Day (tinatawag ding Todos Los Santos) ay isang kapistahan na nagpaparangal sa mga santong namatay. Ang gabi bago ang All Hallows’ Day ay tinawag na All Hallow Even, na nang maglaon ay pinaikli bilang Halloween.