Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA

Kung Paano Magpapatawad

Kung Paano Magpapatawad

ANG HAMON

Kapag nagtatalo kayong mag-asawa, inuungkat ninyo ang nakaraan, anupat binabalik-balikan ang mga naipong hinanakit na dapat sana’y matagal nang kinalimutan. Ang problema? Maaaring ang isa sa inyo, o kayong dalawa, ay hindi marunong magpatawad.

Puwede ninyo itong matutuhan. Pero tingnan muna natin kung bakit may mga mag-asawa na nahihirapang magpatawad sa isa’t isa.

ANG DAHILAN

Kontrol. Ayaw magpatawad ng ilan para makontrol nila ang kanilang asawa. Pagkatapos, kapag nagkaproblema, ginagamit nila ang nakaraan bilang alas para dominahan at impluwensiyahan ang kanilang asawa.

Hinanakit. Matagal maghilom ang mga sugat ng nakaraan. Baka sabihin ng isa, ‘Pinapatawad na kita,’ pero naghihinanakit pa rin siya sa asawa niya—at marahil ay gusto pa ngang makaganti.

Pagkadismaya. May mga nagpapakasal na umaasang magiging perpekto ang kanilang pagsasama. Kaya kapag nagkaroon ng di-pagkakaunawaan, nagmamatigas sila at nagtataka kung bakit magkaiba sila ng opinyon ng taong akala nila ay “perfect” para sa kanila. Kapag hindi makatotohanan ang inaasahan ng isa, mas madali siyang makakita ng pagkakamali at baka mahirapan siyang magpatawad.

Maling unawa. Maraming may-asawa ang ayaw magpatawad dahil mali ang unawa nila sa ibig sabihin ng pagpapatawad. Halimbawa:

Kapag nagpatawad ako, binabale-wala ko ang nagawang pagkakamali.

Kapag nagpatawad ako, kailangan kong kalimutan ang nangyari.

Kapag nagpatawad ako, baka gawan na naman niya ako ng di-maganda.

Hindi totoo ang alinman sa mga ito. Pero baka mahirap pa ring magpatawad—lalo na sa pagitan ng mag-asawa.

 ANG PUWEDE MONG GAWIN

Unawain kung ano ang kasangkot sa pagpapatawad. Sa Bibliya, ang salitang “magpatawad” ay nangangahulugang “pakawalan.” Kaya naman kapag nagpatawad ka, hindi ibig sabihin na kailangan mong kalimutan ang nangyari o bale-walain ang pagkakamali. Kung minsan, kailangan mo lang pakawalan, o palampasin, ang isang bagay, alang-alang sa kapakanan mo at ng inyong pagsasama.

Isaisip ang mga resulta ng di-pagpapatawad. Ayon sa ilang eksperto, delikado ang pagkikimkim ng sama ng loob dahil mas madali kang magkaroon ng pisikal at emosyonal na karamdaman, lakip na ang depresyon at high blood—bukod pa sa pinsalang dulot nito sa inyong pagsasama. Kaya naman sinasabi ng Bibliya: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa.”—Efeso 4:32.

Isaisip ang mga pakinabang ng pagpapatawad. Kung mapagpatawad ka, hindi ka magbibilang ng pagkakamali ng iyong kabiyak at magtitiwala kang hindi ka niya sinasadyang saktan. Sa gayon, maiiwasan ninyo ang paghihinanakit at lalago ang pag-ibig ninyo sa isa’t isa.—Simulain sa Bibliya: Colosas 3:13.

Maging makatotohanan. Mas madaling magpatawad kung tatanggapin mo nang buong-buo ang asawa mo, pati na ang mga pagkukulang niya. Ipinahihiwatig ng aklat na Fighting for Your Marriage na kung magpopokus ka sa mga kapintasan ng asawa mo, makakalimutan mo ang magagandang katangian niya. Itinanong ng aklat na ito: “Saan mo gustong magpokus sa ngayon?” Tandaan, walang sinumang perpekto—pati na ikaw.—Simulain sa Bibliya: Santiago 3:2.

Maging makatuwiran. Sa susunod na may masabi o magawa ang asawa mo na nakasakit sa iyo, tanungin ang sarili: ‘Talaga bang importante iyon? Dapat ko ba siyang piliting magsori, o puwede bang palampasin ko na lang iyon?’—Simulain sa Bibliya: 1 Pedro 4:8.

Kung kailangan, pag-usapan ninyo iyon. Mahinahong ipaliwanag kung ano ang ikinasama ng loob mo at kung bakit. Huwag mong pagbintangan ang asawa mo o palabasing ikaw lang ang tama dahil mapipilitan siyang mangatuwiran. Sa halip, sabihin kung paano nakaapekto sa iyo ang ginawa niya.