Ang Pangmalas ng Bibliya
Pagtatalik Nang Di-kasal
Mali ba ang pagtatalik nang di-kasal?
“Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, . . . na umiwas kayo sa pakikiapid.”—1 Tesalonica 4:3.
ANG SINASABI NG MGA TAO
Sa ilang kultura, pinahihintulutan ang seksuwal na gawain ng dalawang adultong di-kasal. Sa ilang lugar naman, ayos lang na gumawa ang mga kabataan ng ilang uri ng seksuwal na gawain.
ANG SABI NG BIBLIYA
Ginagamit ng Bibliya ang salitang “pakikiapid” para tukuyin ang mga seksuwal na gawain ng mga hindi mag-asawa. Inaasahan ng Diyos na ang kaniyang mga mananamba ay ‘iiwas sa pakikiapid.’ (1 Tesalonica 4:3) Ang pakikiapid ay kabilang sa malulubhang kasalanang gaya ng pangangalunya, espiritismo, paglalasing, idolatriya, pagpatay, at pagnanakaw.—1 Corinto 6:9, 10; Apocalipsis 21:8.
KUNG BAKIT ITO MAHALAGANG ISAALANG-ALANG
Una, nagbababala ang Bibliya na “hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid.” (Hebreo 13:4) Pero ang mas mahalaga, kapag sinusunod natin ang mga batas ng Diyos tungkol sa moralidad sa sekso, pinatutunayan natin ang ating pag-ibig sa Diyos na Jehova. (1 Juan 5:3) Pinagpapala naman niya ang mga sumusunod sa kaniyang mga utos.—Isaias 48:18.
Masama bang magkaroon ng anumang uri ng seksuwal na ugnayan ang mga hindi mag-asawa?
“Ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo.”—Efeso 5:3.
ANG SINASABI NG MGA TAO
Marami ang naniniwalang wala namang masama sa seksuwal na ugnayan ng dalawang taong di-kasal hangga’t hindi sila aktuwal na nagtatalik.
ANG SABI NG BIBLIYA
Sa pagtalakay ng Bibliya tungkol sa imoral na mga seksuwal na gawain, hindi lang pakikiapid ang binabanggit nito kundi gayundin ang seksuwal na “karumihan” at “mahalay na paggawi.” (2 Corinto 12:21) Maliwanag na may iba’t ibang uri ng seksuwal na gawaing nakapopoot sa Diyos kapag ginagawa ito ng mga hindi mag-asawa, kahit pa walang aktuwal na pagtatalik.
Kaya sa kabuuan, pagdating sa sekso, sinasabi ng Bibliya na ang seksuwal na ugnayan ay para lang sa lalaki’t babae na mag-asawa. Hinahatulan din ng Bibliya ang “mapag-imbot na pita sa sekso.” (1 Tesalonica 4:5) Ano ang ibig sabihin niyan? Isaalang-alang ang halimbawang ito: Baka determinado ang isang magkasintahan na huwag magtalik. Pero gumagawa naman sila ng ibang uri ng seksuwal na gawain. Sa ganitong paraan, iniimbot nila o ninanasa ang isang bagay na hindi kanila. Kung gayon, nagkakasala sila ng “mapag-imbot na pita sa sekso.” Ang ganiyang kasakiman sa sekso ay hinahatulan ng Bibliya.—Efeso 5:3-5.
Paano mo maiiwasan ang seksuwal na imoralidad?
“Tumakas kayo mula sa pakikiapid.”—1 Corinto 6:18.
KUNG BAKIT ITO MAHALAGANG ISAALANG-ALANG
Ayon sa Bibliya, ang pakikipagtalik nang di-kasal ay makasisira sa pakikipagkaibigan natin sa Diyos.—Colosas 3:5, 6.
ANG SABI NG BIBLIYA
Pinapayuhan tayo ng Bibliya na ‘tumakas mula sa pakikiapid.’ (1 Corinto 6:18) Nangangahulugan ito na ang isang tao ay dapat lumayo sa anumang bagay na hihikayat sa kaniya na gumawa ng seksuwal na imoralidad. (Kawikaan 22:3) Halimbawa, para makapanatiling malinis sa moral, mahalagang iwasan ang malapít na pakikipagsamahan sa mga taong nagwawalang-bahala sa mga simulain ng Diyos tungkol sa sekso. Nagbababala ang Bibliya: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”—Kawikaan 13:20.
Ang pagpapasok ng imoral na mga bagay sa isip ay maaaring humantong sa kahalayan. (Roma 8:5, 6) Kaya naman makabubuting iwasan ang musika, video, babasahín, at anumang bagay na may-kahalayang nagpapakita o nagtataguyod ng seksuwal na gawain o mga paggawing kinapopootan ng Diyos.—Awit 101:3.