Pagmamasid sa Daigdig
Artiko
“Ang dami ng yelo tuwing tag-araw ay 25 porsiyento na lang kaysa noong nakalipas na 30 taon,” ang sabi ni Peter Wadhams, propesor ng ocean physics sa University of Cambridge, Britain. Noong 2012, mga 50 barko ang nakapaglayag sa Northern Sea Route na puwede nang daanan dahil sa pag-init ng globo.
Daigdig
Ang gatas ng mga ina, ilang araw pagkapanganak nila, ay natuklasang may mahigit 700 uri ng baktirya—higit pa sa inaasahan ng mga eksperto. Patuloy na inaalam ng mga mananaliksik ang biyolohikal na pakinabang na dulot nito sa mga sistema ng panunaw at imyunidad ng bagong-silang na sanggol.
Britain
Sa isang isinagawang pag-aaral ng mga siyentipikong Britano gamit ang simulated driving, natuklasan nilang mas mabagal ang reaksiyon ng mga drayber na sinisipon kaysa sa mga nakainom.
Democratic Republic of Congo
Ang Aprika ay dumaranas ngayon ng tinatawag ng ilan na “pinakamatinding” pagpatay sa libu-libong elepante taun-taon dahil sa kanilang garing, o ivory. Sa isang insidente, ilang elepante ang may tama ng baril sa tuktok ng ulo, anupat maliwanag na binaril ang mga ito mula sa isang helikopter.
Australia
Kalahati sa mga korales ng Great Barrier Reef ang namatay sa nakalipas na 27 taon. Sinisisi ng mga siyentipiko ang malalakas na bagyo, paninira ng crown-of-thorns starfish [Acanthaster planci], at ang pamumuti ng mga korales dahil sa pagtaas ng temperatura sa karagatan.