Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA

Tatlong Bagay na Di-nabibili ng Salapi

Tatlong Bagay na Di-nabibili ng Salapi

KAHIT nanganganib mawalan ng trabaho, bahay, at maging ng kanilang pensiyon, maraming tao ang gustung-gusto pa ring magkaroon ng mga bagay na nabibili ng salapi.

Ang gayong mga tao ay madaling mabiktima ng mga advertiser, na gumagawa ng nakaeengganyong mga advertisement na nagsasabing dapat tayong magkaroon ng mas malaking bahay, mas magarang kotse, at branded na mga damit. Wala kang pera? Hindi problema iyan! Gumamit ka ng credit card. Marami ang gustong magmukhang mayaman kahit baón na sa utang.

Pero sa malao’t madali, lilitaw ang totoo. “Ang pangungutang ng takaw-pansing mga produkto para magmukha at mag-astang mayaman ay gaya rin ng pagsinghot ng cocaine para gumanda ang iyong pakiramdam,” ang sabi ng aklat na The Narcissism Epidemic. “Sa umpisa, pareho itong mura at epektibo—pero panandalian lang ang mga iyon. Sa bandang huli, mamumulubi ka at madedepres.”

Sinasabi ng Bibliya na isang kamangmangan ang “pagpaparangya ng kabuhayan.” (1 Juan 2:16) Ang totoo, dahil sa obsesyon sa materyal na mga bagay, baka mabale-wala natin ang pinakamahahalagang bagay sa buhay—mga bagay na di-nabibili ng salapi. Tingnan natin ang tatlong halimbawa.

 1. MAGANDANG SAMAHAN NG PAMILYA

Para kay Brianne, * isang tin-edyer sa Estados Unidos, sobra-sobra ang pagpapahalaga ng tatay niya sa trabaho at kinikita nito. “Kumpleto na kami sa lahat ng bagay,” ang sabi niya, “pero lagi namang wala si Daddy, kasi madalas siyang magbiyahe. Alam ko namang dahil ’yon sa trabaho niya, pero may pananagutan din siya sa ’min!”

Pag-isipan ito: Anong mga bagay ang posibleng pagsisihan ng tatay ni Brianne sa bandang huli? Paano nakaaapekto sa kaugnayan niya sa kaniyang anak ang sobrang pagpapahalaga niya sa materyal na mga bagay? Ano ang mas kailangan ng pamilya niya kaysa sa pera?

Mga simulain sa Bibliya na dapat isaalang-alang:

  • “Ang pag-ibig sa salapi ay siyang ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na magkamal ng salapi, may mga . . . nasadlak sa paghihirap ng kalooban.”—1 Timoteo 6:10, Magandang Balita Biblia.

  • “Mas mabuti pa ang kumain ng gulay kasama ng mga tao na iyong mahal kaysa kumain ng karne na may pagkakapootan.”—Kawikaan 15:17, Good News Translation.

Tandaan: Ang magandang samahan ng pamilya ay hindi nabibili ng salapi. Mangyayari lang iyan kung bibigyan mo ng sapat na panahon, atensiyon, at pagmamahal ang iyong pamilya.—Colosas 3:18-21.

 2. TUNAY NA KAPANATAGAN

“Laging sinasabi sa akin ng nanay ko na mag-asawa ako ng mayaman at mag-aral para magkaroon ng magandang trabaho sakaling maubos ang pera ng asawa ko,” ang sabi ng 17-anyos na si Sarah. “Puro pera ang nasa isip niya.”

Pag-isipan ito: Kapag nagpaplano para sa kinabukasan, anong mga bagay ang dapat mong pag-isipan? Kailan masasabing sobra-sobra na ang pag-aalala mo sa mga ito? Anong mas balanseng pananaw sa pinansiyal na seguridad ang dapat sana’y itinuro ng nanay ni Sarah sa kaniya?

Mga simulain sa Bibliya na dapat isaalang-alang:

  • “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa, kung saan ang tangà at kalawang ay nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay nanloloob at nagnanakaw.”—Mateo 6:19.

  • “Hindi ninyo nalalaman kung ano ang magiging buhay ninyo bukas.”—Santiago 4:14.

Tandaan: Kahit marami ka nang ipon, hindi ka pa rin nakasisigurong magiging panatag ang kinabukasan mo. Ang pera ay nananakaw—at hindi nito kayang magpagaling ng sakit o pumigil ng kamatayan. (Eclesiastes 7:12) Itinuturo ng Bibliya na ang tunay na kapanatagan ay nagmumula sa pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos at sa kaniyang layunin.—Juan 17:3.

 3. PAGKAKONTENTO

“Pinalaki kami ng mga magulang namin sa simpleng pamumuhay,” ang sabi ng 24-anyos na si Tanya. “Masaya kami ng kakambal ko, kahit kadalasan ay sapat-sapat lang ang taglay namin.”

Pag-isipan ito: Bakit nahihirapan ang ilan na makontento sa pangunahing mga pangangailangan? Pagdating sa pera, anong halimbawa ang ipinakikita mo sa iyong pamilya?

Mga simulain sa Bibliya na dapat isaalang-alang:

  • “Sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.”—1 Timoteo 6:8.

  • “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—Mateo 5:3.

Tandaan: Hindi pera at mga nabibili nito ang pinakamahalagang bagay sa buhay. Sinasabi ng Bibliya: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Ang totoo, magiging tunay na maligaya lang tayo kung alam natin ang sagot sa sumusunod na mga tanong:

  • Bakit tayo naririto?

  • Ano ang magiging kinabukasan natin?

  • Paano ko masasapatan ang espirituwal na pangangailangan ko?

Ang mga Saksi ni Jehova na tagapaglathala ng magasing ito ay handang tumulong sa iyo na malaman ang sagot sa mga tanong na iyan.

^ par. 8 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.