Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Depresyon

Depresyon

Ano ang depresyon?

“Ako ay nagulumihanan, ako ay napayukod nang lubusan; buong araw akong naglalakad na malungkot.”—Awit 38:6.

ANG SINASABI NG MGA MANANALIKSIK

Bawat isa sa atin ay nalulungkot sa pana-panahon, pero ang clinical depression ay isang nakapanghihinang sakit na nagtatagal at nakaaabala sa pang-araw-araw na gawain ng isang tao. Pansinin na iba’t iba ang opinyon ng mga eksperto tungkol sa kung alin ang normal na kalungkutan at kung alin ang depresyon. Pero may mga tao na talagang nagkakaroon ng sobrang negatibong emosyon, na kung minsan ay may kasama pang labis na pang-uusig ng budhi at pagkadama ng kawalang-silbi.

ANG SABI NG BIBLIYA

Binabanggit ng Bibliya na may mga lalaki at babaing nagkaroon ng negatibong emosyon. Halimbawa, si Hana ay nagkaroon ng ‘mapait na kaluluwa’—pananalitang isinalin bilang “puno ng dalamhati” at “matinding sama ng loob.” (1 Samuel 1:10) Minsan, nalipos ng pamimighati si propeta Elias anupat hiniling niya sa Diyos na kunin na ang buhay niya!—1 Hari 19:4.

Ang unang-siglong mga Kristiyano ay pinayuhang “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tesalonica 5:14) Ayon sa isang reperensiya, ang terminong “mga kaluluwang nanlulumo” ay maaaring tumukoy sa mga taong “pansamantalang dumaranas ng kaigtingan sa buhay.” Maliwanag na kahit ang tapat na mga lalaki at babae noong panahon ng Bibliya ay nadedepres din paminsan-minsan.

 Kasalanan ba ng isa kung nadedepres siya?

“Ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama.”—Roma 8:22.

ANG SABI NG BIBLIYA

Itinuturo ng Bibliya na ang sakit ay resulta ng pagrerebelde ng unang mag-asawa. Halimbawa, sinasabi ng Awit 51:5: “Sa kamalian ay iniluwal ako na may mga kirot ng panganganak, at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.” Sinasabi naman ng Roma 5:12 na “sa pamamagitan ng isang tao [ang unang taong si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” Dahil sa minanang di-kasakdalan mula kay Adan, tayong lahat ay nagkakasakit, pisikal man o emosyonal. Bilang resulta, sinasabi ng Bibliya na “ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama.” (Roma 8:22) Pero may pag-asang ibinibigay ang Bibliya na di-kayang ibigay ng sinumang doktor—ang pangako ng Diyos na isang mapayapang bagong sanlibutan kung saan wala nang sakit at karamdaman, pati na depresyon.—Apocalipsis 21:4.

Paano mo mapaglalabanan ang depresyon?

“Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”—Awit 34:18.

KUNG BAKIT ITO MAHALAGA

Hindi mo laging kontrolado ang kalagayan mo, at kung minsan, nangyayari ang masasamang bagay. (Eclesiastes 9:11, 12) Pero may magagawa ka para hindi madaig ng negatibong emosyon.

ANG SABI NG BIBLIYA

Binabanggit sa Bibliya na ang mga may sakit ay nangangailangan ng manggagamot. (Lucas 5:31) Kaya kung mayroon kang nakapanghihinang sakit sa emosyon, hindi naman masamang kumonsulta sa doktor. Ipinakikita rin ng Bibliya ang kahalagahan ng pananalangin. Halimbawa, sinasabi ng Awit 55:22: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.” Ang pananalangin ay hindi basta pampagaan ng loob; ito’y pakikipag-usap sa Diyos na Jehova, na “malapit sa mga wasak ang puso.”—Awit 34:18.

Makatutulong din sa iyo na sabihin sa isang matalik na kaibigan ang iyong nadarama. (Kawikaan 17:17) “Hinimok ako ng isang kapananampalataya na magkuwento tungkol sa aking depresyon,” ang sabi ni Daniela, isang Saksi ni Jehova. “Ilang taon kong iniiwasang pag-usapan ang tungkol dito, pero nakita kong dapat ko nga itong sabihin sa iba. Talagang gumaan ang pakiramdam ko.”