Pagmamasid sa Daigdig
Germany
Noong 2012, ipinasiya ng isa sa pinakamatataas na hukuman sa Germany na ang mga taong pormal nang tumiwalag sa relihiyon na kinikilalang pampublikong korporasyon ay hindi na puwedeng makibahagi sa mga gawain ng relihiyong iyon. Ang mga Katolikong pormal na tumiwalag sa kanilang simbahan, at sa gayo’y hindi na nagbabayad ng buwis sa simbahan, pero nakikibahagi pa rin sa mga gawain ng kanilang relihiyon ay maaaring pagbawalang mag-Komunyon, mangumpisal, humawak ng mga katungkulan, at baka nga hindi pa bigyan ng misa bago ilibing.
Daigdig
Ipinakikita ng isang pag-aaral sa mga relihiyon sa daigdig na ang mga taong “walang kinaaanibang relihiyon,” pero baka hindi naman ateista, ay umabot na sa 1.1 bilyon. Pumangatlo sila sa Kristiyanismo na may 2.2 bilyong miyembro at sa Islam na may 1.6 bilyong miyembro. Pang-apat naman ang Hinduismo na ang miyembro ay mga 1 bilyon.
Japan
Ipinakikita sa isang pag-aaral ng mga siyentipikong Hapones na kapag ang isa ay pinupuri, napupukaw ang isang bahagi ng utak na nagiging dahilan ng “pagkadama ng kaligayahan.” Waring pinatutunayan nito na ang pagbibigay ng papuri ay isang magandang paraan para mapasigla ang mga tao na lalong pagbutihin ang kanilang ginagawa.
Bolivia
Noong huling bahagi ng 2012, nagsagawa ang Bolivia ng pambansang sensus. Para maging tumpak ito, ang mga taga-Bolivia ay inutusang manatili sa bahay sa araw ng sensus. Ipinagbawal din sa lansangan ang mga pribadong sasakyan, isinara ang mga border, at ipinagbawal ang pag-inom ng alak.
Italy
Sa isang surbey, sinabi ng mga Italyano na, sa katamtaman, nakikipaglaro sila sa kanilang mga anak sa loob ng 15 minuto araw-araw. Sinabi ng La Repubblica na “1 lang sa bawat 5 magulang ang nag-iisip na ang paglalaro ay nakapagtuturo.” Sa paglalaro, natutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na madebelop ang imahinasyon ng mga ito at “matutong sumunod sa mga alituntunin,” ang sabi ni Andrea Angiolino, isang propesyonal na designer ng mga board game.