TAMPOK NA PAKSA
Mapagkakatiwalaan Mo ba ang News Media?
MARAMI ang duda sa kanilang nababasa at naririnig sa balita. Halimbawa, sa Estados Unidos, tinanong ng isang Gallup poll noong 2012 ang mga tao kung “gaano kalaki ang tiwala at kumpiyansa” nila na tama, patas, at kumpleto ang mga balita sa diyaryo, TV, at radyo. Ang sagot ng 6 sa 10 tinanong ay “hindi gaano” o “wala man lang.” Makatuwiran ba ang mga sagot na iyan?
Maraming journalist at mga organisasyong pinagtatrabahuhan nila ang nangangakong mag-uulat ng tama at kapaki-pakinabang na balita. Pero may dahilan pa ring mabahala. Tingnan ang sumusunod:
MEDIA MOGUL. Ang mga nangungunang media outlet ay pag-aari ng iilang malalaking korporasyon. Ang mga outlet na ito ang nagdidikta kung anong balita ang iko-cover, kung paano ito iko-cover, at kung gaano karaming publisidad ang ibibigay sa mga ito. Dahil ang habol ng karamihan sa mga korporasyon ay ang kumita, baka makaimpluwensiya ito sa desisyon ng mga media outlet. Puwedeng ibasura ang mga kuwentong hindi pagkakakitaan.
GOBYERNO. Karamihan sa ibinabalita ng media ay tungkol sa mga pulitiko at mga aktibidad ng gobyerno. Kinukumbinsi ng gobyerno ang publiko na suportahan ang kanilang mga patakaran at mga opisyal. At dahil sa gobyerno kumukuha ng impormasyon ang media, may mga panahong nagtutulungan ang mga journalist at ang mga tauhan ng gobyerno.
ADVERTISEMENT. Sa maraming lupain, ang mga media outlet ay kailangang kumita para magtuluy-tuloy ang kanilang negosyo, at galing sa mga advertisement ang malaking bahagi nito. Sa Estados Unidos, 50 hanggang 60 porsiyento ng kinikita ng mga magasin ay galing sa mga advertisement, 80 porsiyento naman sa kinikita ng diyaryo, at 100 porsiyento sa kinikita ng TV at radyo. Siyempre pa, ayaw ng mga advertiser na mag-sponsor ng mga programang makasisira sa kanilang mga produkto o pamamalakad. Kung hindi nila gusto ang ibinabalita ng isang news outlet, puwede silang mag-advertise sa iba. Dahil dito, baka hindi ilabas ng mga editor ang mga balitang makasisira sa mga sponsor.
PANDARAYA. Hindi lahat ng reporter ay tapat. May mga journalist na nag-iimbento ng maibabalita. Halimbawa, ilang taon na ang nakalilipas, isang reporter sa Japan ang gustong gumawa ng dokumentaryo kung paano sinisira ng mga diver ang mga korales sa Okinawa. Nang wala siyang makitang sirang korales, sinira niya mismo ang ilang korales at saka niya ito kinunan ng litrato. Puwede ring doktorin ang mga litrato para dayain ang publiko. Dahil sa teknolohiya, napakadali na ngayong baguhin ang mga litrato, at halos imposibleng mahalata ang mga ito.
PRESENTASYON. Gaano man katotoo ang impormasyon, depende sa journalist kung paano niya ito ihaharap. Aling impormasyon ang isasama sa balita at alin ang hindi? Halimbawa, baka natalo ang isang soccer team nang dalawang puntos. Iyan ang talagang nangyari. Pero puwedeng ipaliwanag ng isang journalist sa iba’t ibang paraan kung bakit natalo ang team.
PAGBABAWAS. Para makagawa ng isang kapana-panabik na balita, kadalasan nang inaalis ng mga journalist ang mga detalyeng nakalilito o mga isyung hindi pa nalulutas. Kaya naman may mga detalyeng pinalalaki at may pinaliliit. Kung minsan, mga isang minuto lang kailangang ibalita ng mga TV anchor at reporter ang isang komplikadong istorya, kung kaya baka makaligtaan nila ang mga importanteng detalye.
KOMPETISYON. Nitong nakalipas na mga dekada, habang dumarami ang istasyon ng TV, hindi na lang sa iisang istasyon nakatutok ang mga mánonoód. Kaya para hindi sila lumipat, napipilitan ang mga istasyon na magpalabas ng mga bagay na kakaiba o nakaaaliw. Ganito ang sabi ng aklat na Media Bias: “Ang mga balita [sa telebisyon] ay halos puro litrato na lang, mga larawang pinili para sindakin o panabikin ang mga tao, at mga kuwentong pinaikli para bumagay sa mainiping mga mánonoód.”
PAGKAKAMALI. Dahil ang mga journalist ay tao lang, nagkakamali sila nang di-sinasadya. Ang maling pagbaybay, maling paglalagay ng kuwit, maling gramatika
—lahat ng ito ay puwedeng magbigay ng ibang kahulugan sa pangungusap. Baka hindi maingat na nasusuri ang mga impormasyon. Puwede ring magkamali sa mga numero ang isang journalist na naghahabol sa deadline, at baka ang mai-type niya ay 10,000 sa halip na 100,000. MALING AKALA. Taliwas sa iniisip ng marami, hindi madaling maghatid ng tamang balita. Ang itinuturing na tama ngayon ay baka mapatunayang mali bukas. Halimbawa, pinaniniwalaan noon na ang lupa ang sentro ng ating solar system. Pero ngayon, alam na natin na ang lupa ay umiikot sa araw.
Maging Timbang
Bagaman hindi tamang paniwalaan ang lahat ng nababasa natin sa balita, hindi naman ibig sabihin na wala na tayong mapagkakatiwalaan. Ang mahalaga ay maging maingat tayo at panatilihing bukás ang ating isipan.
Sinasabi ng Bibliya: “Hindi ba sinusubok ng tainga ang mga salita kung paanong nilalasahan ng ngalangala ang pagkain?” (Job 12:11) Kung gayon, narito ang ilang tip na makatutulong para masubok ang mga salitang naririnig natin at nababasa:
TAGAPAGHATID: Ang balita ba ay nagmula sa isang tao o organisasyong maaasahan at may kredibilidad? Ang programa ba o publikasyon ay kilaláng tapat o mahilig sa kontrobersiya? Kanino nanggagaling ang pondo para sa mga source ng balita?
PINAGKUNAN: Talaga bang nagkaroon ng masusing pagre-research? Iisa lang ba ang source ng balita? Ang mga source ba ay mapagkakatiwalaan, patas, at walang kinikilingan? Ang mga ito ba ay timbang, o pinili para magsabi ng iisang punto de vista?
LAYUNIN: Tanungin ang sarili: ‘Ang pangunahing layunin ba ng balita ay para magbigay ng impormasyon o para mang-aliw? May ibinebenta ba ito o may sinusuportahan?’
TONO: Kapag ang tono ng balita ay galít, yamot, o masyadong mapamintas, nagpapahiwatig ito ng pag-atake at hindi ito makatuwiran.
PAGKAKATUGMA: Ang impormasyon ba ay katugma ng nasa ibang artikulo o report? Kapag nagkakasalungatan ang mga balita, mag-ingat!
NAPAPANAHON: Bago pa ba ang impormasyon para ito maging katanggap-tanggap? Ang isang bagay na itinuturing na tama 20 taon na ang nakalilipas ay baka pagdudahan na ngayon. Sa kabilang banda, kung ang isang balita ay kasalukuyan pang nagaganap, baka hindi pa kumpleto at komprehensibo ang impormasyon.
Kung gayon, mapagkakatiwalaan mo ba ang news media? May magandang payo ang matalinong si Solomon: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”