Pagmamasid sa Daigdig
Estados Unidos
Sa isang pag-aaral, halos sangkatlo ng mga tumatawid sa mga abaláng kalsada ang may pinagkakaabalahan—nakikinig sa musika, nakikipag-usap sa telepono, at iba pa. Ang pinakadelikadong pinagkakaabalahan ay ang pagte-text. Ang mga nagte-text ay 18-porsiyentong mas mabagal tumawid kaysa sa mga walang pinagkakaabalahan. At halos apat na ulit silang mas malamang na hindi sumunod sa traffic light, tumawid sa maling lugar, o tumawid nang hindi muna tumitingin sa kaliwa’t kanan.
Nigeria
Ang mga babaing ipinupuslit ng mga human trafficker mula sa Nigeria patungong Europa ay pinanunumpa sa mga dambana ng mangkukulam na juju para manahimik. Para maging sunud-sunuran ang mga babaing ito bilang mga sex slave, sinasamantala ng mga trafficker ang malaking takot ng mga ito na maparusahan ng mga espiritu.
Spain
Mula 5 hanggang 10 porsiyento ng mga matagal nang walang trabaho ang hindi naglalagay ng kanilang degree at propesyonal na karanasan sa kanilang résumé para hindi sila magmukhang overqualified.
Daigdig
Ang usok mula sa mga kalang de-kahoy ay itinuturing na pangunahing sanhi ng kamatayan sa papaunlad na mga bansa, kung saan apat na milyon katao ang namamatay taun-taon dahil sa mga sakit sa palahingahan na dulot ng usok. Sinasabi ng mga mananaliksik na ang nakalalasong kemikal mula sa kalang de-kahoy o de-uling ay kasintapang ng lasong nasa usok ng sigarilyo.