Ang Sekreto ng Painted Lady
ANG mga taga-Europa ay matagal nang humahanga sa makukulay na paruparong painted lady (Vanessa cardui) at nag-iisip kung ano ang nangyayari sa mga ito kapag tapos na ang tag-araw. Basta na lang ba namamatay ang mga ito kapag lumamig na ang panahon? May pambihirang kuwento na isinisiwalat ang bagong pagsasaliksik. Naglalakbay pala ang mga paruparong ito taun-taon mula hilagang Europa hanggang Aprika.
Pinagsama ng mga mananaliksik ang resulta ng sopistikadong radar at ang libu-libong ulat ng mga nakakita sa mga paruparong ito sa Europa. Ipinakikita ng mga resulta na sa pagtatapos ng tag-araw, milyun-milyong painted lady ang naglalakbay patimog, na karamihan ay sa taas na mahigit 500 metro kung kaya halos hindi sila nakikita ng mga tao. Ang mga paruparo ay naghihintay ng tamang hangin na sasabayan nila sa katamtamang bilis na 45 kilometro bawat oras papuntang Aprika. Ang kanilang taunang paglalakbay ay umaabot nang hanggang 15,000 kilometro, mula sa Artiko sa hilaga hanggang sa tropikal na Kanlurang Aprika sa timog. Ang nilalakbay nila ay halos doble ng nilalakbay ng monarch butterfly ng Hilagang Amerika. Anim na sunud-sunod na henerasyon ng mga painted lady ang kailangan para makumpleto ang round-trip na paglalakbay.
Ganito ang paliwanag ni Propesor Jane Hill ng University of York sa England: “Ang Painted Lady ay patuloy na naglalakbay, nagpaparami, at nagpapalipat-lipat.” Dahil dito, nakapagpapabalik-balik sila sa hilagang Europa at Aprika taun-taon.
“Ang munting nilalang na ito na wala pang isang gramo ang timbang, sinliit lang ng ulo ng aspile ang utak, at walang pagkakataong matuto mula sa mas matanda at makaranasang paruparo ay nakapandarayuhan sa mga kontinente,” ang sabi ni Richard Fox, surveys manager sa Butterfly Conservation. Sinabi rin ni Fox na dating inakala ng mga tao na ang insektong ito ay inililipad lang ng hangin kung saan-saan hanggang sa mamatay dahil sa taglamig sa Britanya. Pero “ipinakikita [ng pag-aaral na ito] na ang mga Painted Lady ay mahuhusay na manlalakbay.”