Pagmamasid sa Daigdig
Timugang Bahagi ng Sahara sa Aprika
Ayon sa isang report ng UNICEF tungkol sa timugang bahagi ng Sahara sa Aprika, “38 porsiyento lang ng mga batang wala pang 5 taon ang may birth certificate.” Pero sa ilang lugar doon, “mahalagang mairehistro ang kapanganakan ng mga bata para mabigyan sila ng serbisyong pangkalusugan at edukasyon, at para makatanggap ng mana ang mga ulila mula sa kanilang mga magulang,” ang sabi ni Elke Wisch, deputy regional director ng UNICEF para sa silangan at timugang Aprika.
Italy
Ayon sa isang surbey, ang pinakakaraniwang kinatatakutan ng mga tin-edyer na Italyano ay ang cyberbullying. Sa mga kabataang 12 hanggang 17 anyos, 72 porsiyento ang nagsabing takót na takót sila rito. Mas marami sila kumpara sa mga takót mabiktima ng droga (55 porsiyento), mamolestiya ng adulto (44 na porsiyento), o magkaroon ng sakit na naililipat sa pagtatalik (24 na porsiyento).
Japan
Ayon sa report ng The Japan Times, dumarami ang mga kabataang Hapones na ayaw tumanggap ng promosyon sa trabaho. Apatnapung porsiyento ang nadidismaya dahil sa kawalan ng etika at sobrang pandaraya. Maraming empleado ang hindi makapagsabi ng kanilang opinyon o malayang makipag-usap sa kanilang mga boss. Noon, kinakatandaan na ng mga empleado ang kanilang trabaho. Pero ngayon, 60 porsiyento ng mga kabataan ang nananatili lang sa kanilang trabaho dahil wala pang dumarating na mas magandang oportunidad.
Brazil
Mula 1980 hanggang 2010, halos 800,000 katao sa Brazil ang namatay dahil sa baril. Mahigit 450,000 biktima ang nasa edad 15 hanggang 29. Ipinakikita ng isang pag-aaral kamakailan na ang mga pagpatay ay kadalasan nang resulta ng pag-aaway sa tahanan, alitan ng magkakapitbahay, selos, o pagtatalo ng mga drayber.