Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Espiritismo

Espiritismo

Mali bang makipag-ugnayan sa mga patay?

“Huwag kayong babaling sa mga espiritista . . . anupat magiging marumi sa pamamagitan nila.”—Levitico 19:31.

ANG SINASABI NG MGA TAO

Natural lang na gustong matiyak ng mga tao na hindi nagdurusa ang kanilang namatay na mahal sa buhay. Kaya naman sinasabi nila: “Subukan kaya nating makipag-ugnayan sa kaniya sa tulong ng isang psychic, o espiritista. Baka makapagbigay ng impormasyon ang espiritista at sa gayo’y mapanatag tayo.”

ANG SABI NG BIBLIYA

May binabanggit ang Bibliya tungkol sa pagtatangka ng mga buháy na makipag-ugnayan sa mga patay—isang karaniwang gawain noong sinaunang panahon. Halimbawa, ganito ang sabi ng Kautusan ng Diyos na Jehova sa bansang Israel: “Huwag masusumpungan sa iyo ang sinumang . . . sumasangguni sa espiritista o . . . sumasangguni sa patay. Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova.” (Deuteronomio 18:10-12) Sinasabi rin ng Bibliya na ang nagsasagawa ng anumang anyo ng espiritismo ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—Galacia 5:19-21.

 May impluwensiya ba sa mga buháy ang mga patay?

“Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.”—Eclesiastes 9:5.

ANG SINASABI NG MGA TAO

Marami ang nagsasabing ang mga patay ay patuloy na nabubuhay, pero sa ibang anyo. Kaya baka subukan nilang makipag-usap sa mga patay, marahil para makakuha ng impormasyon o payapain ang namatay para hindi nito gambalain ang mga buháy.

ANG SABI NG BIBLIYA

“Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran . . . Ang kanilang pag-ibig at ang kanilang poot at ang kanilang paninibugho [na nadama nila noong sila’y nabubuhay pa] ay naglaho na.” (Eclesiastes 9:5, 6) Oo, itinuturo ng Bibliya na ang mga patay ay talagang patay na! Hindi na nila kayang mag-isip, kumilos, o sumamba pa nga sa Diyos. “Ang mga patay ay hindi pumupuri [sa Diyos], ni ang sinumang bumababa sa katahimikan [ng kamatayan],” ang sabi ng Awit 115:17.

Hindi ba’t nagbibigay rin kung minsan ng tamang impormasyon ang mga espiritista?

“Dapat bang sumangguni [ang mga tao] sa mga patay para sa mga buháy?”—Isaias 8:19.

ANG SINASABI NG MGA TAO

Ayon sa ilan, ang mga espiritista ay nakapagbibigay ng impormasyon na tanging ang mga patay lang at ang kanilang kapamilya o kaibigan ang nakaaalam.

ANG SABI NG BIBLIYA

Mababasa sa 1 Samuel kabanata 28 kung paano nilabag ng di-tapat na haring si Saul ang utos ng Diyos na huwag sumangguni sa mga espiritista. Nakiusap siya sa isang espiritista, isang babae na diumano’y kayang makipag-usap sa patay nang propeta ng Diyos na si Samuel! Pero talaga nga bang nakausap niya ito? Hindi! Ang totoo, ang kausap niya ay isang impostor na nagpapanggap na si Samuel.

Ang impostor na ito ay isang masamang espiritu, isang kampon ng “ama ng kasinungalingan”—si Satanas. (Juan 8:44) Bakit pinalalabas ng masasamang espiritu, o mga demonyo, na buháy pa rin ang mga patay? Gusto kasi nilang siraan ang Diyos at ang kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya.—2 Timoteo 3:16.

Ibig bang sabihin niyan, wala nang pag-asa ang mga patay? Hindi naman! Nangangako ang Bibliya na bubuhaying muli ang mga ‘natutulog’ sa kamatayan. * (Juan 11:11-13; Gawa 24:15) Samantala, makatitiyak tayo na hindi nagdurusa ang ating mga mahal sa buhay.

^ par. 16 Ang kabanata 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? ay pinamagatang “Ang Tunay na Pag-asa Para sa Iyong Namatay na mga Mahal sa Buhay.”