Pagmamasid sa Daigdig
Estados Unidos
“Sa bawat empleadong naninigarilyo, ang isang pribadong kompanya . . . ay nagkakagastos ng karagdagang $5,816 taun-taon kumpara sa empleadong di-naninigarilyo,” ang sabi sa report ng New York Times. Ayon sa impormasyong nakolekta ng mga researcher sa Ohio State University, ang karagdagang gastos na ito ay resulta ng pagbe-break para manigarilyo, mas malaking gastos para sa pangangalaga sa kalusugan, at madalas na pag-absent. Ang isa pang dahilan ay ang pagiging di-produktibo ng empleado, malamang na dahil sa mga epektong nararanasan niya kapag hindi nakapanigarilyo.
Italy
“Dahil hindi ginagawa ng mga pastor at ng mga mananampalataya ang kanilang sinasabi, at hindi rin nakikita sa kanilang buhay ang kanilang ipinangangaral, nasisira ang kredibilidad ng Simbahan.”—Pope Francis.
Malaysia
Nasabat ng mga awtoridad sa Malaysia ang 24 na tonelada ng kontrabandong ivory, o garing—mahigit 1,000 pangil ng elepante—na nakatago sa dalawang kargamento ng mahogany. Ayon sa mga conservationist, ito ang pinakamaraming nasabat na ivory. Ang kargamento ay nanggaling sa Togo at dadalhin sana sa China.
Aprika
Ayon sa 2012 report ng World Health Organization, 63 porsiyento ng kamatayan ay dahil sa nakahahawang sakit—pangunahin na ang HIV/AIDS, sakit na nauugnay sa diarrhea, malarya, tuberkulosis, at mga sakit na pambata.
Australia
Ang mga simulated-gambling app (application) para sa mga smartphone at iba pang gadyet ay nagiging popular sa mga bata. May ilang app na parang totoong laro sa casino pero mas madaling ipanalo. Nagbababala ang isang report ng gobyerno na dahil sa mga larong ito, baka maging normal na lang sa mga bata ang pagsusugal “at baka maging sugarol sila paglaki nila.”