MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Reproductive System ng Gastric Brooding Frog
ANG gastric brooding frog ng Australia, na inaakalang naubos na noong 2002, ay may kakaibang paraan ng pag-aanak. Nilulunok ng babaing palaka ang kaniyang mga pertilisadong itlog at ini-incubate sa kaniyang tiyan sa loob ng mga anim na linggo. Di-magtatagal, ang mga itlog na ito ay magiging palaka at lalabas sa kaniyang bibig.
Para hindi matunaw ang mga itlog habang nasa tiyan niya, hindi siya dapat kumain at hindi rin siya dapat mag-produce ng acid. Lumilitaw na ang mga itlog at maliliit na palaka ay naglalabas ng mga kemikal na nakapipigil sa pagpo-produce ng acid.
Ang palaka ay nangingitlog ng mga dalawang dosena. Sa panahon ng panganganak, halos 40 porsiyento ng kaniyang bigat ay dahil sa kaniyang mga anak. Para itong isang babaeng tumitimbang nang 68 kilo at may ipinagbubuntis na 24 na sanggol na tig-1.8 kilo ang timbang! Dahil sa mga anak na ito ng palaka, nababanat nang husto ang tiyan niya, anupat naiipit ang bagà niya, kung kaya humihinga na lang siya sa kaniyang balat.
Karaniwan nang lumalabas ang maliliit na palaka sa loob ng ilang araw kapag handa na sila. Pero kapag nakaramdam ng panganib ang inang palaka, iluluwa na niya ang mga ito. Minsan, napagmasdan ng mga mananaliksik ang isang palakang nagbuga ng anim na anak, anupat tumalsik ang mga ito nang mga isang metro ang taas.
Sinasabi ng ilan na ang reproductive system ng gastric brooding frog ay resulta ng ebolusyon. Pero yamang ang reproductive system nito ay nakadepende sa pisikal na kayarian at sa paggawi nito, ang malalaking pagbabago na kailangan para maging epektibo ang pag-e-evolve ng karaniwang palaka tungo sa pagiging gastric brooding frog ay dapat mangyari nang minsanan. Pero sinasabi ng teoriya ng ebolusyon na ang mga pagbabagong kailangan para makabuo ng bagong species ay nangyayari nang dahan-dahan. Kaya naman, may mga nagsasabi na imposibleng kusang nag-evolve ang species na ito, kundi may lumalang dito. *
Ano sa palagay mo? Ang reproductive system ba ng gastric brooding frog ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?
^ par. 7 Sa kaniyang aklat na Origin of Species, sinabi ni Charles Darwin: “Ang natural selection ay nangyayari sa pamamagitan ng bahagya at sunod-sunod na pagbabago; hindi ito puwedeng mangyari sa isang . . . lukso.”