Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Estados Unidos

May panahon noong 2012 na 14.5 porsiyento ng mga sambahayan sa Estados Unidos—49 na milyon katao sa kabuuan—ang “di-sigurado kung makakakuha sila, o talagang di-nakakuha, ng sapat na pagkain para sa pangangailangan ng kanilang buong pamilya,” ayon sa estadistika ng Department of Agriculture.

Spain

Sa isinagawang pag-aaral sa mga estudyante sa unibersidad, mga 56 na porsiyento ng mga babae at 41 porsiyento ng mga lalaki ang umaming nasangkot sila sa binge drinking, na ayon sa pag-aaral na ito ay ang pag-inom ng di-bababa sa walong baso ng alak (para sa mga lalaki) o anim na baso (para sa mga babae) sa isang upuan lang.

Karagatang Pasipiko

Natuklasan ng mga siyentipikong kumuha ng sampol sa lalim na mga 11,000 metro ng Mariana Trench na napakaraming baktirya at iba pang mikrobyo ang nabubuhay roon—sa kabila ng pusikit na kadiliman, matinding presyon, at halos nagyeyelong temperatura. Ipinapalagay noon na walang gaanong mabubuhay sa gayon kalalim na lugar.

United Arab Emirates

Para mapigilan ang pagdami ng kaso ng obesity, ang mga awtoridad sa Dubai ay nag-alok kamakailan sa mga residente nito ng isang gramo ng ginto, na nagkakahalaga noon ng mga $45 (U.S.), kapalit ng bawat isang kilo na mababawas sa timbang ng mga ito. Para makuha ang ginto, ang mga residente ay kailangang magpalista at saka magbawas ng di-bababa sa dalawang kilo sa buwan ng Ramadan.