Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA | KAPAG NAGKAROON NG TRAHEDYA—PAANO MO ITO HAHARAPIN?

Pagkakasakit

Pagkakasakit

Si Mabel, taga-Argentina, ay napakaaktibo at nagtatrabaho bilang physical-rehabilitation therapist. Noong 2007, nagsimula siyang makaramdam ng sobrang pagkapagod at matinding pananakit ng ulo araw-araw. “Ilang doktor ang pinuntahan ko at sinubukan ang lahat ng uri ng gamot,” ang sabi niya, “pero walang nangyari.” Nang bandang huli, nagpa-MRI scan si Mabel at natuklasang may tumor siya sa utak. Sinabi niya: “Natigilan ako. Hindi ako makapaniwala!

“Nalaman ko lang kung gaano kalubha ang sakit ko nang magpaopera ako. Nang magising ako sa intensive care, hindi ako makagalaw. Nakatitig lang ako sa kisame. Bago ako maoperahan, napakaaktibo ko at independent. ‘Tapos ngayon, hindi na ako makakilos. Habang nasa intensive care, litong-lito ako at walang naririnig kundi ingay ng mga aparato, alarm, at daing ng ibang mga pasyente. Pakiramdam ko, punong-puno ng paghihirap ang paligid ko.

“Medyo magaling na ako ngayon. Nakakapaglakad na ako nang walang alalay at nakakaalis na rin ako ng bahay nang mag-isa kung minsan. Pero doble pa rin ang paningin ko at wala pa ring koordinasyon ang mga kalamnan ko.”

PAGHARAP SA TRAHEDYA

Maging positibo. Sinasabi ng Bibliya sa Kawikaan 17:22: “Ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling, ngunit ang bagbag na espiritu ay tumutuyo ng mga buto.” Naaalaala pa ni Mabel: “Habang nagpapagaling ako, naranasan ko ang dinanas ng mga pasyente ko noon. Napakasakit ng mga ehersisyong ipinagagawa sa akin, at kung minsan parang gusto ko nang sumuko. Pilit kong inaalis sa isip ang pagiging negatibo dahil alam kong maganda ang kahihinatnan ng pagsisikap ko.”

Magpokus sa mga bagay na magbibigay sa iyo ng pag-asa para matiis mo ang kalagayan mo. “Nalaman ko mula sa Bibliya kung bakit may mga trahedya,” ang sabi ni Mabel. “Pero alam ko rin na sa bawat araw na lumilipas, palapít tayo nang palapít sa panahong mawawala na ang kirot magpakailanman.” *

Tandaan na ang Diyos ay nagmamalasakit sa iyo bilang indibiduwal. (1 Pedro 5:7) Naaalaala pa ni Mabel kung paano ito nakatulong sa kaniya: “Nang ipasok ako sa operating room, napatunayan ko ang sinabi ng Diyos sa Isaias 41:10: ‘Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo.’ Napanatag ako dahil alam kong may malasakit sa akin ang Diyos na Jehova.”

Alam mo ba? Itinuturo ng Bibliya na darating ang panahon, hindi na magkakasakit ang mga tao.Isaias 33:24; 35:5, 6.