Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA | KAPAG NAGKAROON NG TRAHEDYA—PAANO MO ITO HAHARAPIN?

Pagkawala ng Ari-arian

Pagkawala ng Ari-arian

Noong Biyernes, Marso 11, 2011, isang 9.0 magnitude na lindol ang tumama sa Japan, na kumitil ng mahigit 15,000 katao at nagdulot ng pinsalang nagkakahalaga ng mahigit $200 bilyon (U.S.). Nang marinig ng 32-anyos na si Kei ang babalang magkakaroon ng tsunami, pumunta siya sa mas mataas na lugar. “Kinaumagahan, bumalik ako sa bahay para kunin ang anumang puwede kong makuha,” ang sabi niya, “pero natangay lahat ang gamit ko, pati apartment ko. Pundasyon na lang ang natira.

“Natigilan ako. Hindi lang pala paisa-isang bagay ang nawala, kundi lahat-lahat—ang kotse ko; mga computer na gamit ko sa trabaho; mga mesa, upuan, at sofa na ginagamit ko para sa mga bisita; ang keyboard ko, gitara, ukulele, at flute; ang mga gamit ko sa pagpipinta; lahat ng painting at drowing ko.”

PAGHARAP SA TRAHEDYA

Magpokus sa mga bagay na nasa iyo pa at hindi sa mga bagay na nawala na. Sinasabi ng Bibliya: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Sinabi ni Kei: “No’ng una, gumawa ako ng listahan ng lahat ng gusto ko, pero ipinaalaala lang nito ang mga nawala sa akin. Kaya inilista ko na lang y’ong mga bagay na talagang kailangan ko, at sa tuwing magkakaroon ako ng alinman sa mga ito, ina-update ko ang listahan ko. Nakatulong ito para maka-move on ako.”

Sa halip na magmukmok, gamitin ang karanasan mo para aliwin ang iba. “Ang dami kong natanggap na tulong mula sa gobyerno at mga kaibigan, pero dahil panay lang ang tanggap ko, nawala ang paggalang ko sa aking sarili,” ang sabi ni Kei. “Naalaala ko ang sinabi ng Bibliya sa Gawa 20:35 na ‘may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.’ Dahil wala naman akong materyal na bagay na maibibigay, nakipag-usap na lang ako sa ibang biktima ng kalamidad, at pinatibay ko sila. Nakatulong ito sa akin nang malaki.”

Manalangin sa Diyos na bigyan ka ng praktikal na karunungan para maharap ang iyong sitwasyon. Nagtiwala si Kei sa sinasabi ng Bibliya na “babaling [ang Diyos] sa panalangin ng mga sinamsaman ng lahat ng bagay.” (Awit 102:17) Maaari mo ring gawin iyan.

Alam mo ba? Inihuhula ng Bibliya na darating ang panahon, wala nang sinuman ang mag-aalalang mawalan ng mga ari-arian dahil sa kalamidad. *Isaias 65:21-23.

^ par. 9 Para malaman ang layunin ng Diyos sa lupa, tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.