Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Mga Panaginip Mula sa Diyos

Mga Panaginip Mula sa Diyos

Gumamit ba ang Diyos ng mga panaginip para makausap ang mga tao?

“[Ang propeta ng Diyos na] si Daniel ay nakakita ng isang panaginip . . . sa kaniyang higaan. Sa pagkakataong iyon ay isinulat niya ang panaginip. Ang buong ulat ng mga bagay ay isinalaysay niya.”—Daniel 7:1.

ANG SABI NG BIBLIYA

Gumamit ang Diyos ng iba’t ibang paraan para ipaabot sa mga tao ang mahahalagang mensahe. Noong panahon ng Bibliya, gumagamit siya ng mga panaginip paminsan-minsan. Pero ang mga ito ay hindi katulad ng ordinaryong mga panaginip na malabo at walang katuturan. Ang mga panaginip mula sa Diyos ay malinaw at lohikal, at espesipiko ang mensahe ng mga ito. Halimbawa, sa isang panaginip, nakakita si propeta Daniel ng sunod-sunod na mga hayop na sumasagisag sa politikal na mga imperyo pasimula sa Babilonya hanggang sa ngayon. (Daniel 7:1-3, 17) Sa pamamagitan ng panaginip, sinabihan ng Diyos si Jose ng Nazaret, ama-amahan ni Jesus, na pumunta sa Ehipto kasama ang kaniyang asawa at anak. Dahil dito, nakaligtas si Jesus sa kamay ng malupit na haring si Herodes. Nang mamatay si Herodes, ipinaalám ito ng Diyos kay Jose sa pamamagitan ng panaginip, at pinabalik sila sa sarili nilang lupain.—Mateo 2:13-15, 19-23.

 Gumagamit pa ba ang Diyos ng mga panaginip para makipag-usap sa atin?

“Huwag higitan ang mga bagay na nakasulat.”—1 Corinto 4:6.

ANG SABI NG BIBLIYA

Ang mga panaginip na nakaulat sa Bibliya ay bahagi ng nasusulat na pagsisiwalat ng Diyos sa mga tao. Tungkol sa pagsisiwalat na iyan, sinasabi ng 2 Timoteo 3:16, 17: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”

Tayo ay ‘lubusang sinasangkapan’ ng Bibliya sa pamamagitan ng pagsisiwalat sa atin ng lahat ng kailangan nating malaman tungkol sa Diyos, sa kaniyang mga katangian, sa kaniyang mga pamantayang moral, at sa ating dako sa kaniyang layunin para sa lupa. Kaya naman hindi na gumagamit ang Diyos ng mga panaginip para magpaabot ng mensahe sa mga tao. Kung gusto nating malaman ang mangyayari sa kinabukasan at ang inaasahan ng Diyos na gagawin natin, hindi natin dapat “higitan ang mga bagay na nakasulat”—samakatuwid nga, ang nasusulat sa Bibliya. Bukod diyan, makukuha ng halos lahat ng tao ang aklat na ito at mapag-aaralan nila ang maraming pagsisiwalat nito mula sa Diyos, pati na ang mga panaginip.

Bakit ka makapagtitiwala sa mga panaginip at pangitaing nakaulat sa Bibliya?

“Ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.”—2 Pedro 1:21.

ANG SABI NG BIBLIYA

Maraming panaginip at pangitaing nakaulat sa Bibliya ang humuhula ng mangyayari sa hinaharap. Sa pagsulat sa mga hulang ito, itinaya ng mga manunulat ng Bibliya ang kredibilidad nila at ng Kasulatan. Napatunayan bang tumpak ang mga isinulat nila? Tingnan natin ang isang halimbawa—ang pangitaing nasa Daniel 8:1-7, na iniulat noong malapit nang magwakas ang Imperyo ng Babilonya.

Ang hula, na makasagisag, ay tungkol sa barakong tupa at sa lalaking kambing na nagpabagsak dito. Hindi na kinailangang hulaan ni Daniel ang kahulugan ng pangitain. Isang mensaherong anghel ng Diyos ang nagsabi: “Ang barakong tupa . . . na may dalawang sungay ay kumakatawan sa mga hari ng Media at Persia. At ang mabalahibong kambing na lalaki ay kumakatawan sa hari ng Gresya.” (Daniel 8:20, 21) Pinatutunayan ng kasaysayan na hinalinhan ng Medo-Persia ang Babilonya bilang kapangyarihang pandaigdig. Pagkalipas naman ng mga dalawang daang taon, bumagsak ang Medo-Persia sa kamay ni Alejandrong Dakila ng Gresya. Ganiyan kaeksakto ang mga hula sa Bibliya, pati na ang mga makahulang panaginip. Isa lang ito sa mga dahilan kung bakit ang Bibliya ay ibang-iba sa lahat ng iba pang sagradong aklat. Kaya naman dapat lang na magtiwala tayo rito.

Ang mga panaginip na nakaulat sa Bibliya ay malinaw at lohikal, at espesipiko ang mensahe ng mga ito