Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA

Paano Tayo Makikipagpayapaan?

Paano Tayo Makikipagpayapaan?

Magkaibigan ang magkapitbahay na sina Frank at Jerry. Pero minsan, nagkaroon ng party kina Jerry na inabot nang hatinggabi. * Nang ireklamo ni Frank ang ingay, nagalit si Jerry. Nagtalo sila. Mula noon, nag-iwasán na sila.

PANGKARANIWAN lang ang problema nina Frank at Jerry. Kapag nagkaroon ng di-pagkakaunawaan ang dalawang tao, madalas na naghihiwalay silang parehong galít, at baka nga sinisisi pa ang isa’t isa. Kung magmamatigas sila, baka tuluyan nang masira ang kanilang pagkakaibigan.

Nakaranas ka na rin siguro ng ganiyan. Malamang na hindi mo gustong mangyari iyon! Ang totoo, gusto ng karamihan sa atin na mapanatili ang mapayapang ugnayan sa ating mga kaibigan at kapitbahay. Pero paano natin iyon magagawa kahit may paminsan-minsang di-pagkakaintindihan? Kaya ba nating daigin ang negatibong saloobin at patawarin na lang ang mga nakasakit sa atin? Kaya ba nating lutasin ang mga di-pagkakaunawaan nang hindi nakikipag-away?

Tingnan natin ang nangyari kina Frank at Jerry. Nagsimulang masira ang pagkakaibigan nila dahil sa ilang maling hakbang: (1) hindi naging makonsiderasyon si Jerry, (2) ipinakita ni Frank ang pagkainis sa paraang nakagalit kay Jerry, (3) pareho silang hindi nakapagtimpi, at (4) parehong ayaw magpatalo.

Pero nang bandang huli, natauhan din sila. Kinalimutan nila ang nangyari at nagbatî. Ano ang nakatulong sa kanila? Sinunod nila ang ilang praktikal na simulaing nakatulong sa maraming magkakaibigan na malampasan ang mga problema at lalo pang mapatibay ang ugnayan.

Ang mga simulaing iyon ay makikita sa pinakamalaganap na aklat sa daigdig—ang Bibliya. Hinihimok tayo nito na linangin ang mga katangiang nagtataguyod ng kapayapaan at nagpapahilom sa nasugatang damdamin—mga katangiang gaya ng kaunawaan, kabaitan, pag-ibig, at pagtitiis.—Kawikaan 14:29; 1 Corinto 13:4, 5.

Sina Frank at Jerry ay dalawa lang sa mga halimbawa ng kapangyarihan ng Bibliya  na magpabago sa buhay ng mga tao. Marami rin ang nagtagumpay na mabago ang mga pangit na ugaling nag-ugat na sa kanila. Halimbawa, napagtagumpayan ni Robert, na taga-Australia, ang pagiging magagalitin. Nagawa namang kalimutan ni Nelson, na taga-Timor-Leste, ang matinding galit sa kaaway niya at naging matalik na kaibigan pa nga niya ito. Paano natulungan ng Bibliya sina Robert at Nelson? Para malaman ang sagot, ininterbyu sila ng Gumising!

INTERVIEW 1

ROBERT, kuwentuhan mo naman kami ng ilang bagay tungkol sa iyo.

Lumaki akong hindi masaya. Marahas kasi ang tatay ko at madalas niya akong bugbugin. May mga pagkakataon pa ngang iniiwan niya akong duguan at walang malay. Kaya naman naging magagalitin ako at marahas. Noong tin-edyer ako, nakadalawang taon ako sa isang reform school. Nang maglaon, nakagawa ako ng krimen kung kaya nakulong ako sa isang maximum-security prison. Nang makalaya ako, lumipat ako sa Australia para magbagong-buhay.

Si Robert ay lumaking magagalitin at marahas at nakulong pa nga

Nakatulong ba sa iyo ang paglipat mo?

Hindi naman talaga y’ong paglipat ang nakatulong sa akin kundi ang Bibliya, na pinag-aralan ko sa tulong ng mga Saksi ni Jehova. Pero siyempre, hiráp pa rin akong kontrolin ang galit ko kaya naman madalas akong naiinis sa sarili ko at naiisip kong wala akong kuwentang tao. ’Tapos minsan, pinag-isipan ko ang Kawikaan 19:11, na nagsasabi: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at kagandahan sa ganang kaniya na palampasin ang pagsalansang.” Dahil gusto kong magkaroon ng gayong kaunawaan, sinimulan kong pag-isipan kung ano ang nasa likod ng ating sinasabi, ikinikilos, at nadarama. Dahil diyan, unti-unti akong naging maunawain, matiisin, at mapagpatawad.

Puwede ka bang magbigay ng halimbawa?

Minsan, nasaktan ko ang damdamin ng kaibigan ko. Nagalit siya at kinompronta ako sa harap ng iba. Napahiya talaga ako! Pero naalaala ko ang payo ng Bibliya na “huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama,” kaya agad akong humingi ng tawad. (Roma 12:17) Nang lumamig na ang ulo niya, kinausap ko siya at nalaman kong may problema pala sila sa pamilya. Nagkaayos kami, at nang maglaon, niregaluhan niya ako ng isang magandang kapote. Kinikilabutan ako sa tuwing maiisip ko ang maaari sanang nangyari kung marahas pa rin ako.

Ano’ng ginagawa mo kapag may problema sa pamilya?

Kaming mag-asawa ay may 20-anyos na anak na lalaki. Gaya ng ibang pamilya, nagkakaroon din kami ng mga di-pagkakaunawaan. Pero marami akong natutuhan sa Bibliya, gaya ng kahalagahan ng pagsasabi ng, “Sorry.” Ang laki pala ng nagagawa ng salitang ’yan! Kapag sincere ka sa pagsasabi niyan, naiiwasan o humuhupa ang tensiyon.

 INTERVIEW 2

NELSON, palangiti ka at palakaibigan. Pero dati ay punong-puno ka ng galit, tama ba?

Oo! Noong bata pa ako, sumama ako sa isang politikal na grupong laban sa gobyerno. Galít din ako sa isang partido politikal na karibal namin sa aming distrito. Para maging mas mahusay sa pakikipaglaban, nag-aral ako ng martial arts, at binubugbog ko ang sinumang nagpapagalit sa akin.

Noong bata pa si Nelson, sumama siya sa isang politikal na grupong laban sa gobyerno

Ano ang nagpabago sa iyo?

Nag-aral ako ng Bibliya at sinunod ko ang mga itinuturo nito. May dalawang teksto na talagang nakaantig ng puso ko. Una: “Lahat ng mga bagay . . . na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Ikalawa: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Nang makipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi, naobserbahan kong nagpapakita sila ng ganiyang pag-ibig, anuman ang kanilang lahi o pinagmulan. Gusto ko silang tularan. At mukha namang nagawa ko iyon, kasi humanga ang mga dating nakakakilala sa akin at hindi na sila takót sa akin.

May pagkakataon bang naging marahas ka ulit?

Oo, hindi nga lang sa publiko. Kung minsan, hiráp pa rin akong kontrolin ang galit ko kapag nasa bahay. Sa katunayan, nagalit ako minsan sa asawa ko at napagbuhatan ko siya ng kamay. Sising-sisi ako! Pero pinatawad naman niya ako, kaya mas naging determinado akong kontrolin ang aking emosyon.

Ang sabi mo, hindi na takót sa iyo ang mga tao. Puwede ka bang magbigay ng halimbawa?

Oo. Minsan, nakita ko ang isang prominenteng miyembro ng karibal naming politikal na grupo na binanggit ko kanina. Ang pangalan niya ay Augusto. No’ng una, ingat na ingat siya. Pero binati ko siya. Sinabi kong kalimutan na namin ang nangyari noon, at inanyayahan ko siya sa bahay namin. Pumayag naman siya at humanga sa laki ng ipinagbago ko, kung kaya nag-aral din siya ng Bibliya. Ngayon, hindi lang kami matalik na magkaibigan ni Augusto, magkapatid na rin kami sa espirituwal.

 “Makipagpayapaan Kayo sa Lahat ng Tao”

Iba-iba ang dahilan ng mga di-pagkakaunawaan, at may mga hindi tutugon sa pagsisikap mong makipagpayapaan. Kaya naman makatuwiran ang payo ng Bibliya: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”—Roma 12:18.

Ang mga taong binanggit sa artikulong ito ay buháy na patotoo na talagang mabisa ang karunungang nasa Bibliya—na may kapangyarihan itong itiwarik kahit ang masasamang ugaling “matibay ang pagkakatatag.” (2 Corinto 10:4) Tungkol sa karunungang iyan, ganito ang sabi ng Kawikaan 3:17, 18: “Ang mga daan nito ay mga daan ng kaigayahan, at ang lahat ng landas nito ay kapayapaan. Ito ay punungkahoy ng buhay para sa mga tumatangan dito, at yaong mga nanghahawakan dito nang mahigpit ay tatawaging maligaya.”

Sina Nelson at Augusto, na dating magkaaway, ay magkaibigan na ngayon

Gusto mo bang maging mas maligaya at mapagpayapa? Gusto mo ba ng pakikipagkaibigang di-nasisira kahit mapaharap sa pagsubok? Kung oo, hayaang ipakita sa iyo ng Bibliya kung paano.

^ par. 3 Binago ang mga pangalan.