Lumilipad na mga Hardinero sa Tropikal na Kagubatan
ALAM ng mga hardinero na ang matagumpay na paghahalaman ay nakadepende sa paghahasik ng binhi sa tamang lugar at panahon. Bagaman parang nakapagtataka, ang ilan sa pinakaepektibong paghahasik sa kagubatan ay ginagawa sa gabi
Pagkakalat ng Binhi
Karamihan sa mga fruit bat ay lumilipad sa kagubatan kung gabi para maghanap ng mga punong may masasarap na bunga o bulaklak na mayaman sa nektar. Habang lumilipad, tinutunaw ng mga paniking ito ang kinaing prutas at idinudumi ang mga sapal at buto na di-natunaw. Para makumpleto ang paghahalaman nila, nagpo-pollinate din sila ng mga bulaklak habang sinisipsip ang nektar na gustong-gusto nila.
Dahil malayo ang nararating ng mga fruit bat sa gabi, naikakalat nila nang husto ang mga binhi. At dahil ang ilang buto ay sumasama sa kanilang dumi, mayroon na itong “fertilizer” na nakatutulong para tumubo ito. Kaya hindi kataka-taka na iba’t ibang halaman sa kagubatan ang nakadepende sa mga paniki para ma-pollinate ang mga bulaklak nito at maikalat ang mga buto nito.
Sa layo ng kanilang nilalakbay, kailangan ng mga fruit bat ang husay sa nabigasyon at talas ng paningin. Mas nakakakita sila sa dilim kumpara sa tao. Nakikita pa nga nila ang ilang kulay. At nakalilipad sila sa araw man o sa gabi.
Pagpapamilya
Sa buong buhay ng Samoan flying fox (Pteropus samoensis), iisa lang ang asawa nito. Sa ilang uri ng paniki, naobserbahan na ang babae ay maalaga sa kaniyang mga anak, anupat dala-dala ito sa loob ng ilang linggo at pinasususo hanggang sa halos adulto na ito. May dalawang uri naman ng fruit bat na ang babae ay nagpapatulong sa kapuwa niya babae kapag nanganganak.
Nakalulungkot, maraming fruit bat ang nanganganib nang maubos dahil na rin sa pagsira sa kanilang likas na tirahan. Sa mga isla sa South Pacific, ang pagkaubos ng mga fruit bat ay magdudulot ng malaking pinsala dahil may ilang uri ng halaman doon na baka hindi ma-pollinate kung walang mga paniki. Maliwanag, hindi dapat maliitin ang nagagawa ng lumilipad na mga hardinerong ito.
^ par. 2 Ang mga Old World fruit bat ay matatagpuan sa Aprika, Asia, Australia, at ilang isla sa Pasipiko.