TULONG PARA SA PAMILYA | KABATAAN
Kung Paano Lalabanan ang Tukso
ANG HAMON
“Kung minsan, may mga babaeng humihingi ng phone number ko at gustong makipag-‘hook up’ sa ‘kin. Tumatanggi ako at lumalayo na lang. Pero naiisip-isip ko rin, ‘Ano kaya kung ibinigay ko ang number ko?’ Sa totoo lang, ang gaganda ng ilan sa kanila. Madaling isiping ‘Bakit nga ba hindi?’ ”
—Carlos, * 16.
Gaya ni Carlos, nakikipaglaban ka rin ba sa tukso? Kung oo, puwede kang manalo.
ANG DAPAT MONG MALAMAN
Puwedeng matukso ang lahat
Pinatitindi ng media ang tukso. Binabanggit ng Bibliya ang “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.” Ito mismo ay matindi na. (2 Timoteo 2:22) Pero lalo pa itong pinatitindi ng mga pelikula, TV, musika, at mga aklat na pangkabataan dahil ipinakikita ng mga ito na okey lang na madala sa tukso ang isa. Halimbawa, kung ‘nagmamahalan’ ang dalawang karakter sa pelikula, tiyak na mauuwi iyon sa sex. Pero sinasabi ng Bibliya na sa totoong buhay, ang mga lalaki at babae ay may kakayahang “umiwas mula sa mga pagnanasa ng laman.” (1 Pedro 2:11) Ibig sabihin, puwede mong labanan ang tukso. Pero paano?
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Alamin ang mga kahinaan mo. Gaano man katibay ang isang kadena, mapuputol pa rin ito sa mahinang bahagi nito. Sa katulad na paraan, ang determinasyon mong gumawa ng tama ay malamang na masira kung saan ka mahina. Anong mga kahinaan ba ang dapat mong bantayan?
Paghandaan ang tukso. Mag-isip ng mga sitwasyon kung saan malamang na mapaharap ka sa tukso. Praktisin sa isip kung paano mo ito lalabanan.
Patatagin ang iyong paninindigan. Nang tuksuhing gumawa ng imoralidad, sinabi ni Jose: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?” (Genesis 39:9) Ang pananalitang “paano ko magagawa” ay nagpapakitang may matatag na paninindigan si Jose tungkol sa kung ano ang tama at mali. Ganiyan ka rin ba?
Humanap ng maaasahang mga kaibigan. Mababawasan ang mga tukso sa buhay mo kung pipiliin mo ang mga kasamang may paninindigang gaya ng sa iyo. Sinasabi ng Bibliya: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.”
Iwasan ang mga sitwasyon kung saan mahirap tanggihan ang tukso. Halimbawa:
Iwasang mapag-isa kasama ang isang di-kasekso.
Huwag gumamit ng Internet sa oras o lugar kung saan baka matukso kang manood ng pornograpya.
Iwasan ang mga tao na sa kanilang pagsasalita at pagkilos ay maeengganyo kang gumawa ng masama.
Anong mga patakaran ang itatakda mo sa iyong sarili para matulungan kang umiwas sa tukso?
Manalangin. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Manalangin nang patuluyan, upang hindi kayo pumasok sa tukso.” (Mateo 26:41) Ang totoo, gusto ng Diyos na Jehova na malabanan mo ang tukso, at matutulungan ka niyang gawin ito. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.”
^ par. 4 Binago ang pangalan.